Season Finale

60 2 0
                                    


NAKAAYOS na ang mga gamit ko, handa na akong tumira sa boarding house sa Maynila. Kinarga ni Papa ang mga gamit ko sa loob ng van. Kasama ko ang buong pamilya para makita rin nila ang titirahan ko. Tumawag si Lyka kanina at ang sabi niya, nauna na raw siya boarding house. Hinatid siya nina Mister Finn, Miss Mendez at Mrs. Lewis.

"Ate! Tayo na raw!" tawag ni Johan.

Bumaba ako ng kuwarto, ni-lock ang pinto sabay lumabas ng bahay. Si Mama na ang nag-lock ng front door at bago kami umalis huminga muna ako nang malalim. Pinagmasdan ko ang bahay namin dito sa Makati. Uuwi rin naman ako tuwing walang pasok kaya ayos lang naman, wala silang dapat alalahanin.

"Tayo na po." Sumakay kami ni Mama sa loob ng van at sinimulan nang paandarin ni Papa ang sasakyan.

Habang nasa biyahe, inayos ko ang loob ng bag ko. Siniguro kong dala ko ang maliit pero importanteng bagay tulad ng charger, head phone at mga lumang kahon na may importanteng laman. Hindi ko na dinala ang heart shaped pendant ko, hinabilin ko iyon kay Mama. Ang dala ko lang na hindi ko maiwan ay ang regalo ni Theo na Aquamarine rain drop pendant, puting panyo na iniingatan ko at ang promise ring.

Gusto ko siyang maalala palagi, sa lahat ng oras. Isinara ko ang zipper ng bag pack ko. Dumungaw ako sa bintana't inisip kung ano na kaya ang ginagawa nina Theo at Ashley.

"Mouse,"

"Po?"

Ngumiti sa akin si Mama. "Mag-iingat ka sa boarding house, a." Ipinatong niya ang kamay niya sa balikat ko.

"Opo! Huwag po kayong mag-alala palagi na man po akong tatawag."

"Ate! Galingan mo sa college, a!" sabat ni Johan.

"Oo naman—ako pa!" pabibo ko.

***

NAKARATING kami sa boarding house. Matao ang paligid ng kalye, kahit saan ka tumingin may mga paninda kang makikita. Ang school ko ay may kaunting kalayuan, mga dalawang kanto sa pagtawid tapos may kalye paloob. Sa loob ng kalye may one way road at sa tapat ng grocery store naroon ang boarding house. Pagmamay-ari ito ni Mrs. Beverly Salmonte, siya rin ang may-ari ng grocery store sa tapat. Siy Mrs. Salmonte ay matabang babae na may isang anak. Wala na siyang asawa, maaga itong namatay. Katuwang niya sa negosyo ang dalawa niyang kapatid na lalaki.

Mabait naman si Mrs. Salmonte, madali ko siyang nakagaanan ng loob. Maliban sa mataba niyang katawan, maiksi at kulot ang buhok niya. May kaliitan din siya at medyo singkit ang mga mata. Sabi ni Mrs. Salmonte, may lahi raw kasi silang Chinese kaya singkitin silang magkakapatid.

"Mouse!" salubong na bati ni Mrs. Salmonte, nang makita akong bumaba ng van sa tapat.

"Mrs. Salmonte, siya nga po pala mga magulang ko at kapatid ko," pakilala ko sa mga kasama ko.

"Kumusta po, Richard Drew po, ito po ang aking asawang si Erina at anak na si Johan." Inabot ni Papa ang kamay niya't nakipagkamay kay Mrs. Salmonte.

"Kinagagalak ko po kayong makilala." Halata ang hiya ni Mrs. Salmonte nang makaharap niya si Papa.

Ito kasing si Papa napaka pormal na lalaki, malinis at desenteng tingnan. Kaya itong si Mama alam na alam niyang maraming humahangang babae kay Papa. Mabuti na lang at stick to one 'tong si Papa.

"Tara po sa itaas!"

Umakyat kami't sinundan si Mrs. Salmonte patungo sa kuwarto kung saan ako titira. Dala ni Papa ang maleta ko habang bitbit ko naman ang bag pack ko.

Nang marinig ko ang boses ni Lyka mula sa pasilyo.

"Lyka!" tawag ko nang makumpirmang si Lyka nga iyon.

"Mouse! Mabuti at narito ka na!" Nilapitan niya ako. "Hello po!" bati niya sa mga magulang ko.

"Lyka! Mabuti naman at may makakasama si Mouse rito. Magpapakabait kayong dalawa, a." Kinuskos ni Mama ang buhok ni Lyka.

"Opo, Tita Erina!"

Pumasok kami sa loob ng aking silid. Magkatabi lang pala kami ng silid ni Lyka. Room 101 siya at room 102 ako. Iginala ko ang panginin ko sa apat na sulok ng kuwarto. Maliit lang ito at sakto sa isang tao. May pang-isahang kama, maliit na mesa, isang aparador na lagayan ng mga damit sa salamin na nakasabit sa dingding.

"Ang banyo ay nasa ibaba. May mga rules and policies akong pinapatupad dito sa boarding house kaya dapat isaisip mo iyon, Mouse."

"Opo, Mrs. Salmonte."

May pinapatupad na curfew sa boarding house. Mayroon din kasing curfew rito sa barangay na ipinapatupad. Sakop pa rin ako ng curfew dahil mag-se-seventeen pa lang ako sa July.

Dalawa ang boarding house, itong building na ito ay para sa mga babae at ang katabing building ay para sa mga lalaki. Bawal magsama ang babae at lalaki, istrikto ring ipinagbabawal ni Mrs. Salmonte ang pagdadala ng lalaki, alak, o kung anumang makakasira o makakalabag sa batas at sa kaligtasan ng mga boarders niya. Bawal din ang sobrang maingay na parang walang ibang nakatira sa boarding house. May araw ng paglalaba, ang pagtitipid ng tubig ay importante. Higit sa lahat dapat panatilihing malinis ang silid na titirahan.

"Tama lang naman na ipatupad ang mga iyon. Mga bata pa kayo at marami pang tutuklasin sa buhay. Hindi maaalis ang curiosity ninyong mga kabataan," wika ni Mama na parang nangangaral na guro.

Well, siya naman ang adviser talaga namin kaya sanay na rin kami. Mabuti na lang at ganito ka-concern itong si Mrs. Salmonte. Nawala ang pag-aalala nina Mama at Papa matapos nilang makausap ang ginang.

Lumabas si Papa at kinuha ang iba ko pang gamit sa loob ng van. Lumapit ako sa bintana, binuksan ito at natulala. Ano na nga kaya ang mangyayari sa mga susunod na araw?

Ito na ang panibagong simula ng aking buhay. Ipinapanalangin ko na sana, palaging gabayan ng Diyos sina Theo, Ashley at iba ko pang mga kaibigan. Saan man kami liparin ng kapalaran, siguradong magtatagpo rin kami balang araw.

Matapos ang paglilipat ng gamit sa loob ng silid. Nagpaalam na rin sina Mama, uuwi na sila at naiwan na ako rito sa kuwarto. Bumalik na rin si Lyka sa kuwarto niya dahil mag-aayos pa rin siya ng mga gamit niya.

Nagsimula na rin akong mag-ayos ng gamit ko. Inilabas ko ang mga damit ko at ipinatong sa kama. Nakita ko sa loob ng bag pack ko ang isang larawan. Class picture namin ito, ididikit ko sa scrap book na ginawa ko. Pinagmasdan ko muna ito, nakatitig ang mga mata ko kay Theo.

Miss na miss ko na siya...

Naalala ko, may picture nga pala kaming dalawa na magkasama. Nasa wallet namin pareho nakalagay. Remembrance namin iyon. Kinuha ko ang wallet ko saka tiningnan ang picture naming dalawa. Nakaakbay ang isa kong kamay sa braso niya habang naka-peace sign kaming dalawa. Ang cute.

Miss na talaga kita, gusto na ulit kitang makita... Theo. Ang puso ko ngayon ay punong-puno ng pananabik. Matagal, as in matagal pa ang aming LDR. Ipapanalangin ko na lang na walang mangyaring masama. Sana hindi kami maghiwalay tulad sa marami kong naririnig na kuwento ng LDR. May tiwala ako sa tatag ng relasyon naming dalawa.

***Season - 1 End***

My Name is Mouse (On-going)Where stories live. Discover now