My Name is Mouse 2: Holiday Vacation Ends

5 2 0
                                    


HUMINA na rin sa wakas ang kanina'y malakas na ulan. Nakabantay ako kay Jack nang makarinig ako ng kaluskos papalapit sa kinaroroonan ko. Naging alerto ako sa kung anumang sumulpot sa damuhan. Nanlaki ang mga mata ko nang makita sina...

"Mister Finn!!!" sigaw ko sabay takbo.

"Mouse! Mabuti't ligtas ka!" Niyakap ako kaagad ni Mister Finn pagkapunta ko sa kanila.

"Si Jack, kailangan ng tulong ni Jack!" madaling sambit ni Hiro.

"Tumawag na ako ng pwedeng tumulong sa atin. Rescue team sa bayan papunta na raw sila rito."

Tinungo namin ang kinaroroonan ni Jack. Tiningnan ni Mister Finn ang pulso niya. "Maayos naman siya mukhang nawalan lang ng malay. Kailangan nating matanggal itong puno at maialis siya sa pagkakadagan."

"Hindi natin kakayaning buhatin ang punong 'yan nang tayo lang kahit murang puno pa lang 'yan." Naupo si Hiro saka siniyasat ang puno. "Pasalamat pa rin at hindi ang isang 'yon ang dumagan sa kanya kundi sigurado—"

"Huwag mo nang sabihin!" sabat ko. "Ayokong marinig ang maaaring mangyari sa kanya. Mahalaga siyang kaibigan at siguradong hindi kakayanin ni Ashley kapag nangyari ang iniisip mo!"

"S-Sorry."

Maya-maya lang nang dumating sina Jury kasama ang rescue team. Kaagad nilang tiningnan ang sitwasyon ni Jack. May dala-dala silang kagamitan na angkop para buhatin paitaas ang kahoy. Hindi na nila ito pinutol dahil baka raw mapahamak ang katawan ni Jack sa ilalim. Mabuti at may sumunod na rescue helicopter at dito itinali ang matibay na cable wire na siyang nag-angat sa puno. Naging lifter ang helicopter at nang tuluyang umangat ang puno kaagad nilang tinanggal nang maingat ang katawan ni Jack. Sinakay nila ito sa stretcher saka isinakay sa rescue boat na dala ng mga rescuer.

"Mouse, Jury, ang mabuti pa sumabay na kayo sa rescue boat pabalik sa kabilang isla at bantayan ninyo si Jack sa pagdala sa kanya sa ospital," sabi ni Mister Finn.

"Pero sina Theo ay nasa loob pa ng gubat!" paalala ko.

"Alam ko. Kaya nga ako na ang maghahanap sa kanila katulong ng ibang rescuer. Isasama ko si Hiro, babalik din kami kaagad kapag nahanap na namin sila," sagot ni Mister Finn.

"Pero..."

"Mouse!" Hinawakan ako ni Mister Finn sa magkabilang balikat. "Pangako, hahanapin namin sila at ibabalik ng ligtas. Hindi rin naman ako papayag na hindi sila matagpuan." Binigyan ako ni Mister Finn nang kasiguraduhang mukha. Pinapakalma niya ako sa pamamagitan ng kanyang ngiti. "Magtiwala ka sa amin, Mouse."

"Mister Finn..."

"Naghihintay na sina Lola, pati ang mga magulang n'yo sa baybayin para sunduin kayo. Alalang-alala na silang lahat."

"Mag-iingat po kayo, Mister Finn." Wala na akong nagawa kundi ang pumayag sa sinabi ni Mister Finn. Kahit punong-puno ng pangamba ang loob ko, tinibayan ko ito at mananalig ako. May tiwala ako sa kanila na matatagpuan nila sina Theo.

"Mouse, tayo na." Hinawakan ako sa braso ni Jury.

Sumakay kaming dalawa sa rescue boat. Umandar ang barko, tanaw ko sina Mister Finn, kumaway siya pabalik sa akin.

"Huwag kang mag-alala, Mouse. Magiging maayos din ang lahat."

Tumango ako sa sinabi ni Jury. Gabayan sana sila ng Diyos sa kanilang paghahanap.

***

DINALA ng mga rescuer si Jack sa pinakamalapit na ospital. Ako, si Jury, kasama sina Mama at Papa ang nagtungo sa ospital para bantayan si Jack. Naiwan sa white house sina Mrs. Lewis, Miss Mendez, Mister Davies at maging ang kapatid kong si Johan. Dumating din sa ospital ang parents ni Jury para sunduin siya. Nanatili muna sila sa lobby dahil gusto pa nilang marinig ang buong pangyayari. Nasa isla pa si Hiro kaya hindi muna sila uuwi at maghihintay pa rin kasama namin.

My Name is Mouse (On-going)Where stories live. Discover now