My Name is Mouse 2: Holiday Vacation

4 2 0
                                    


ISANG bakasyon sa private resort ang naging treat ni Mrs. Lewis sa pagsama-sama ng kanyang buong pamilya. Maliban sa pamilya Lewis, kasama syempre ang pamilya ni Lyka at pamilya ko. Matagal nang nabili ng pamilya Lewis ang malawak na private resort sa probinsya ng Panggasinan. May sarili silang yate, malaki at puting mansyon sa tabi ng white sand beach. Ibang klase talaga ang ganda rito.

"Mouse!!!" tawag ni Ashley.

Lumapit siya sa akin, handang-handa na siya para lumusong sa tubig. Nasa cottage kami kasama si Lyka. Tatlo kaming sabik na sabik nang magtampisaw sa mala kristal na tubig. Hindi gano'n katindi ang init dahil hindi summer. December ngayon kaya malamig-lamig ang panahon dito sa beach.

"Mouse, tara na," yakag ni Lyka.

"Tara! Habang wala pa ang mga boys!" biro ni Ashley.

Medyo nahiya ako dahil nakasuot kaming tato ng swimsuit. Litaw na litaw ang ganda ng katawan nilang dalawa. Ang laki ng cup size nila samantalang ako...

"Hindi ba parang pambata 'tong swimsuit ko?" nahihiya kong tanong.

"Ano ka ba! Ang cute kaya!" Inakbayan ako ni Ashley.

"Maging confident ka sa katawan mo, Mouse. Siguradong kapag nakita ka ni Theo, lalong ma-i-in love 'yon sa 'yo," biro naman ni Lyka.

"Kayo talaga!" Tinanggal ko ang suot kong loose white polo na ginawa kong mantabing sa katawan. Lumantad ang suot kong two piece na kulay cherry. Manipis ang string at parehong may maliit na ribbon sa gitna. Napaka simple lang nitong suot ko kumpara sa suot ni Ashley at Lyka na mukhang pang model ang dating.

Hinatak ni Ashley ang kamay ko't nagtungo kami sa baybayin ng dagat.

"Ang lamig ng tubig!" nginig na sambit ni Lyka.

Nasa loob pa ang iba ng vacation house, pinayagan kaming tatlo na mag-swimming kaagad. Kasama nga pala namin si France dahil naimbitahan siya ng pamilya ni Lyka. Gano'n din si Jack, inimbitahan siya ni Mister Davies dahil nobyo siya ni Ashley. Mukhang magaan na ang loob ni Mister Davies kay Jack. Masipag daw itong magtrabaho sa opisina. Talagang pinag-iigihan niya para maging karapat-dapat kay Ashley.

"Nasaan na kaya ang tatlong 'yon?" taka ni Ashley, nakatanaw sa malayo.

"Hindi ba't kukuha lang sila ng ilang gamit natin?" sabi ni Lyka.

Bigla akong napangiti. "Akalain n'yo magkakaroon tayo ng triple date?" biro ko na tinawanan naman nila.

"Oo nga! Mabuti na lang at naisipan ni Lola na magbakasyon. Siguradong susulitin namin ni Theo ang buong bakasyon kasama kayo!"

Biglang umakbay si Lyka sa amin ni Ashley. "Teka, Mouse. Sabihin mo nga, hanggang saan na ba kayo ni Theo?" pilya niyang tanong.

"Eh? A-Ano'ng ibig mong sabihin?" Pakiramdam ko summer ngayon dahil sa init na biglang umangat sa katawan ko. Si Lyka kasi.

Tumawa muna siya nang nakakaloko. "No'ng isang gabi 'di ba dalawa lang kayo sa kuwarto niya?" Tumingin siya kay Ashley.

"Oo nga tapos, naka-lock ang pinto. Hmmm..."

"H-Hoy! S-Sobra naman kayo! W-Wala namang nangyari, noh!"

Lalo tuloy nila akong tinukso nang tinukso. Wala naman talagang nangyari maliban sa... ahem... ugh! Si Theo kasi!

Maya-maya'y dumating ang tatlong lalaki.

"Aba! Nagkakasiyahan kayong tatlo, ah!" litanya ni France na may dalang cooler at rubber boat wala pang hangin.

My Name is Mouse (On-going)Where stories live. Discover now