Munting Tinig

107 5 0
                                    

Genre: Mystery


Umalingawngaw ang sirena nang ambulansya't mobile car na nagsi-datingan. Isa-isang pumasok sa kan'yang bahay ang mga unipormadong pulis na siyang mag-iimbestiga sa nangyari. Pinagmasdan niya ang mga ito habang nakaupo sa isang sulok. Nanginginig. Umiiyak. Habang ang mga kamay at damit ay puno ng pulang likidong nagmula sa mga taong nakahandusay sa sahig. Umaagos ang mga dugo galing sa mga katawan nito habang hindi naman maampat sa pag-agos ang mga luha sa kan'yang mukha. Dahan-dahan siyang inalalayang makatayo nang mga naka-unipormeng puti ngunit agad siyang nagpumiglas.


"Hindi ako ang pumatay sa kanila!!!"nagsisigaw niyang saad habang itinuturo ang kan'yang mag-amang nakahandusay sa sahig.


Walang mga malay. Walang mga buhay.


Mas lalo siyang naiyak nang maalala ang mga pangyayari habang unti-unting lumilinaw sa kan'yang balintataw ang bawat eksena at imaheng tumatak sa isipan niya.


Sumalamin sa kan'yang paningin ang bawat pagtarak ng kutsilyo sa katawan ng kan'yang asawa't anak na hindi magkamayaw sa pagmamakaawa. Paulit-ulit ang paghingi nang mga ito ng saklolo at pati pag-iyak at paghiyaw nang mga ito sa sakit na dinadanas ay siyang malinaw n'yang naririnig. Habang ang may kagagawan ay hindi alintana ang pagtalsik ng mga pulang likidong bumabasa sa kan'yang balat at damit. Nakangiti pa ito na para bang isang nakakatuwang aksyon ang pagpatay ng mga tao. Nagmistula itong nahipnotismo at may kung sino ang nagmamanipula sa mga aksyon nito. Isang taong umaastang robot na de-susi na s'yang sumusunod lamang sa utos ng kan'yang amo.


Isang duguang kutsilyo ang hawak nito habang nanlilisik ang mga mata. Puno nang dugo ang puting damit nito at matiim itong nakatingin sa kan'ya.


"Maawa ka 'wag mo akong papatayin." Hilam sa luha ang kan'yang mga mata habang nakaharap sa salamin at tinitignan ang kilos ng repleksyong nasa harap n'ya.


Napangiti ito at ilang sandali ay lumapit pa ito sa salamin kaya mas lalong nakita ang repleksyon nito. Umalingasaw ang humalong lansa ng dugo't pawis mula sa amoy nito. Nakakasulasok kaya't hindi n'ya napigilan ang mapaduwal. Napatakbo s'ya sa banyong kalapit nito at agad na isinara ang pinto.


"Kahit anong gawin mong pagtakbo ay hindi mo ako matatakasan. Sundin mo lang ako ay hindi ka mapapahamak."Saad nito sa nakakahindik na boses kung kaya't hindi mapigilan ng kan'yang mga balahibo ang manayo.


Nakakabinging katahimikan ang s'yang pumailanlang matapos ng iyakan at sigawan. May kung anong mabilis na pagpapalit ng atmospera sa paligid matapos ang karumal-dumal na eksenang 'yon.


Ngunit bago pa man mangyari ang lahat ng ito ay tahimik lang sila nang kan'yang pamilya na nanonood ng telebisyon sa kanilang sala.


"Sandali nga't kukuha lang ako nang makakain natin." Tumayo siya upang magtungo sa kusina at maghanda nang kanilang makakain.


Habang hawak ang isang slice ng tinapay at kutsilyong ginagamit pangpahid sa palaman ay may kung anong munting tinig ang bumulong sa kan'ya.


"Ito na ang tamang sandali upang magawa mo ang iniuutos ko sa iyo." Maawtoridad ang boses nitong nag-uutos.


Ipinilig niya ang kan'yang ulo at inignora ang munting tinig na iyon. Matapos makapag-handa ay inihain niya ito sa kan'yang mag-ama.


Ilang saglit ay nakaramdam s'ya nang hindi maganda kung kaya't nagpaalam s'ya upang umakyat muna sa kwarto. Kinuha n'ya sa drawer ang isang botelya at itinaktak sa kan'yang palad, hinintay n'yang malaglag ang bagay na naroon ngunit wala. Napailing na lang s'ya at napabuntong-hininga saka niya lang naalalang ilan buwan na nga pala s'yang hindi nakakabili at nakakainom ng gamot dahil mas prayoridad niya ang unahin ang kanilang gastusin. Hindi niya magawang isiksik sa kakarampot na budget mayroon sila ang pambili ng gamot kung kaya't ilang buwan na ng matigil siya sa pag-inom nito.


Napagpasyahan na lang tuloy n'ya ang magtungo sa banyo upang maligo.Isa-isa niyang hinubad ang saplot niya na siya namang nalaglag sa sahig ng kanilang banyo. Medyo nanginig siya ng maramdaman ang lamig buhat ng pagkakahubad niya at maging ang paa niyang nakatapak sa malamig na sahig ay hindi nakaligtas rito. Pinihit niya ang seradura ng kanilang gripo at gumawa ng ingay ang sunod-sunod na paglagaslas ng tubig mula roon. Ilang sandali s'yang nagbabad sa ilalim ng malamig na tubig saka nagdesisyon na tapusin ang pagligo. Itinaklob niya sa kan'yang kahubdan ang tuwalya saka lumabas. Agad rin siyang kumuha nang puting t-shirt at maong na short. Matapos makapag-bihis ay nagtungo s'ya sa harap ng salamin at doon humarap habang nagsusuklay.


"Ito na ang tamang panahon," Saad n'ya saka nagpakawala nang isang nakakabaliw na halakhak. "Gising na ang demonyong nakakubli sa loob ko." at isang nakakalokong ngisi ang siyang iniwan niya sa repleksyon sa salamin na nagmistulang ibang tao. Taong sinapian ng isang masamang nilalang buhat sa pagpapalit ng nakakatakot na ekspresyon at aurang unti-unting lumulukob sa katauhan niya.


Nang sunod-sunod na nagpaulit-ulit sa isipan niya ang mga nangyari ay hindi niya na napigilan pa ang humagulgol habang hawak-hawak sa magkabila nang mga taong nagta-trabaho mula sa isang institusyon. Sinuotan siya ng straitjacket kung kaya ay natigil na siya sa pagpiglas sa mga ito. Wala na siyang nagawa kundi ang titigan na lamang ang kan'yang mag-ama na siya mismong pinatay niya gamit ang sarili niyang kamay. Tumulo na lang ang mga luha sa kan'yang pisngi na para bang talon na hindi maampat sa pag-agos.


Ngunit gaano pa man siya humagulgol ay wala na itong magagawa dahil kahit pabahain niya pa ang buong lugar nila ng kan'yang mga luha ay hindi na maibabalik nito ang mga buhay na siya mismo ang kumuha. Buhay na dapat ang nasa Itaas lamang ang siyang may karapatang bumawi ngunit dahil ang munting tinig ay kampi ng nasa ibaba na siyang nagmistulang amo niya ay wala na siyang nagawa kundi sundin ito.


"Patawad, patawad." Ang paulit-ulit niyang sinasaad habang unti-unti siyang inilalabas sa kanilang bahay.


Hinabol niya ng tingin ang mga bangkay na nakahandusay sa sahig at napapikit siya sa pait ng sinapit ng mga ito sa sarili niyang kamay. Ang mga pulang likidong nagmantsa sa damit at kamay niya ay mula sa dugo ng mga ito. Ang dalawang importanteng tao sa buhay niya ay nawala ng dahil lang sa isang munting tinig.


"Magaling nagawa mo ang inuuutos ko sa iyo." Narinig niyang muli ang tinig na iyon. Ang tinig na siyang naging dahilan ng pagkawala ng kan'yang mga mahal.


"Ahhhhhhhh!!!!" humiyaw siya ng pagkalakas-lakas habang pilit na nagpupumiglas.


Isang malakas na halakhak galing sa munting tinig ang huli niya narinig. At kasabay niyon ay maagap at mabilis siyang isinakay sa sasakyan at doon binantayan. Sa pag-andar ng kan'yang sinasakyan papalayo ay saka niya nasabi sa sariling...

'Makakauwi na rin ako sa tirahan kung saan ay bagay ako, kasama ng munting tinig na siyang nagmistulang amo't anino ko.'

The AuditionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon