Chapter 56: Loyalty

705 38 5
                                    


Puno ng katahimikan ang bahay ng magpinsang Heartfelt. Akala nila ito na ang inaasahan nilang araw ngunit nagkamali sila. Parehong nagulat ang dalawa sa mga sinabi ng babae. Sya raw ang bagong goddess ni Sagi. Nagbibiro ba sya? Paano nangyari iyon eh may kontrata sila ni Lilian at hindi pa tapos ang misyon nila?

"Ano, miss? Pwede mo bang ipaliwanag kung anong nangyayari? Totoo ba yung sinabi mong ikaw ang bagong water goddess? Nasaan si Lilian?" sa wakas ay binasag ni Leo ang katahimikan.

"Catleya ang pangalan ko. At oo ako nga ang bagong water goddess. Si Lilian ay naroon pa sa aming kaharian at nasa pangangalaga sya ng council. Dahil sa nangyaring labanan nung nakaraan kung saan kamuntikan ng mapahamak ang maraming sibilyan pati na rin ang buhay ng water meister ay nagdesisyon ang council na panahon na upang palitan si Lilian bilang keeper." paliwanag ng babae.


"Teka bakit naman sya papalitan kaagad? Hindi naman nya yun kasalanan. Atsaka hindi ba normal lang naman ang ganung mga labanan? Isa pa nagsisimula pa nga lang sina Sagi at Lilian sa misyon nila kaya diba ayos lang naman na magkaroon ng ganoong gulo?" hindi makapaniwala si Leo sa narinig nya. Parang ang bilis naman na papalitan si Lilian ng dahil lamang doon. Si Sagi naman ay tahimik lang na nakikinig. Hindi mabasa ni Leo kung ano ang nasa isip ng pinsan ng tingnan nya ito.


"Hindi ninyo naiintindihan. Si Lilian ay hindi nakatakda na maging meister ni Sagittarius." sa sinabing ito ni Catleya ay napatingin na si Sagi sa kanya ng may pagtataka. "Ang keeper ng mga elemento ay katulad lamang din ng mga meister. Napapalitan ito paglipas ng mga taon. Kung sa mga dyosa, limang meister lamang ang dapat nilang mahawakan at mabantayan pagkatapos noon ay tapos na ang kanilang termino bilang keeper at magkakaroon na naman ng panibagong goddess. Ngunit hindi pumayag si Lilian na maipasa sa iba ang kapangyarihan ng elemento ng tubig. Pumayag ang council sa kagustuhan nyang magtagal dahil sa magandang reputasyon. Subalit dahil sa nangyaring labanan na muntik nang ikamatay ni Sagittarius ay nagdesisyon ang council na maaring ito na ang panahon para palitan si Lilian dahil hindi nya nagawa ng maayos ang misyon nya ngayon." pagpapaliwanag ni Catleya.


"Pero diba yun nga ang isa sa mga problemang kakaharapin sa misyon? Malalagay at malalagay sa panganib ang buhay ng napiling meister pumayag man sya o hindi sa kasunduan at sa kontrata?" nagsalita na rin si Sagi ngunit may bakas ng galit sa kanyang tinig.

"Oo tama ka doon pero ang tungkulin ng mga keeper kapag naipasa na ang kapangyarihan sa mga meister ay protektahan sila hanggat maari hanggang sa magkasama-sama ang apat na meister at makompleto ang misyon. At sa lagay ni Lilian, wala pa kayo sa kalahati pero umabot na sa puntong kinailangan ni Reyna Elisse na tulungan ka upang makabalik."


"Sige, ipagpalagay na natin na nagkulang nga si Lilian sa pagbabantay sakin pero ako may pagkukulang din. Hindi ko nagawang maging mas malakas pa kaya hindi ko sya nagawang tulungan na alamin ang totoong nangyayari sa eskwelahan kaya umabot sa ganoon. Hindi sapat ang kakayahan ko dahil hindi naging maayos ang mga training ko kasi matigas ang ulo ko. Palagi ko na lang na iniinis si Lian kaya hindi kami makausad kahit sabihin pa nya na fast learner ako. Idagdag pa na hindi rin ako confident sa sarili ko na maging water meister. Kahit ako kinikwestyon ko ang pagiging meister dahil ayaw ko sa tubig. Hindi kaya pati na rin ako dapat ring palitan?!" naiinis na tugon ni Sagi. Hindi nya gusto na papalitan na lang ng basta si Lilian dahil doon. Hindi naman ata tama na isang panig lang ang ikonsidera sa pagdedesisyon. Sandaling natahimik si Catleya sa sinabi ni Sagi.


"Pasensya ka na pero kailangan naming sumunod sa council. Sila ang nagdedesisyon sa mga dapat gawin at sila rin naman ang nagtatalaga sa magiging keeper at meister na pinili ng kalikasan." malumanay na tugon ni Catleya. Wala naman talaga silang magagawa kung nakapagdesisyon na ang council.


Lady of the Blue Moon LakeHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin