Oras Na

102 7 1
                                    

Genre: Children's Fiction


"Anak! Bumangon ka na nga, tanghali na!" sigaw ng iyong ina mula sa labas ng iyong kwarto. Alas-dyes na kasi ng umaga ngunit ikaw'y nakahilata pa rin sa kama.

Dahan-dahan mong iminulat ang iyong kaliwang mata, napansin mong mula sa bintana ay tinatamaan na nga ng sikat ng araw ang 'yong mukha. Ipinikit mo ulit ang 'yong kaliwang mata; nag-iisip kong babangon na nga ba o hindi pa, ngunit nagpagdesisyunan mo ring ipagpatuloy pa ang naudlot na magandang panaginip kanina.

"Mamaya na nay, bakasyon naman e," sambit mo habang naghihikab pa.

"Anak! Hindi porke't bakasyon e hindi ka na tutulong dito sa bahay, tandaan mo 'yan," sigaw ulit ng 'yong ina mula sa labas ng 'yong kwarto. Ngayon nama'y may kasama pang pagkatok dito.

Nagpatuloy sa pagsatsat ang 'yong ina. Sinabi pa nitong ang tamad-tamad mo talaga! Binilang n'ya ang mga bagay na hiningi mo sa kanya at sinabi pa n'yang nakapanghihinayang na pinagbiyan ka pa n'ya kung ganito lang pala ang 'yong iaasta. Sinabi n'ya rin na kaya ka nga n'ya pinauwi ngayong bakasyon e para lang may silbi ka't inaasahan n'yang makakatulong ka sa kanya. Marami pa s'yang sinabi na nagtulak para tuluyan mo na ngang buksan ang 'yong mga mata.

Umandar na naman ang bunganga ng nanay ko. Bakit sa dinami-dami ng nanay sa mundo, ito pa ang napunta sa'kin? Kainis! Naisip mo. Naiinis mong pinilit na bumangon ang 'yong sarili. Umupo ka sa kama mo't halos sabunutan mo na ang buhok mo sa inis. Isa-isa na namang pumapasok sa isip mo kung bakit ang malas mo. Sabi ng ibang kaibigan mo, ganyan daw lang talaga ang mga ina, bubungangaan ka pero mahal ka pa rin kahit anong mangyari. Mali sila, minsang naisip mo. Para sa iyo'y ibang klase ang nanay mo't wala kang ibang maisip, kung hindi ang mainis kapag nagbunganga na 'to.

"Oo na, babangon na!" Pag-tambal mo sa sigaw n'ya na nagpakitang galit ka na nga talaga.

"Aba sumasagot ka pa! 'Wag mo akong masigaw-sigawan kung ayaw mong pikutin ko 'yang bibig mong bata ka," galit na sagot ng 'yong ina.

Ito na naman tayo, wala na naman akong karapatang magsalita! Sige s'ya na palagi ang tama! Naisip mo ulit. Tumayo ka na't padabog na naglakad palabas ng 'yong kwarto. Nilakasan mo pang mabuti ang pagsara ng pintuan mo. Agad kang nagpunta sa kusina't kumain ng agahan. Hindi ka nga lang nakalagpas sa sumbat ng nanay mong sana sa susunod ay tumulong ka naman sa pagluluto. Matapos kumain ay agad mo namang iniwan ang pinagkainan mo na hindi pa nahuhugasan.

"Hugasan mo 'yan! Anak, kailan ko ba uulit-ulitin sa'yo na matuto kang ligpitin ang sarili mong pinagkainan. Tsaka 'yong kama mo, anak naman, ayusin mo rin," mahinahon nang pagka-usap sa'yo ng 'yong ina.

Imbes na "Opo nay" ang 'yong sagot, ay padabog ka lang na naglakad papunta sa kusina n'yo. Nakakunot-noo mong hinugasan ang pinagkainan mo. Nakakaawa na nga ang plato't baso dahil sa halos mabasag na sa higpit ng hawak mo.

"Palagi ka na lang nasusunod," pagalit mong sambit ngunit ikaw lang ang nakakarinig. Umaga pa lang pero ang init na ng ulo mo. Ibang klase nga talaga ang naidudulot ng pagbubunganga at pangangaral sa'yo ng nanay mo. "Hindi na ako makapaghintay sa araw na mahihiwalay na ako sa inyo," dagdag mo pa.

Lumabas ka ng bahay n'yo na hindi nagpapaalam. Alam mo kasing pagsasabihan ka naman kung magpapaalam ka pa. Mabuti pa sa labas ng bahay n'yo; nakakahinga ka ng maluwag at nagagawa mo lahat ng gusto mo.

Naisipan mong maglakad-lakad na lang para pakalmahin ang sarili mo. Mainit na ang sinag ng araw ngunit parang wala lang din sa'yo. Galit ka at ang pagkuha ng payong ang pinakahuling gusto mong gawin, ayaw mo kasing ipakita na tama ang nanay mo na dapat magdala ka palagi ng payong. Sa paglalakad mo'y nadaanan mo pa ang kapitbahay n'yong mga-asawa na nagsisigawan. May mga bata ring naglalaro ng habulan sa may unahan, at nakasalubong mo pa ang tindero ng sorbetes na nakasakay sa trycicle.

Napahinto ka nang mapadaan ka sa simbahan. Narinig mo kasing tila may umiiyak na nagsasalita sa loob. Dala ng kyuryusidad ay lumapit ka papunta sa loob.

"Si Lola? For me, she's the best lola in the whole world," mautal-utal na pagsasalita ng babaeng nakatayo sa harap ng altar ng simbahan. Nakasuot ito ng puting blusa at itim na pantalon at iyak ng iyak.

Nakita mo namang marami palang tao ang nakaupo sa loob, lahat ng mga ito'y nakaputi. Umiiyak ang ilan habang nagpipigil naman ang iba. Ang iba'y nakatingin sa nagsasalita habang ang iba'y sa kabaong na nasa harap din ng altar.

"Ang bait-bait ni Lola sa'ming mga apo n'ya. Sabi ko pa nga kay Daddy kanina, Da you're so lucky for having Lola as your mother kasi napalaki ka n'ya ng mabuti. Alam n'yo reaction ni Daddy? Tumawa s'ya tapos umiyak," umiyak naman ulit ang babae.

Napayuko ka matapos tumigil ang babae. Bigla ka namang nakaramdam ng kaunting selos nang marinig mo ang sinabi ng babae. Ang bait-bait ng lola n'ya ngunit bakit iniwan na sila? Naisip mong ang mga nanay na katulad ng lola n'ya ang dapat binibigyan ng napakahabang buhay hindi katulad ng.. Iniling-iling mo na lang ang 'yong ulo at ibinaling mo ulit ang atensyon mo sa nagsasalita.

"Akala ko talaga iiyak lang ng iiyak si Daddy, pero bigla s'yang nagsalita. He said, anak tama ka. Ang swerte-swerte ko sa nanay ko. Ang bait-bait n'ya, pero naging suwail akong anak. I didn't listen to her no'ng mga panahong pinapangaralan n'ya ako. - Ngayon ay nahuli na talaga ang atensyon mo ng daloy ng mga pinagsasabi ng babae - sabi pa ni Daddy, mabunganga raw 'yang si Lola noong bata pa s'ya." Nagtawanan naman ang mga tao sa loob at maski ikaw ay napatawa rin.

"Ang tigas-tigas pala ng ulo ni Daddy. Akala n'ya sobrang higpit lang talaga ni lola na pati ang pakikipagrelasyon n'ya sa murang edad, e pinakialamanan na nito. Kaya nga itinanan n'ya si Mommy e. Pero alam n'yo ba no'ng gawin 'yon ni Daddy at naging isang parent s'ya? Doon n'ya naintindihan ang pagiging over protective ni Lola at ang mga pangaral n'ya. Higit sa lahat, nakita n'ya kung gaano nga ba kalalim ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak - huminga nang malalim ang babae at nanginig habang umiiyak na nagsalita - tinanggap n'ya ulit si Daddy noong nagkaproblema s'ya na para bang walang nagawang kasalanan ang anak n'ya.

"Lola, kung nasaan ka man ngayon, thank you la. Kasi dahil sa pangaral at pambubunganga mo kay Daddy, napalaki mo s'yang mabuti at naging mabuting tatay sa'min." Pinahiran ng babae gamit ang panyo na hawak-hawak ang kanyang mga mata at inilibot ang tingin sa buong simbahan.

"Mabunganga man kung ilarawan ni Daddy si Lola, maganda naman ang kinalabasan no'n para sa kanya. Kaya sa mga bata at mga kasing-edad ko, 'wag n'yo pong sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa inyo para makapiling n'yo ang nanay n'yo o kung sino pang mga mahal n'yo sa buhay. Matuto tayong makinig at bigyan natin silang halaga bago pa mahuli ang lahat." Tahimik na naglakad papunta sa upuan n'ya ang babae.

Nakaupo ka pa rin at nakaharap sa altar. Nakakagulat nga lang nang maramdaman mong may luhang tumulo na mula sa'yong mga mata. Hindi mo maiwasang alalahanin ang 'yong ina.

Naalala mo 'yong mga panahong kailangan mo ng pambili ng poject mo o kaya pambayad ng tuition mo. Kahit walang-wala kayo'y ginawa lahat ng nanay mo makautang lang para sa'yo. Naalala mo rin noong unang beses na tinuruan ka n'ya ng gawaing bahay. Para raw 'yon sa kinabukasan mo, para raw pag wala siya sa tabi mo balang-araw e alam mo na ang gagawin. Naalala mo lahat ng mga payo n'ya at kung paano mo ito sinuway.

Nang magsitayuan na ang mga tao'y nakita mo na lamang ang iyong sariling tumatayo na rin, pero naglalakad papunta sa ibang direksyon ng pupuntahan ng mga tao na nasa loob.

Naisip mo sigurong tama ang babae at oras nang itama ang mga pagkakamali mo, bago mahuli ang lahat ano?

The AuditionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon