My Name is Mouse 2: Missing You

11 2 0
                                    


NATAPOS ang isang semestral nang puyat dahil sa pagre-review para sa final exam. Mabuti at naging maayos naman ang pagtatapos ng isang sem. Sumapit ang semestral vacation, tumatagal ito ng dalawang Linggo. Uuwi muna ako sa bahay at doon mananatili hanggang magpasukan ulit. Nakapagpa-register na ako para sa susunod na pasukan kaya wala na akong aalalahanin ngayon.
Nakaayos na ang ilang gamit ko, hinihintay ko na lang si Mrs. Salmonte, ibibigay ko ang bayad sa boarding house.

"Mouse, paalis ka na?" Saktong dumating si Mrs. Salmonte.

"Opo, babalik na lang po ako bago magpasukan." Inabot ko sa kanya ang bayad.

"Ah, sige salamat." Tinanggap niya ito at inilagay sa bulsa. "Siya nga pala, hindi ba uuwi si Lyka? Wala kasi siyang nabanggit sa akin na uuwi siya sa mansyon ng mga Lewis."

Nailang ako sa pagbanggit ni Mrs. Salmonte kay Lyka, hindi ko alam ang isasagot ko. Napalihis ako ng tingin bago nagbigay ng alanganing ngiti. "H-Hindi ko po alam..." nahihiya kong sagot.
Bahagyang gumuhit ang pagtataka sa mukha ni Mrs. Salmonte. "Okay lang ba kayong dalawa?" alanganin niyang tanong.

"Ah, eh..." Ngumiti lang ako't tumango.

Ayaw ko mang magsinungaling ayaw ko rin namang may madamay pa na ibang tao sa hindi namin pagkakaunawaan ni Lyka.

Nagpaalam ako kay Mrs. Salmonte, binitbig ang bag pack ko saka umalis ng boarding house. Siya na raw ang mag-la-lock ng pinto ng kuwarto. Ipinaubaya ko na sa kanya ang natira kong gamit sa boarding house. Wala namang mahalagang gamit akong iniwan, mga ilang damit lang at kasangkapan na hindi ko pa maaaring iuwi ng bahay.

***

"ATE!!!" salubong sa akin ni Johan.

Sabado ngayon, wala siyang pasok kaya nasa bahay siya. Nang malaman niyang uuwi ako nag-abang na talaga siya para siya raw ang unang babati sa akin. Inabot ko sa kanya ang pasalubong kong donut.

"Ito lang naman yata ang habol mo," biro ko matapos niyang kunin ang dala kong donut.

"Hindi, a! Na-miss talaga kita, Ate." Kaagad niyang kinain ang pasalubong na dala ko.

"Si Mama at Papa?" taka kong tanong nang hindi ko sila makita sa salas.

"Nasa dormitoryo pa si Mama, si Papa may tawag sa opisina urgent meeting daw," paliwanag ni Johan.

"Akyat muna ako." Tinapik ko nang mahina sa balikat si Johan.

Umakyat ako sa kuwarto ko't inilapag ang bag ko sa ibabaw ng kama. Kaagad akong umupo sa silya nakaharap sa monitor ng computer. Binuksan ko ang power at kaagad nag-check ng email sa Yahoo.
Nang sunod kong buksan ang Yahoo Messenger, kaagad kong nakita na online si Theo. Bigla akong nasabik, gumuhit ang kinikilig kong ngiti sa labi. Medyo nag-aalangan pa akong i-chat siya.

"Baka busy siya?" mahina kong bulong.

"Hindi busy si Kuya Theo, ka-chat ko siya kanina ang sabi ko uuwi ka ng bahay!" malakas na sabi ni Johan, na nakasilip sa pinto.

Tumayo ako't pinuntahan siya. "K-Ka-chat mo siya kanina? A-Ano'ng sabi niya?" atubili kong tanong.

"Bakit hindi mo na lang kasi siya i-chat!" Sabay tinalikuran ako ni Johan, nagtungo siya sa silid niya.

Isinara ko ang pinto at bumalik sa upuan. Ang batang 'yon talaga. Close na close sila ni Theo, a. Siguro madalas silang nagkaka-chat, ano kayang pinagkukwento nitong kapatid ko sa kanya.
Huminga muna ako nang malalim bago pinindot ang pangalan niya. Nag-pop up sa messenger window ko ang pangalan ni Theo. Pinalitan pala niya ang profile pic niya? Nagulat ako nang makitang picture naming dalawa ang nakalagay sa profile pic niya sa Y.M.

My Name is Mouse (On-going)Where stories live. Discover now