Adoption

103 2 0
                                    


NAALIMPUNGATAN ako sa liwanag ng araw na tumatama sa mga mata ko. Napamulat ako at nagtanggal ng muta—umaga na pala? Teka, nakatulog pala ako rito sa kampanaryo. Kitang-kita ko nang malapitan ang malaking kampana. Bigla akong nakarinig nang malakas na sigaw sa kung saan.

"Mouse! Mouse! Nasaan ka na ba?! Mouse!"

Natuon ang tingin ko sa ibaba aba! Si Miss Mercedes, kasama sina Father Morales at ang iba pa. Hinahanap nila ako? Sumigaw ako nang napakalakas para makuha ko ang atensyon nila sa ibaba.

"Miss Mercedes! Father Morales!" buong puwersa kong sigaw.

Napansin ako ni Lily, agad niyang hinatak ang damit ni Miss Mercedes saka itinuro ang kinaroroonan ko. Tumingala silang lahat halos lumuwa ang mga mata ni Miss Mercedes nang makita ako sa itaas ng kampanaryo.

"Diyos ko po! Mouse, ano'ng ginagawa mo riyan! Bumaba ka riyan ngayon din!" natatarantang sigaw ni Miss Mercedes.

Kumaway ako kitang-kita ko ang takot sa mga kilos ni Miss Mercedes. Ngayon pa lang niya ko nakita sa itaas ng kampanaryo samantalang hindi na ito bago kay Father Morales. Napapailing lang ang pari habang nakatingin sa akin si Miss Mercedes nama'y nakahawak sa dibdib halatang nenerbiyos.

"Opo, nariyan na po!" sigaw kong tugon. Huminga muna ako nang malalim saka bumuntong-hininga. Nang makababa ako sa kampanaryo agad na sumalubong sa akin ang nagliliyab na mga mata ni Miss Mercedes.

"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo? Pinag-alala mo kaming lahat! Akala namin lumayas ka nang tuluyan sa ampunan. Diyos ko mahabagin! Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko sa 'yo!" sermon ni Miss Mercedes.

Halos tumalsik ang mga tutuli ko sa tainga sa tuloy-tuloy na sermon ni Miss Mercedes. Tapos sa huli nakita kong pinahiran niya ang mga mata niya umiiyak sa sobrang pag-aalala sa akin. Nakaramdam ako ng kirot sa puso ko, tapos halata ko pa ang puyat sa mga mata niya. Na-guilty ako sa ginawa kong pagtakas sa bahay-ampunan.

"Sorry po kung pinag-alala ko kayo! Hindi na po mauulit." Nagpakumbaba ako't taus-pusong humingi ng sorry sa ginawa ko.

Ngayon ko lang napatunayan na may malasakit pala si Miss Mercedes, masungit lang siya pero may pakialam pa rin siya sa mga tulad kong nakatira sa ampunan. Naramdaman ko bigla ang pagiging magulang niya sa pag-aalala sa akin, masungit lang siya pero mapagmahal pa rin.

Pagkauwi namin sa ampunan, sinabihan ako ni Miss Mercedes na puntahan siya sa opisina. Naligo muna ako at nagbihis pagkatapos bumaba ako ng hagdan nang mapadaan ako sa bintana natanaw ko si Jack. Kahit bakasyon tuloy pa rin ang pag-aaral niya, talagang disidido siyang makatapos ng pag-aaral panalangin ko na sana, makapasa sila sa exam. Huminto ako sa tapat ng pinto kumatok saka binuksan ito paloob.

"Nandito na po ako, Miss Mercedes," bati ko.

Nakaupo siya sa silya kaharap ang mesa. May nakapatong na mga papeles at may sulat siyang hawak. Pinatuloy niya ako at pinaupo sa upuan, naupo naman ako't nakinig nang mabuti sa kanya.

"Hindi ko na talaga alam ang gagawin sa 'yo, bata ka! Hindi ko alam kung ano'ng pumasok diyan sa isip mo at sa kampanaryo ka natulog!" humirit pa ng sermon si Miss Mercedes.

"Hindi ko naman po sinasadyang makatulog doon, nakatulog lang po talaga ako! Masama po kasi ang loob ko, alam n'yo naman pong hindi ako nakapag-exam. Gusto ko lang po sanang lumanghap ng sariwang hangin ang kaso, hindi ko namalayan napapikit na pala ako. Isipin n'yo po buong gabi? Hay! Ni hindi ko naramdaman ang guto—"

"Sabihin mo kung tapos ka nang dumaldal!" biglang sabat ni Miss Mercedes.

Nakapangalumbaba siya at nakatitig sa akin halatang hindi niya gustong makinig sa paliwanag ko. Napaka-unfair niya talaga! Minsan talaga hindi patas ang mga matatanda! Kaya heto, tumahimik na lang ako't bahagyang nayuko.

My Name is Mouse (On-going)Where stories live. Discover now