Rooftop

135 7 2
                                    

Genre: Romance


Umupo ako sa gilid ng aking higaan at inabot ang picture frame na nakapatong sa bedside table. Dahan-dahan kong hinaplos ang larawan sa loob ng frame. Larawan ito ng pamilya namin noong maayos pa ang lahat. Noong kakikitaan pa ng sigla't liwanag ang mga mata't ngiti ni mama. Noong siyam na gulang pa lamang ako't punung-puno pa ng pag-asa. Noong nabubuhay pa si Papa.

Labindalawang taon nang nakalipas magmula noong barilin si Papa ng isang 'di kilalang lalaki sa tapat ng bahay namin. Isang normal na araw lang dapat 'yon. Ihahatid niya ako sa paaralan tulad ng nakagawian at aabangan ko naman siya pagkatapos ng klase dahil alam kong susunduin niya ako. Biyernes 'yon ng umaga't nangako pa siyang pupunta kami sa perya kinabukasan kasama si Mama.

Hindi ko sukat-akalaing sa isang kisap ng mata, sa isang putok ng baril ay magtatapos ang buhay ng aking pinakamamahal na ama.

Mahal na mahal ko si Papa. Napakabuti niyang tao. Isang maligayang bati ang inihahandog niya sa bawat taong makakasalubong niya sa aming barangay. Kilala siya ng lahat dahil sa kanyang taglay na kabaitan. Mapagbigay rin siya lalo na sa mga nangangailangan.

Kaya hindi ko lubos mawaring may magtatangkang kumitil sa buhay ni Papa.

Tandang-tanda ko pa noong ipinangako niya sa aking kasabay ko siyang aakyat ng entablado kapag nakapagtapos na ako ng kolehiyo. Isa siyang Engineer kaya naman pinangarap kong maging Architect upang maisakatuparan namin ang dream house namin.

Ngunit isa-isang naglaho na parang apoy na sinabuyan ng tubig ang mga bagay na minsa'y pinangarap naming mag-ama. Noong nawala si Papa, tila halos nawalan na rin ng saysay ang lahat. Ilang gabi akong hindi makatulog at nagpapabalik-balik sa aking isipan ang unti-unting pagbitiw ni Papa sa aking mga kamay nang siya'y barilin. Nawalan ako ng ganang kumain at hindi narin gaanong nakakapasok sa eskwela. Naging matamlay na si Mama't pinagpapalagay nang wala sa katinuan. Araw-araw niyang binabanggit ang pangalan ni Papa habang umiiyak sa lapag ng kanyang silid. Naging madilim ang noo'y maaliwalas na bahay namin. Napabayaan ang buong bahay. Napuno ng mga hikbi't hagulgol at nag-uumapaw ang pagdadalamhati sa tahanan ng mga Fortalejo.

Bawat minuto kong naririnig ang palahaw ni Mama. Tila ako'y unti-unti naring nawawala sa katinuan. Kalunos-lunos ang kalagayan ni Mama kaya mas lalong nadudurog ang puso kong makita siyang nahihirapan at puno ng sakit. Ngunit kailangan kong magpakatatag para kay Mama at para sa kinabukasan namin. Habang ako rin mismo'y nagdadalamhati.

Isang tanghali matapos kong mamalengke't magluto ay nagdiretso ako sa silid ni Mama upang siya'y tawagin nang sabay na kaming mananghalian. Halos panawan ako ng ulirat noong naabutan kong nakahandusay ang aking ina sa kanyang silid katabi ng isang bote ng gamot na halos wala nang laman.

Wala na si Mama. Iniwan na rin ako ni Mama.

Pagod na siguro ang mga mata ko. Wala na halos luhang mailalabas pa ang mga ito. Pinipilit kong magpakatatag ngunit sadyang sinusubukan ako ng kapalaran. Iniisip kong sumunod nalang kay Mama at Papa upang matapos na ang lahat lahat ng sakit na dinarama ko. Nang matapos nang lahat ang problemang dulot ng masalimuot na mundong ito.

Napakaraming katanungan ang bumabagabag sa aking isipan.

'Bakit kailangang mangyari ito sa buhay ko? Bakit ako nagdurusa? Masama ba akong tao? Anong kamalian ang aking nagawa upang matamasa ko itong patapong buhay na ito? Kung ito lang rin ang pala ang madaratnan ko sa mundong ito ay bakit pa ako inilabas sa sinapupunan ng aking ina?'

Kaya nama'y humantong na ako sa puntong wala na akong nakikita pang ni isang butil ng pag-asa upang mabuhay. Isang beses ay umakyat ako sa rooftop ng aming unibersidad. Walang pag-aalinlangang inakyat ko ang railings nito at handa nang tumalon upang lisanin ang mundong ito. Kung mundo parin ba itong matatawag o impyerno. Napaka-miserable kong tao. Wala narin namang nagmamahal sa'kin. Wala nang halaga ang mga pangarap kong matagal ko nang ibaon sa lupa. Wala narin naman akong kwenta. Baka sa kabilang buhay ay tumiwasay pa ang buhay ko roon. Wala narin siguro sa akin kung impyerno ang madaratnan ko. Ano pa bang ipinagkaiba noon sa buhay ko rito sa mundo?

The AuditionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon