Drew Family

52 4 0
                                    


CHRISTMAS party namin ngayong araw at huling araw ng pagpasok sa paaralan. Bumalik na ang gana ko sa lahat ng gawain at alam kong malaki rin ang ibinawi ko ngayong third grading. Oras na man para magsaya dahil pagkatapos ng araw na ito, Christmas vacation na.

Syempre tulad sa mga nakagawiang Christmas party hindi mawawala ang palaro, exchange gift at masayang kainan. Sinulit namin ang araw na 'to dahil ang iba sa amin ay uuwi sa mga probinsya at ang iba sa dormitoryo ay uuwi rin sa kanilang sariling bahay.

Kumanta kami, sumayaw at naglaro nang buong araw. Ang saya! Iba talaga kapag sasapit ang Pasko. Natapos ang buong araw na may ngiti sa aming mga labi. Umuwi ng mansyon sina Theo at Ashley habang dumeretso kaagad ako sa dormitoryo.

Isang imbitasyon kasi ang natanggap ko at ayoko naman itong tanggihan.

Habang inaayos ko ang mga gamit ko sa kuwarto, kumatok saka pumasok sa loob si Mrs. Drew.

"Oh, handa ka na ba, Mouse?" tanong ni Mrs. Drew.

"Opo, kaunting gamit lang naman po ang dadalhin ko," sagot ko habang nagtutupi ng damit.

Tinulungan akong magtiklop ni Mrs. Drew, mabalis akong natapos sa pagtutupi ng damit. Isinunod ko naman ang mga gamit na maliliit tulad ng toothbrush, face towel, paborito kong pabango at iba pa.

"Tumawag nga pala sa akin si Johan, excited na siyang makita ka, Mouse," balita ni Mrs. Drew nang nakangiti.

"Ako rin po, Mrs. Drew! Gusto ko na rin pong makipaglaro kay Johan." Iniisip ko pa lang kung ano ang hitsura ng bahay nila at bakuran kung saan kami maglalaro ni Johan, hindi ko mapigilan ang sarili kong manabik.

"Oh, siya! Tapusin mo na ang pag-aayos ng gamit mo." Tumayo si Mrs. Drew, lumabas ng kuwarto ko at siya na rin ang nagsara ng pinto.

Naimbitahan kasi ako ng pamilya ni Mrs. Drew na magbakasyon hanggang bespiras ng pasko sa bahay nila. Nagpaalam naman ako kay Mrs. Lewis at pinayagan naman niya ako. Susunduin na lang ako ni Mister Finn sa mismong Pasko para sila naman ang kasama ko.

Hindi ko magawang tanggihan ang paanyaya ni Mrs. Drew dahil maging ako, sabik na ring makilala ang pamilya nila. Gusto ko ring makalaro si Johan, balita ko kasi nalulungkot ang bata dahil wala siyang kalaro sa bahay nila.

Si Johan, ay may mahinang pangangatawan. Nag-ho-home study siya dahil palagi siyang nagkakasakit. Imbes na lumiban-liban siya sa paaralan, minabuti nilang sa bahay na lang siya turuan. Naalala ko na naman ang mga bahay sa ampunan. Alam ko ang pakiramdam na gustong-gusto mong pumasok sa tunay na paaralan tulad ng ibang mga bata. Nakakalungkot...

Matapos ang pag-iimpake ko, bumaba muna ako at lumabas ng dormitoryo sandali. Nagpaalam ako na babalik ako kaagad kay Mrs. Drew. Nakita ko na ang mga gamit niya na nasa lobby. Ang ibang mga estudyanteng tumutuloy sa dormitoryo ay nagsipag-uwian na rin.

Nagtungo ako sa mansyon upang magpaalam nang maayos sa pamilya Lewis. Una kong nakita sa hardin si Ashley, nakaupo at pinagmamasdan ang mga halaman.

"Ashley!" tawag ko na kanyang ikinalingon.

"Mouse!" Kumaway siya pabalik.

Nilapitan ko siya saka inusisa ang ginagawa niya sa labas. Napag-alaman kong kanina pa pala niya ako inaabangang pumunta sa mansyon. Pumasok siya sa loob, tumambad sa harap ko ang maraming laruan, damit at pagkain pang regalo.

"Inihahanda na namin ang ipamimigay na pamasko sa mga batang—"

"Mahihirap? Ulila? Ano pa?" tumaas ang tono ng pagsasalita ko. Ewan ko ba parang hindi ako naging komportable kahit na alam kong kabutihan lang naman ang hangad nila dahil Pasko.

My Name is Mouse (On-going)Where stories live. Discover now