Reminiscing the Past

38 2 0
                                    


TUMAWAG sa akin si Moli, magkikita kami ngayon sa Cavite City. Pupunta kami sa bahay na siyang nagsilbing tahanan namin noong mga bata pa kami. Nakaabang ako sa sakayan ng jeep kung saan kami dapat magkikita. Nang maaninag ko si Moli, aba kasama niya sina Jack at Lily?

Natuwa ako nang makita silang tatlo. "Moli! Jack! Lily!" tawag ko.

Napansin nila ako kaagad sabay kumaway din pabalik sa akin. Nang makasama-sama kaming apat... para akong bumalik sa aking pagkabata.

"Mouse!" sabik na sabi ni Moli.

"Ate Mouse, miss na miss na kita!" May butil ng luha sa magkabilang gilid ng mga mata ni Lily. Ang sweet pa rin niya, hindi pa rin siya nagbabago.

"Dalaga ka na, Lily!" Kinuskos ko ang malambot niyang buhok sa ulo.

Ang laki ng ipinagbago ni Lily, dalaga na siya at napakaganda. Litaw na litaw ang kinis ng kutis niya, maamong mukha, buhok na makintab at katawang hinuhubog na ng edad niya.

"Kasalukuyang 11 years old ako Ate Mouse, sa birthday ko 12 na ako sakto sa pagpasok ko sa Davies."

Oo nga pala nabalitaan ko na kay Mama na pina-enroll si Lily sa Davies ng umapon sa kanyang mag-asawa.

"Kumusta naman ang pamilya mo, Lilya?" usisa ko.

"Mababait sila, Ate."

Tumango lang ako sabay ngumiti. Tinapik kami ni Jack saka sumenyas na umalis na kami. Sumakay kami sa jeep. Habang umaandar ang jeep hindi ko maiwasang tingnan ang paligid. Babalik kami ngayon sa Uncle John's Orphanage upang bisitahin si Miss Mercedes at Father Morales.

"Balita ko, malapit na raw umalis si Miss Mercedes," wika ni Moli.

"Ang sabi mo noon, mag-a-apply ka sa ampunan hindi ba?"

"Oo, Mouse!"

Tama nasabi na ito noon ni Moli na balak niyang bumalik nang tuluyan sa ampunan at palitan sa pamamahala si Miss Mercedes. Matanda na ang parehong mag-asawang umampon kay Moli. Ang balita pa niya sa amin, may sakit daw ang dalawang matanda at ayaw na rin ng mga ito na magpatingin sa doktor. Kahit anong pilit ni Moli, ang gusto na lang daw ng dalawang matanda ay mamatay nang payapa.

Malungkot ang mukha ni Moli nang ibahagi niya iyon sa amin. Malungkot mawalan ng mahal sa buhay. Kahit ako, ayokong mangyari iyon. Inisip ko pa lang si Mrs. Lewis dahil matanda na siya naiiyak na ako.

"Ate, narito na tayo!" tawag ni Lily.

Bumaba kami ng jeep at naglakad patungo sa unang kanto. Naroon ang simbahan. Pagkapasok namin sa loob, hinanap namin kaagad si Father Morales. Walang pinagbago ang simbahan sa pagmamasid namin sa hitsura nito. Mula sa gate, sa labas, sa loob pati ang hitsura ng altar ganoon pa rin.

"Mouse! Jack! Moli! At Lily!"

Niyakap kami ni Father Morales nang mahigpit. Ramdam namin ang pananabik na makabalik kami rito sa aming kinalakihang simbahan. Pinahiran ni Father Morales ang luhang lumitaw sa kanyang mga mata. Ngumiti siya na parang kahapon lang ang mga ngiting iyon.

Gano'n pa rin si Father, masayahin at palangiti. Inilibot niya kami sa gilid ng simbahan kung saan may bagong tayong priest quarter. Dito na sila ngayon natutulog, mas malaki at komportable na raw ang kanilang kuwarto ngayon. Narito rin ang opisina para sa mga gustong humingi ng tulong sa simbahan. May playground pa rin kung saan kami noon naglalaro tuwing nasa simbahan kami.

"Ate, wala pa ring pinagbago ang simbahan. May nadagdag lang pero, ito pa rin ang minahal nating simbahan noon!" Itinaas ni Lily ang mga kamay niya't tumakbo sa damuhan na parang bata.

My Name is Mouse (On-going)Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin