My name is Mouse 2: Friendship Over?

13 2 0
                                    


SIMULA no'ng nangyari sa rooftop party ng kaibigan ni Lyka, hindi na niya ako pinapansin. Sinusubukan ko siyang kausapin pero siya itong kusang lumalayo at ayaw makinig ng mga paliwanag ko. Feeling niya siguro napahiya siya dahil sa ginawa kong pagsampal kay France at pag-wa-walk out sa party. Iniwan ko siya't umuwi ako mag-isa sa sobrang inis ko nang gabing iyon.

Makalipas ang dalawang Linggo napansin kong may mga estudyanteng pinag-uusapan ako. Ang sabi ni Jury, mga estudyante sila sa business course. Siguro kumalat na ang balita sa mga estudyante ang ginawa ng isang first year na tulad ko sa isang night party. Hindi naman ako nagsisisi sa ginawa ko dahil ipinagtanggol ko lang ang sarili ko laban sa mga lalaking katulad ni Jasper. Hindi ko rin nagustuhan ang sinabi ni France, hindi siya ang boyfriend ko. Hindi niya kailangang magpanggap na boyfriend ko para protektahan ako. Isa lang ang boyfriend ko, at si Theo iyon.

"Mouse? Ayos ka lang?" tanong ni Jury, habang nagkakape kami sa canteen.

Madalas na namin 'tong ginagawa bago pumasok sa susunod na subject. Nagbabaon na lang kami ng instant coffee tapos nanghihingi ng tubig na mainit kasi libre lang naman iyon. Bumibili naman kami ng tinapay para kahit papaano may binili kami rito sa canteen.

Kinuha ko ang paper cup saka hinipan ito at humigop nang kapiraso. Nainitan na ang tiyan ko, kulang din kasi ang inalmusal ko kanina.

"Salamat sa pag-aalala Jury, ayos na ako." Ngumiti ako.

"Hay naku! May mga kaibigan talaga na bad influence. Mabuti na lang ikaw, hindi."

"Talaga? Salamat kung 'yan ang tingin mo sa akin. Ikaw din naman, alam kong mabuti kang kaibigan." Sa mukha pa lang ni Jury, masasabi ko na siya iyong tipo ng tao na hindi palakaibigan. Siguro mapili siya sa mga taong pagkakatiwalaan niya.

"Gusto mo bang dumalaw sa bahay namin?" bigla niyang tanong na ikinagulat ko.

"S-Sigurado ka? Ayos lang ba sa parents mo?" tanong ko.

Mukha kasing istrikto ang mga magulang ni Jury. Sabagay wala pa nga pala akong masyadong alam sa kanya. Gusto ko ring malaman ang background life ni Jury.

Tumango nang masaya si Jury. "Oo naman! Madalas kitang ikuwento sa kanila. Gusto kang makilala ng Papa ko. Pure Japanese siya pero pusong Pinoy daw siya!"

Natawa kaming dalawa sa kakatuwang pagkukwento ni Jury sa papa niya. "Tapos may ramen house kami, magkatuwang sina Mama at Papa sa pag-aasikaso ng maliit naming negosyo. May kapatid akong lalaki, bunso namin.

"Talaga? Anong pangalan niya?" usisa ko.

"Hiro," tipid na pakilala ni Jury sa kapatid niya. "Sa totoo lang, isang taon lang ang tanda ko sa kanya. 4th year high school na siya pero ang tangkad niya kapag nakita mo, ay, baka ma-in love ka!"

"Jury naman!"

Tumawa siya. "Biro lang, alam ko naman kung gaano mo kamahal 'yang boyfriend mo."
Palabiro rin itong si Jury kapag kaming dalawa lang. Pero kapag may ibang tao, mahiyain siya. Mabuti at nailalabas niya ang pagiging makulit niya sa tuwing magkasama kami. Ang sarap niya kausap nawawala ang mga alalaahin ko. Naaalala ko sa kanya si Ashley, kahit hindi naging maganda ang simula namin pero sa katagalan naging sweet siya sa akin. Miss ko na tuloy si Ashley, ang itinuturing kong kapatid na best friend ko.

"Oh, ba't gumuhit na naman ang lungkot sa mukha mo?"

"Ah? W-Wala, may naalala lang." Sabay ngiti.

"Basta pupunta ka sa bahay, a? Sa Sunday para matikman mo rin ang ramen na luto ni Papa."

"Osige! Gusto ko 'yan!"

Matapos ang usapan namin lumabas na kami ng canteen at naglakad patungo sa susunod naming subject. Malapit lang naman ang building ng next subject namin kaya hindi kami ma-le-late. Iba-iba kasi ang oras ng subject kada araw, ngayon before lunch naman ang subject namin sa Math. Naku! Si Sir Armin nga pala ang prof. namin sa Math. Nagulat nga ako nang makita ko siya no'ng first day, akala ko iba ang subject na hawak niya.

My Name is Mouse (On-going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon