Hindi Ko Maintindihan

495 19 3
                                    

Genre: Slice of life


"MAMA, aalis na po ako," paalalam ko. Mabilis kong kinuha ang kamay niya at nagmano.

Tumigil siya sa pagliligpit ng gamit. "Saan ka naman pupuntang bata ka? Huwag ka nang umalis dahil ilang minuto ngayon, pupunta na tayo sa evacuation center. Naglibot dito sina Kapitan kanina at nagsabing huwag na raw tayong maghintay sa susunod na palitan ng putok. Nakakatakot na talaga ang panahon ngayon. Puro na lang giyera. Noon naman, sa panahon lang lola at lolo mo ang giyera na ito. E. Nakakatakot talaga."

Kumunot ang noo ko. Hindi ko maintindihan kung bakit natatakot si Mama. Sabi ni Teacher Marian, kapag ganitong may giyera, ang mga sundalo raw ang tagapagtanggol ng mga tao lalong-lalo na sa aming mga taga-rito sa itaas ng bundok. Masaya nga ako dahil kahit na malayo itong lugar namin, bumabalik-balik pa rin si Teacher Marian. Hindi siya natatakot.

Gustong-gusto ko kapag bumabalik na si Teacher galing sa bayan. Magdadala siya ng masasarap na pagkain gaya na lamang ng noodles, kulay pula na karne na may hugis na maliit na tatlong bilog, at mga sapin sa paa na iba't-ibang kulay.

Ano na naman kaya ang dadalhin ni Teacher Marian ngayon?

Nasasabik ako.

"Mama, huwag po kayong mag-alala. Hindi po tayo pababayaan ng mga naka-unipormeng lalaki. Teka po. Bakit naman kayo umiiyak?"

Nagulat na lamang ako nang yakapin ako niya ako ng buong higpit na halos hindi na ako makahinga. "Sana manatili ka na lang ganito mag-isip, Tamara. Natatakot ako na balang-araw maintindihan mo kung bakit tayo naiipit sa kanila."

"Naiipit? Ano pong ibig mong sabihin,?"

Inilayo niya ako sa katawan niya.

"Huwag mo nang isipin iyon. Ito lang ang tandaan mo. Huwag kang lalabas. Kapag nakarinig ka ng putukan, dumapa ka na lang. Huwag na huwag kang tatayo hangga't hindi mo naririnig na tumigil na sila. Naiintindihan mo ba?"

Tumango na lamang ako kahit hindi ko maintindihan ang pagkabahala niya. Kahit hindi papatag si Mama, aalis pa rin ako. Baka naghihintay na si Teacher Marian doon sa eskwelahan.

"Ma, sa labas lang muna ako."

"Huwag kang pasaway, Tamara."

*****

PUMUNTA ako sa kubo nina Gigi. Mas maganda pa rin na may kasama akong papasok sa eskwelahan. Habang naglalakad kasi kami, maglalaro kami ni Gigi. Naku, masaya iyon.

"Gigi, sabay na tayong pumunta sa eskwelhan," tawag ko mula sa labas ng kubo nila.

Kinuha ko ang maliit na bato sa lupa at nilalaro iyon habang sinisilip ko ang loob ng bahay nina Gigi.

Ang tagal naman. Nasaan naman kaya siya? Baka sinamahan niya ang mama niya sa paglalaba sa ilog? Ang bait naman ng kaibigan ko.

Hmm. Pero may pasok kami, e.

Inihagis ko ang bato papunta sa bahay nila.

Ako na lang ba mag-isa ang pupunta sa eskwelahan? Nakakalungkot naman.

"Sino ang naghagis ng bato?" tanong ng mama ni Gigi habang hawak hawak ang batong inihagis ko kanina.

Napakislot ako.

Naku. Patay ako nito.

Kumaway ako sa direksyon niya na hindi niya ibinalik. May pagka-istrikta kasi ang mama ni Gigi. Natatakot nga kami minsan sa kanya. "Magandang umaga po," bati ko. Pinagdikit-dikit ko ang mga daliri. "Nandiyan po ba si Gigi? Pupunta po kasi kami sa eskwelahan. Sasabihin namin kay Teacher Marian na hindi papasok ang mga kaklase namin dahil sa putukan."

The AuditionsWhere stories live. Discover now