Part 37

18.4K 615 39
                                    


MASYADONG maliit ang selda kung saan magaspang na ipinasok si Maki ng mga pulis pagdating nila sa police station. Wala siyang lakas na manlaban kaya hinayaan niya ang mga itong hilahin at itulak siya. Masyado siyang manhid para makaramdam ng sakit. Ni hindi siya nataranta o nagpaapekto sa ilang media people na sumalubong sa kanila, nagtatanong ng kung anu-anong hindi na niya inintindi.

Kahit nang kapkapan siya ng mga lalaking nakasuot ng itim na suit at sunglasses at sapilitang dinukot ang usb sa bulsa niya, hindi siya tuminag. Ano pang silbi na piliting itago iyon? Ano pa ang silbi na manlaban? Nangyari na ang mas matindi pa kaysa pagkakaroon ng criminal record; namatay ang nag-iisang taong itinuring niyang magulang at itinuring siyang tunay na anak; at sa kung saang lugar na wala siya, umiiyak at nagdudusa ang babaeng mahal niya dahil sa kaniya. Tama nga ang mama ni Allen. Nagdadala siya ng kamalasan sa mga taong mahal niya. Dahil sa kaniya, mauulila ang babaeng pinakamamahal niya. What can he do to comfort her when he was the reason for her pain and misery?

Narinig niya ang pagla-lock ng bakal na rehas sa likuran niya. Nakayuko pa rin at malamyang humakbang papunta sa isang sulok at sumalampak ng upo roon. Niyakap niya ang mga tuhod at isinubsob sa mga iyon ang kanyang mukha. Basang basa at marumi pa rin siya dahil sa ulan at putik kaya nanginig siya sa lamig. Matagal na nanatili lang siyang ganoon. Bigla pakiramdam niya hindi ito ang unang beses na sumiksik siya ng ganito sa isang madilim at maliit na espasyo. Hindi lang niya matandaan kung kailan eksakto.

"Anong kaso mo?" mahina at malamyang tanong ng isang lalaki. Nag echo ang boses nito sa loob ng selda kaya bumalik sa kasalukuyan ang isip ni Maki. Unti-unti siyang nag-angat ng mukha. Nakita niya itong nakasalampak ng upo sa katapat niyang sulok. Matangkad na siya pero mukhang mas matangkad ito sa kaniya. Mukhang mas matanda rin ito. Duguan ang mukha, maga ang pisngi at magulo ang buhok ng lalaki. Punit din ang t-shirt na suot nito at may bakas ng dugo.

"You look horrible," paos na sabi niya.

Ngumiwi ang lalaki, sinubukan kumilos pero napaungol sa sakit at humawak sa tagiliran. Isinandal nito ang ulo sa pader at naniningkit ang mga matang tinitigan siya. "Napuruhan nga ako. Hindi naman kasi sinabi ng babaeng 'yon na darating ang asawa niya. Nahuli tuloy ako. Nabugbog na ako, hindi pa ako nabayaran."

Kumunot ang noo ni Maki. Umangat ang mga kilay ng lalaki. "Hinuhusgahan mo ako ngayon 'no? Pero sinasabi ko sa'yo, madali ang pera sa ganitong trabaho. Mambobola ka lang ng mga matrona, hayaan mo lang silang isipin na maganda at may asim pa sila, sumiping kung kailangan at malaking halaga na agad ang kapalit."

Para sa isang lalaking nabugbog at nakulong, masyado itong madaldal. Pero medyo na-guilty siya na hinusgahan niya ito. Eh ano kung gigolo ito? Mas matindi pa nga ang ginawa niya. He hacked a bank, he made the person who treated him as his own son die, and now he left the girl he loves alone. Kumirot ang puso niya at inalis ang tingin sa kasama niya sa selda.

Mahabang katahimikan ang namagitan sa kanila. Mayamaya may narinig siyang mga boses, mga pulis na nag-uusap. Naging alerto si Maki nang marinig niya ang pangalan ng papa ni Allen sa usapan. Napatayo siya, mabilis na lumapit sa rehas at kumapit doon nang mapadaan sa harapan niya ang mga pulis.

"Anong balita sa pulis na nabaril kanina?" malakas na tanong niya. Nagulat ang mga pulis, huminto sa paglalakad at lumingon sa kaniya. "Ang anak niya, kamusta na? Nasaan sila ngayon?" Alam niya na halata ang pagkataranta at takot sa boses niya. Iyon siguro ang dahilan kaya kinausap siya ng mga ito.

"Kakilala mo ba si SPO2 Magsanoc?"

Tumango si Maki at humigpit ang hawak sa rehas nang bumakas ang simpatya sa mukha ng mga ito. "I-is he okay?" Kahit alam niyang imposible ay tinanong pa rin niya. Baka sakaling may himala. Baka sakaling –

"Hindi na siya umabot sa ospital, bata. Dead on the spot siya. May sumama sa anak niya na police officer para mag-asikaso sa punerarya. Baka bukas pa siya ng umaga maibuburol."

Parang may lumamutak sa sikmura niya at nanghina siya."S-si Allen? How is she? C-can I go see them?"

Bumuntong hininga ang mga pulis at kahit na mukhang naaawa sa kaniya ay umiling. "May kaso ka pa, bata. Mayamaya darating na ang mga abogado ng Empress Bank para pormal na magsampa ng kaso sa'yo. Kinokontak na rin ng DSWD ang guardian mo. Underage ka kaya hindi ka rin naman magtatagal dito sa istasyon. Malamang bukas ililipat ka na rin."

Humapdi ang mga mata ni Maki at napayuko. Naglakad palayo ang mga pulis hanggang hindi na niya marinig ang pinag-uusapan ng mga ito. Mariin siyang pumikit at marahas na inuntog ang ulo sa rehas. Gusto niya sumigaw. Gusto niya magwala. Gusto niyang umiyak. He never hated anyone the way he hated himself right now.

"Huwag mo saktan ang sarili mo," sabi ng lalaking kasama niya sa selda na hinarang ang kamay sa rehas kaya doon tumama ang noo niya. Ni hindi niya namalayan na nakalapit na pala ito sa kaniya. Hindi siya dumilat at umalog ang kanyang mga balikat. Shit. He's really crying now. Bumuntong hininga ang lalaki at ipinatong ang isa pang kamay sa ulo niya. Lalo lang sumikip ang dibdib niya kasi naalala niya ang maraming beses na ginawa iyon ng papa ni Allen sa kaniya. Wala na talaga ito. Ni hindi niya ito mapuntahan kahit gusto niya.

Hindi masyadong rumehistro sa isip ni Maki ang mga sumunod na oras. Sumuksok lang siya sa isang sulok at hindi na kinausap pa ang gigolo na kasama niya sa selda kahit na alam niyang pinagmamasdan siya nito. Madaling araw nang umingay sa loob ng police station. Parang may dumating. Na-tense siya nang may pulis na lumapit sa selda. Sabay silang napalingon ng lalaking kasama niya sa loob. "Nandito ang mga hinahanap niyo," sabi ng pulis sa kung sinong kausap nito.

Dalawang matandang lalaki na nakasuot ng itim na business suit ang lumapit sa rehas. Tumitig sa kanila.

"Sino dito si Maki Frias?" tanong ng isa sa pulis na itinuro naman siya. Kumunot ang noo ng matandang lalaki. "Too young. I can't believe he was the one who successfully hacked the computer system of Empress Bank."

Sumipol ang gigolo. "Wow. Ayos ka pala ah."

"So that man must be Keith Rivero," sabi ng isa pang matandang lalaki. "Makakalabas ka na pagkatapos ko ayusin ang piyansa mo."

"How about Maki Frias' guardian?"

Umiling ang pulis, may binulong sa matandang lalaki na ngayon ay alam na niyang abogado. Sumulyap ito sa kaniya. "A foundling huh. Your foster parents washed their hands off you, kid. Wala ka na bang ibang nakatatanda na puwede namin kausapin?"

Humapdi ang dibdib ni Maki at mapait na sumagot, "He died yesterday."

Natahimik ang mga ito at napatitig sa kaniya. Tumiim ang bagang niya kasi hindi niya gusto ang awa na nakita niyang dumaan sa mukha ng mga ito. Biglang tumayo si Keith Rivero, lumapit sa kaniya at hinawakan ang ulo niya. "Makakalabas na ako 'di ba? Ako ang tatayong guardian niya."

"How admirable of you to take responsibility for someone else when you can't even take care of yourself." Boses iyon ng isang babae. Na-tense si Keith at ngumiwi bago pa man sumulpot sa harapan nila ang nagsalita. Kahit ang dalawang abogado na nakalingon sa bagong dating ay na-tensiyon at nagbigay galang. And then suddenly, she was standing there. She was the most regal and sophisticated old woman he had ever seen.

Iyon ang unang beses na nakita ni Maki Frias si Matilda St. Clair.

Bachelor's Pad series book 13: THE MYSTERIOUS HEIRWhere stories live. Discover now