Part 8

23.7K 629 21
                                    


Kahit nang matapos ang bakasyon at balik eskuwela na uli sila, kapansin-pansin ang closeness nina Allen at Maki. Ang binatilyo na likas na tahimik at hindi masalita, nagiging madaldal at palangiti kapag kausap ang dalagita. Sabay pa silang nag re-recess at kapag uwian na, nanonood pa si Maki sa taekwondo practice ni Allen. Pagkatapos sabay na sila uuwi pagsapit ng alas singko ng hapon. May mga weekend na nasa bahay pa nila ito at sabay silang gumagawa ng assignments o kaya nanonood ng movies gamit ang VCD player sa sala nila.

Halata na natutuwa ang papa niya kapag nakikita sa bahay nila si Maki. Pero ang mama niya, nakakahiya man aminin pero napapansin niyang hindi komportable na close siya sa binatilyo. Pero dahil siguro nag-aaral na siya at gumagawa ng assignments dahil kay Maki, hindi siya nito hayagan masabihan na ayaw nito sa kaibigan niya.

Bandang December, saka lang nalaman ni Allen ang dahilan kung bakit hindi kaya maging close ng mama niya kay Maki. Linggo noon at tinanghali siya ng gising. Nasa kusina na ang mga magulang niya at bago pa siya tuluyang pumasok roon ay narinig niyang tungkol sa binatilyo ang pinag-uusapan ng mga ito. Kaya mabilis na sumandal siya sa pader at tahimik na nakinig kahit na palaging sinasabi ng parents niya na huwag siyang makikinig sa usapan ng mga matatanda.

"Maraming taon na ang lumipas at nakikita mo naman na lumaki siyang mabait, matalino at magalang. Higit sa lahat, magandang impluwensiya siya kay Allen. Ano pa bang inaalala mo, Lorena?" Boses iyon ng kanyang ama.

"Kahit na anong edad pa niya, hindi magbabago ang pakiramdam ko sa kaniya, Jovit. Katunayan mas hindi maganda ang nararamdaman ko ngayong lumalaki na siya. Hindi mo ba napapansin na iba siya sa mga normal na kaedad niya? Hindi lang ang pisikal niyang hitsura ang sinasabi ko, kung hindi pati ang aura niya. Hindi siya normal. Hindi siya ang tipo ng tao na dapat nandito sa maliit nating Sitio. Ilang taon pa, sigurado akong maraming mahuhumaling sa Maki na 'yon at magdadala siya ng napakaraming problema. Hindi lang para sa sarili niya kung hindi pati sa mga taong nakapaligid sa kaniya. Ang mga taong katulad niya hindi nagkakaroon ng tahimik at payapang buhay. Ayokong madamay tayo sa nakatadhanang mangyari sa kaniya lalo na ang anak ko."

Dinig na dinig ni Allen ang kaseryosohan at pag-aalala sa boses ng kanyang ina. Pero ang papa niya, tumawa lang. Halatang hindi naniniwala sa mga sinasabi ni mama. "Ikaw talaga, Lorena. Palibhasa lumaki ka sa lola mong albularya noon kaya ganiyan ka mag-isip. Makabagong panahon na tayo ngayon. Hindi naman patas na husgahan mo agad si Maki dahil lang sa hindi mo magandang pakiramdam kapag nakikita mo siya."

"Huwag mo akong tawanan. Nagsasabi ako ng totoo. Saka hanggang ngayon walang nakakaalam kung saan talaga siya galing, 'di ba? Malay ba natin kung anak pala siya ng kriminal o sindikato at balang araw eh madidiskubre nila kung nasaan siya. Saka walang normal na bata ang tatagal sa loob ng isang cargo vessel na hindi kumakain o umiinom man lang."

"Ibig sabihin lang 'non malakas ang fighting spirit ni Maki. Hindi 'yon nakakatakot, Lorena. Nakakabilib 'yon."

"At paano mo ipapaliwanag ang dahilan kung bakit hindi siya tumatagal sa mga foster family niya? Ang ibang bata nga na hindi naman kagandahan ang hitsura at hindi rin katalinuhan na katulad niya eh legal agad na naaampon. Bakit siya hindi? Kasi may dala siyang malas, Jovit. Naku, sinasabi ko sa'yo!"

"Shh, tama na ha. Marinig ka ng anak mo. Masasaktan siya sa mga sinasabi mo tungkol sa kaibigan niya."

Kumuyom ang mga kamao ni Allen at sa unang pagkakataon sa buhay niya ay nainis siya sa mama niya. Gusto niyang sumugod sa kusina at ipagtanggol si Maki pero napigilan siya ng mga pangaral at disiplina ng parents niya mula pa noong maliit siya. Kaya mabilis at tahimik na lang siyang bumalik sa kuwarto niya at ibinuhos ang frustration sa marahas na pag-dive sa kama at pagsuntok sa mga unan niya.

Bachelor's Pad series book 13: THE MYSTERIOUS HEIRWhere stories live. Discover now