Part 28

20K 593 44
                                    


SA MGA sumunod na araw napansin ni Allen na iniiwasan siya ni Maki. Hindi ito sumasagot sa text at tawag niya. Sa ilang beses na nagkasalubong sila sa campus ay ni hindi siya nito tinitingnan sa mga mata at mabilis na lalayo sa kaniya. Bigla parang bumalik sila noong mga unang araw ng college, noong panahon na sinusungitan pa siya nito. Worst, hindi na rin ito pumapasyal sa apartment nila. Kahit tuloy ang papa niya, nagtataka na.

"Baka pinagbawalan siya ng girlfriend niya na maging close sa'yo. Like maybe somehow she learned about you or something like that," sabi ni Carla isang hapon. Naglalakad sila sa campus at nakita nilang papunta na rin sa direksiyon ng university gate si Maki. Sigurado siyang nakita rin sila nito kasi nagtama ang mga paningin nila ng binata. Pero imbes na batiin siya o lumapit sa kaniya para sabay na sila maglakad ay mabilis pa nitong iniwas ang tingin at lumihis patawid sa kabilang pathway. Binilisan pa ang paglalakad, halatang gusto maunang makalabas ng gate.

Ang sakit na araw-araw na niyang nararamdaman sa tuwing umaakto itong ganoon ay naging inis. "Kung ganoon sana sabihin niya sa akin ng harapan para alam ko kung saan din ako lulugar." Marahas siyang bumuntong hininga at biglang naging determinado. "Mauna ka na muna umuwi ngayon, Carla. Kakausapin ko muna siya. Ayoko na nanghuhula ako kung ano ba talaga ang nangyayari sa kaniya. See you tomorrow, okay?" Pagkatapos tumawid din siya at halos tumakbo para lang mahabol si Maki.

Sa labas na niya ito naabutan, nakatayo na naman sa tabi ng pader kung saan niya ito nakita noong nakaraan. Bumilis ang tibok ng puso ni Allen kasi mukhang may hinihintay na naman ito. Lumunok siya, huminga ng malalim at malakas ang loob na lumapit sa binata.

"Hanggang kailan mo ako iiwasan?"

Mabilis na lumingon sa kaniya si Maki. Nanlaki ang mga mata nito at napaatras. Nasaktan siya sa reaksiyon nito pero binalewala niya iyon. Sa halip humakbang siya para lalong lumapit dito. Nang mukhang aatras na naman ito ay mabilis niyang ikinuyom ang mga kamao sa jacket na suot nito. Pinagtama niya ang kanilang mga paningin. "Kung may problema ka sa akin sabihin mo. Nakalimutan mo na ba? You promised me that you will no longer push me away. You said you trust and accept me. So why are you doing this to me?"

Kumurap si Maki at bumakas ang pagsisisi sa mukha. Unti-unti nawala ang tensiyon sa katawan nito at hinawakan ang kanyang mga kamay. "Allen," garalgal na bulong nito sa pangalan niya. Na-caught off guard siya. Kasi bakit puno ng paghihirap at pangungulila ang tono nito kung ito mismo ang umiiwas sa kaniya sa nakaraang mga araw?

Humigpit ang hawak niya sa jacket nito. "Ano bang nangyayari sa'yo Maki? Bakit ang dami mo pa rin itinatago sa akin? Bakit –"

Biglang may bumusina kaya napahinto siya sa pagsasalita. Na-tense na naman ang binata. She gasped when he harshly pushed her hands away. "Go home," marahas na sabi pa nito sa kaniya.

Nanlaki ang mga mata niya at hindi na itinago na nasasaktan siya sa ipinapakita nito sa kaniya. Kumislap ang guilt sa mga mata nito, ibinuka ang bibig na parang sasabihin ang pangalan niya.

"Maki! What the hell are you doing?!"

Sabay silang napalingon sa humintong kotse, nakabukas na ang pinto sa passenger's seat. Nanlamig si Allen nang makita ang babae na matalim na nakatingin sa kanila. Tama si Carla. Napakaganda nga nito. Mature at sophisticated. Ang suot nito, mukhang pang office pero fashionable. Nagtama ang mga paningin nila at tinaasan siya nito ng kilay. "What? Another fangirl of yours? Get real girl, this guy is mine."

"I'm not yours, Shannon," mahina pero galit at matalim na sabi ni Maki.

Biglang nalipat ang tingin ng babae sa binata. Naningkit ang mga mata nito, may dumaang pag-unawa sa mukha. Parang may lumamutak sa sikmura ni Allen kasi narealize niya na kilalang kilala ni Shannon si Maki. Marami itong alam na hindi niya alam. Nasasaktan siya pero pilit niyang kinalma ang sarili.

Biglang bumalik sa kaniya ang tingin ng magandang babae. "Sino ka?"

Mariing tumikom ang bibig ni Allen bago sasagot na sana pero humarang sa harapan niya si Maki. "Stop it. Don't mess with her, Shannon." Pagkatapos lumingon ito sa kaniya at nagulat siya sa pakiusap na nakita niya sa mga mata nito. "Umuwi ka na muna. I'll talk to you later. Promise."

Hindi niya alam kung bakit pero sinasabi ng instinct niya na hindi niya dapat hayaan sumama ang binata kay Shannon. Hindi maganda ang kutob niya sa babae. Nasiguro rin niya base sa interaksiyon ng dalawa na hindi ito girlfriend ni Maki. Kung ano man ang relasyon ng mga ito, nararamdaman niyang hindi iyon gusto ng binata.

"Maki, ano ba? Let's go." Narinig niyang inis na sabi ni Shannon.

Mariing tumikim ang mga labi ni Allen. Nakapagdesisyon na siya. Hinawakan niya ang kamay ni Maki na gulat na napatitig sa mukha niya. Nilingon niya si Shannon at sinabing, "May plano kami ngayon. Sorry." Pagkatapos humakbang na siya palayo sa kotse, hila-hila ang binata.

"Hey!" sigaw ni Shannon. Kaya binilisan niya ang lakad. Na naging takbo. Walang pagpipilian si Maki kung hindi ang sumabay sa pagtakbo niya kasi mahigpit ang hawak niya sa kamay nito. Nagpaliko-liko siya hanggang marating nila ang kanto kung nasaan ang apartment building nilang mag-ama. Saka lang siya huminto at napangiwi kasi kumirot ang tuhod niya. Hinihingal na hinaplos niya iyon.

"Allen. What are you thinking?" manghang tanong ni Maki.

Dumeretso siya ng tayo at humarap sa binata. Magkahawak pa rin ang mga kamay nila. "Kasi mukhang ayaw mo naman sumama sa kaniya eh. Pero bakit sa tuwing darating siya, sumasakay ka sa kotse niya? Sabi ni Carla, girlfriend mo raw si Shannon. At least 'yon daw ang kumalat na usapan noong high school kayo. Totoo ba?"

Nanlaki ang mga mata ni Maki. "Hindi 'yan totoo."

"Pero may something sa inyo na ayaw mong malaman ko. Kaya mo ako iniiwasan 'di ba? Kaya kanina pilit mo akong pinapaalis."

Huminga ito ng malalim, sandaling yumuko at nang salubungin ng tingin ang kanyang mga mata ay mukhang determinado na. Pinisil nito ang kamay niya. "Doon tayo sa apartment niyo mag-usap." Ito na ang naunang maglakad at humila sa kaniya papasok sa apartment building.

Matagal na sandaling tahimik lang sila pareho pagpasok sa unit nila. Hinihintay ni Allen na mauna magsalita si Maki kasi nararamdaman niyang iniisip nito kung paano magsisimula magpaliwanag.

"Si Shannon Angeles ang nag-iisang anak ng foster parents na kumupkop sa akin mula noong first year high school ako. Mas matanda siya sa atin ng apat na taon."

Nagulat siya at napatitig sa mukha ng binata. "So parang ate mo pala siya."

May sumilay na mapait na ngiti sa mga labi ni Maki. "Hindi siya umakto na kapatid sa akin kahit isang beses lang. Hindi niya itinatago sa akin mula pa noon na hindi siya sangayon na kupkupin ako ng pamilya nila. Isa pa para sa mga teenager, malaking age gap na ang apat na taon. First year high school ako, college student na siya kaya noong unang dalawang taon ko sa bahay nila umakto siya na hindi ako nag-e-exist."

Natigilan si Allen at kinabahan. Kasi hindi pa man nito sinasabi ay alam na niyang may kinalaman si Shannon sa naging pagbabago ng binata pagtuntong nito ng third year high school. "And then?" kabadong tanong niya.

Mariing pumikit si Maki at isinubsob ang mukha sa mga palad. "Shit. Ayoko sabihin sa'yo. You will get disgusted with me. You will hate me. Ayokong mawala ang respeto mo sa akin. Ayokong malaman mo kung ano ang naging buhay ko sa nakaraang mga taon."

Nagulat siya sa naging reaksiyon nito. Parang nilamutak ang puso niya. Huminga siya ng malalim at masuyong hinaplos ang likod nito. "Natatakot din tuloy akong marinig. Pero higit sa takot, mas ayoko na mayroon akong hindi alam tungkol sa'yo." Natigilan ito at dahan-dahang lumingon sa kaniya.

Ngumiti siya nang magtama ang kanilang mga paningin. "So if it's really something that burdens you this much, then tell me. Kasi mas gagaan ang pakiramdam mo kapag may pinagsabihan ka. Kasi alam mo ba, noong sinabi ko sa'yo ang nangyari sa akin at mga naramdaman ko noong high school ako, gumaan ang loob ko. So now let me share your burden, Maki. Kahit ano pa ang sasabihin mo sa'kin, kakayanin ko. I will not hate you. And of course I will never get disgusted with you. Magtiwala ka sa akin, okay?"

Dumeretso ng upo ang binata at humugot ng malalim na paghinga. Pagkatapos marahan itong tumango. Tumitig ito sa kawalan at bumakas na naman ang pait sa mukha. Ginagap niya ang kamay nito at pinisil iyon. Mayamaya pa ay ibinuka na nito ang bibig at sinimulang sabihin sa kaniya ang lahat ng nangyari sa nakaraang apat na taon mula nang maghiwalay sila.

Bachelor's Pad series book 13: THE MYSTERIOUS HEIRWhere stories live. Discover now