Part 53

18.9K 552 9
                                    

NAULIT ang pag-aaya ni Maki kay Allen na kumain. Minsan lunch. Madalas dinner. At paiba-ibang kainan. Napansin niya na sa mga unang beses naiilang at tensiyonado ang binata kapag napapalingon lahat ng mga tao rito sa tuwing papasok sila sa isang restaurant. Mukhang totoo nga na talagang sinasanay nito ang sarili na napapalibutan at tinitingnan ng maraming tao.

Pero kahit ganoon ay nakakalimutan nila ang atensiyon mula sa ibang tao kapag magkaharap na silang nakaupo sa isang lamesa. Mula nang magdesisyon si Allen na huwag na pigilan ang sariling mapalapit sa binata, mas naging komportable at masaya na siya kapag magkasama sila.

Narealize niya na sobrang tagal na mula nang maging ganoon siya kasaya. Nakalimutan na niya kung gaano kasarap sa pakiramdam na gumising sa umaga at mapapangiti na lang siya kasi inaanticipate niya ang pagkikita nila ni Maki. Sumigla siya at parang may spring ang mga paa niya kapag kumikilos siya. Hindi na rin siya nahihiya at napapangiti na lang kapag binibiro siya nina Mr. Kim, Donna at Nina.

Sa tingin niya rin naramdaman ni Maki na hindi na siya dumidistansiya rito kasi mas madalas na ito ngumiti at napapadalas ang paghawak sa kamay niya na para bang normal na iyon sa kanila. Iyon lang, may mga sandali pa rin na nakakaramdam si Allen ng takot na baka may mangyari na naman. Base kase sa experience niya, kapag masyado siyang masaya may nangyayaring trahedya sa buhay niya pagkatapos.

Isang gabi, narealize niya na tama nga siya ng hinala. Kasi nang pumasok siya sa janitress job niya, kinausap siya ni Keith. Mawawala raw ito ng ilang linggo at wala raw mag su-supervise sa kaniya kaya pinagbabakasyon muna siya nito. Nadismaya si Allen kasi nagmamadali nga siya makaipon at hindi niya kayang mawala ang trabaho niya sa building na iyon. Sinabi niya iyon kay Keith na nakikisimpatyang ngumiti. "Sorry talaga. May kailangan akong gawin na hindi ko puwedeng tanggihan. Sa tingin ko kailangan mo na humanap muna ng ibang trabaho, Allen."

Kaya bagsak ang mga balikat na tinapos niya ang trabaho para sa gabing iyon.

MATAMLAY pa rin si Allen nang magising kinabukasan. Ganoon din habang naglalakad siya papunta sa convenience store para bumili ng almusal. Katulad ng dati nakatambay doon si Maki, busy sa pagtipa sa ipad nito habang hinihintay siya. Pagbukas niya sa glass door huminto agad ito sa ginagawa at nakangiti nang lumingon pero natigilan nang mapatitig sa mukha niya. Kumunot ang noo nito at pumihit agad paharap sa kaniya nang lumapit siya. "What's wrong?"

Bumuntong hininga siya, umupo sa katabi nitong stool at sinabi ang napag-usapan nila ni Keith kagabi.

"Ah. That can't be helped."

Natigilan si Allen at nagtatakang napatitig sa mukha ni Maki. May kakaibang ekspresyon sa mukha nito na para bang bago pa man niya sabihin ay alam na nito ang naging pag-uusap nila ng boss niya. "Bakit mo nasabi 'yan?"

Tumikhim ito at sandaling sinulyapan ang ipad bago nagsalita, "Well, sabi niya magiging busy siya 'di ba? So it can't be helped."

Bumuntong hininga siya. "Tama ka. Pero hindi ko alam kung paano makakakuha ng trabaho na pareho sa suweldo ko sa building na 'yon."

Bumalik ang tingin ni Maki sa mukha niya. "Bakit kailangan mo ng isa pang trabaho?"

Mapait siyang ngumiti. "Kasi kahit mahal ko ang pagtuturo ng taekwondo sa mga bata, maliit lang ang sweldo ko roon. Kahit na magtipid ako kaunti lang ang maiipon kong pera kapag 'yon lang ang trabaho ko. Kailangan ko ng malaking halaga."

Kumunot ang noo nito. "Bakit?"

Huminga siya ng malalim at nagdesisyong sabihin dito ang totoo. Pero bago siya makapagsalita may nahagip siya ng tingin mula sa labas ng convenience store. Kumabog ang dibdib niya at nanlaki ang kanyang mga mata habang sinusundan ng tingin ang matandang babae na naglalakad sa kalsada. Hindi siya puwedeng magkamali. Kilala niya ito! Napatayo si Allen.

"Hey, what's wrong?" gulat na tanong ni Maki.

"Wait lang," sabi niya at tumakbo palabas ng convenience store. Kahit nang tumama sa glass door ang injured niyang tuhod at mapaigik siya sa sakit ay hindi siya huminto sa pagtakbo hanggang maabutan niya ang matandang babae. Hinablot niya ang braso nito. "Tita Babes! Ikaw si tita Babes 'di ba?" hinihingal na tanong niya.

Gulat na lumingon ito sa kaniya at namutla nang makilala siya. Marahas nitong binawi ang kamay at akmang tatakbo pero nahawakan niya ito uli, this time sa magkabilang braso na. "Huwag mo ako takbuhan. Gusto ko lang malaman kung kanino mo binenta ang bahay at kung bakit mo 'yon ginawa? Tita, kailangan ko mabawi ang bahay namin."

"Hindi ko alam ang sinasabi mo! Hindi kita kilala," tarantang sigaw nito kaya napapatingin na sa kanila ang mga dumadaan. Mukhang sinasadya nitong lakasan ang boses at umakto na agrabyado.

Humigpit ang hawak ni Allen sa matandang babae. Hindi siya bumitaw kahit umaaray ito. "Ikaw ang may kasalanan sa akin. Pinagkatiwalaan kita pero niloko mo ako. Hindi kita idedemanda basta sabihin mo lang kung kanino at paano ko mabibili uli ang bahay namin. Importante 'yon sa akin. Please naman –

"Tumigil ka na! Hindi ko kasalanan kung tatanga-tanga ka at basta nagtiwala. Ang mga magulang mo ang sisihin mo kasi namatay sila ng maaga at iniwan ka mag-isa. Pasalamat ka nga ilang taon pa kitang tinulungan magbantay sa bahay niyo. Ni hindi mo nga ako binayaran sa serbisyo ko kaya tama lang na kabayaran ang kinita ko sa pagbebenta sa bahay. Kung gusto mo ako idemanda eh 'di sige! Wala ka namang ebidensiya dahil ikaw ang nakapirma sa deed of sale."

"Because you tricked me!" sigaw ni Allen na lumuwag ang hawak dito nang mabanggit nito ang mga magulang niya.

Nakawala tuloy ito sa kaniya at mabilis na tumakbo palayo. Narinig pa niyang nagmura ito at may sinabi na parang hindi daw nito akalain na magkikita sila roon. Desidido siyang habulin ito kasi malakas ang pakiramdam niya na kapag nakatakas ito hindi na niya ito makikita uli. Pero nakailang hakbang pa lang siya nawala ang lakas ng injured niyang tuhod. Napangiwi siya at muntik na siya masubsob kung hindi lang maagap na pumaikot sa baywang niya ang pamilyar na mga braso ni Maki.

"Wait! Tita Babes!" sigaw niya pero hindi na lumingon ang matandang babae. Lumiko ito sa isang kanto at nawala na sa paningin niya. Nanghihinang napasandal siya sa katawan ng binata. Mariin siyang pumikit kasi kung hindi niya iyon gagawin baka mag breakdown siya at maiyak.

"Hey. Are you okay?" worried na bulong ni Maki sa tainga niya. Naramdaman niya ang paghigpit ng yakap ng isang braso nito habang ang isang kamay nito ay nang-aalong hinahaplos ang braso niya.

Huminga siya ng malalim at unti-unting umayos ng tayo. Lumuwag ang yakap nito pero hindi pa rin inalis ang braso sa baywang niya. Nilingon niya ito at handa na sanang ngumiti ng pilit. Kaso nang magtama ang mga mata nila nawalan siya ng lakas magkunwari. Nanginig ang mga labi niya at umiling. Pinihit siya nito paharap. Pagkatapos sumikdo ang puso niya nang yakapin siya nito. Hindi siya makapagsalita kasi may nakabara sa lalamunan niya.

"You can rely on me, you know. Kapag nahihirapan ka, nalulungkot, nafu-frustrate at kapag may pinoproblema ka, puwede kang sumandal sa akin, Allen. Don't keep everything to yourself. Hindi ka na nag-iisa ngayon," bulong nito sabay halik sa tuktok ng ulo niya.

Napabuntong hininga siya at hinayaan ang sariling mapasubsob sa dibdib nito. Narealize niya na tama ito. Mula nang mamatay ang papa niya at maulila siya, pinilit niyang magpakatatag. Sinubukan niyang mabuhay nang normal. Sinubukan niyang harapin lahat ng mga pagsubok na mag-isa. Akala niya okay na siya. Na kaya niya maging independent. Na kaya niyang huwag na umasa sa kahit na sino. But she realized now that she has been lonely all these years. Na kahit ayaw niya aminin sa sarili, kailangan niya ng tao na magsasabi sa kaniya ng mga sinabi ni Maki. It's just too tiring to act so strong.

Huminga siya ng malalim. Pagkatapos nakasubsob pa rin sa dibdib nito na inangat niya ang mga braso at niyakap ito. Naramdaman niya ang pagguhit ng ngiti sa mga labi nitong nakalapat pa rin sa ulo niya. "Gusto mo bang sabihin sa akin kung sino siya at ano ang ginawa niya sa'yo? Baka makatulong ako," malumanay na sabi nito habang hinahaplos ang likod niya.

Tumango si Allen.

Bachelor's Pad series book 13: THE MYSTERIOUS HEIRWhere stories live. Discover now