Goodbye Uncle Jhon's Orphanage

103 2 0
                                    


ISANG araw bago dumating ang aampon sa akin napansin ako ni Moli, habang nagtatabas ng damo sa bakuran ng ampunan. Nilapitan niya ako at inusisa ang ginagawa ko nang mapansin niya ang suot ko.

"Mouse, bakit butas-butas ng damit mo?" sabi ni Moli.

"Moli, ikaw pala! Nakakagulat ka naman!"

Si Moli ay kasing edad ko lang halos magkasing taas din kami at magkasing katawan ang pinagkaiba lang mas tuwid ang maiksi niyang buhok at morena ang kutis. Walang sabi-sabing hinatak ni Moli ang braso ko at pinasunod sa kanya. Nagpunta kami sa loob ng kuwarto. Inilabas niya ang mga damit sa loob ng maliit na aparador at ipinasuot sa akin ang damit na itinahi pa niya.

Magaling talaga si Moli sa mga gawaing pambabae lalo na sa pananahi. Pwede na nga siya maging mananahi. Nagbihis ako at isinuot ang damit na ginawa niya na isang bestida. At least hindi ito galing sa donasyon na pinaglumaan maliban sa tela na halatang luma na.

"Salamat Moli!" Hinatak-hatak ko ang bestida na lampas tuhod ang haba medyo naiilang ako kasi hindi ako sanay magsuot ng bestida nahihiya lang ako kay Moli.

Biglang dumaan ang katahimikan sa aming dalawa nang maging seryoso ang mukha ni Moli. Parang alam ko na kung bakit, dahil siguro sa napapabalitang pag-ampon sa akin.

Lumingon sa akin si Moli saka hinawakan ang kamay ko. "Mouse, ito na ang pagkakataon mong makaalis sa ampunang ito. Ito na ang pagkakataon mong makapag-aral at makapasok sa tunay na paaralan. Siguradong pag-aaralin ka nila. Ibibigay nila ang mga pangangailangan mo na hindi maibibigay dito sa ampunan. Noon pa man sinasabi mo na... gusto mong maging malaya at magkaroon ng sariling buhay. Tingin ko hindi mo magagawa iyon kung walang tutulong sa 'yo. Kailangan mo ng isang pamilyang gagabay sa landas na tatahakin mo sa hinaharap. Lahat tayo sa ampunan iyon ang gusto! Kaya, huwag mo kaming alalahanin... masaya kami para sa 'yo, Mouse!"

"M-Moli!"

Hindi ko napigilan ang sarili ko bigla akong nalungkot at naluha. Sabi ko hindi na ako bata pero, heto... umiiyak ako na parang isang bata sa harap ni Moli. Hindi ko mapigilan ang sarili ko!

"Salamat Moli! Maraming salamat!"

Biglang dumating si Lily, hindi ko alam na nakikinig pala sila sa tapat ng pinto. Narinig nila ang pinag-uusapan namin. Niyakap ako nang buong higpit ng bata. Umiiyak din siya at ramdam kong nalulungkot siya dahil iiwan na siya ng ate niyang daga.

"Lily, mga bata!"

"Ate, okay lang po kami magpaampon ka na po! Alalahanin mo po ang sarili mo! Ate. Masaya kami para sa 'yo!"

"Tama po si Lily, Ate Mouse...,"

Nasa bibig na ang sipon ng mga batang umiiyak, pinunasan ko iyon gamit ang manggas ng damit ko. Lahat ng mga batang malapit sa puso ko nag-iiyakan. Nalulungkot talaga ako! Pero tama si Moli, salamat sa kanila at mas lalong tumindi ang pagnanais kong makaalis sa ampunang ito at makita ang mundo sa labas.

"Moli, Lily, mga bata salamat sa inyong lahat... hindi ko kayo makakalimutan!"

Sa gitna ng iyakang eksena namin biglang dumating si Jack may dalang walis at daspan.

"Hoy! Tama nang drama! Marami ka pang wawalisin na tuyung dahon sa bakuran at saka hindi ka pa tapos magtabas ng damo! Kumilos ka na bago ka pa makita ni Miss Mercedes."

Bumalik na siya sa dating Jack na kilala ko, magkalahi sila ni Miss Mercedes—mga dragon na bumubuga ng apoy! Siya pa naman itong unang nagkumbinsi sa akin na magpaampon. Hmp!

"Alam mo panira ka talaga kahit kailan, Jack!" Mabilis kong kinuha ang walis na iniabot niya.

Inirapan niya lang ako sabay lumabas ng kuwarto. Bago tuluyang lumabas narinig ko siyang sumigaw, "Mag-iingat ka! Huwag kang magpapaapi! Umuwi ka na lang dito kung sa tingin mo hindi ka nila tanggap! Maraming nagmamahal sa 'yo rito!"

My Name is Mouse (On-going)Where stories live. Discover now