Chapter 45

229 27 3
                                    

LUGMOK ang buong sistema ko pagkatapos kong makausap si Yanixx. Pero hindi karuwagan, panghihina ng loob at takot ang kailangan kong maramdaman ngayon. Tapang at tibay ang dapat na pairalin ko sa mga sandaling ito. Kailangan kong huminahon para makapag-isip nang maayos. Nasa panganib ang buhay ng aking mag-ama. Walang maitutulong kung iiyak lang ako at magmukmok sa sulok. Kailangan kong makuha ang bomba sa bag ni Vince. May tiwala ako kay Yanixx, magagawa niyang utuin si Monique para maagaw 'yong trigger button ng bomba.

"Ace, ano'ng sinabi ni Yanixx?" pukaw ni Irlan sa akin.

Huminga ako nang malalim at sinuyod nang tingin sina Engineer, Capt. Hidalgo at Nash na naghihintay ng sagot ko.

"Naroon siya sa bahay nila Monique, bihag siya ng judge ngayon. May sinabi siya tungkol sa bomba na nasa loob daw ng bag ni Vince at hawak ni Monique ang trigger. Kailangan kong makuha ang bag ni Vince at mailayo roon sa bahay," deklara ko matapos lunukin ang bukol sa aking lalamunan. "At...palagay ko nahuli si Yanixx na nakipag-usap sa akin, maaring sinasaktan siya ngayon ng mga tauhan ng judge." Nanginig ang boses ko at kahit pigilan ko pa ang emosyon kusa nang naglaglagan ang aking mga luha.

Akmang yayakapin ako ni Irlan pero umurong ako palayo. Hindi pwedeng magkubli na naman ako sa mga bisig niya. Kailangan ako ng asawa ko. Kailangan ko silang iligtas ng anak ko kahit hindi ko pa alam kung paano ko gawin.

"Okay lang ako." Pinahid ko sa likod ng kamay ang mga luha. "Capt., may plano na po ba tayo?"

"I-wiretap natin ang cellphone mo para ma-trace ang sunod na tawag," pahayag ng kapitan.

Tumango ako at ibinigay sa kaniya ang cellphone ko.

"Reyes!" Tinawag niya ang police na nasa labas.

"Sir?"

"I-wiretap ang cellphone na ito, make it fast, alright?"

"Right away, Sir!" Umalis ang police at nagtungo sa kabilang panig ng bahay. May nakapaskil doon na restricted area.

"Kahit ba landline ang ginamit mati-trace pa rin?" tanong ko sa kapitan.

"We have advance technology in the force, Mrs. Almendras, don't worry. We will rescue the mayor no matter what it takes."

"Ang bomba, kailangan kong umuwi para kunin ang bomba."

"May mga tauhan akong pumunta sa inyo. Kailangan lang nating i-timbre sa kanila ang kinaroroonan ng bomba. Isa sa dahilan kaya inutusan ko sila dahil nag-register sa bomb scanner namin ang signal ng timed bomb pero hindi tiyak ang location. Now that we know, it will be easy for our bomb expert team to handle it. We will detonate the bomb, that I re-assure you."

"Ace..." hinapit ako ni Nash at hinaplos ang likod ko. "Kumain ka muna, ha? Hindi natin sila papabayaan."

"Salamat," piyok kong sabi at nagpaakay na patungo sa buffet table kung saan nakahain ang masaganang tanghalian.

Sumunod sa amin si Irlan habang si Capt. Hidalgo ay nagpaiwan at tinawagan ang isa sa mga tauhan niya. Narinig kong binigyan niya ng instruction patungkol sa location ng bomba. Nabanggit din ng kapitan na dalhin sina Vince at Sophie sa ligtas na lugar habang inaasikaso ang pagde-detonate ng bomba.

Pinilit ko ang sarili na kumain kahit nag-alburuto ang sikmura ko. Hindi ko malunok-lunok ang pagkain dahil bumabara ang hininga ko. Kailangan ko nang buhusan ng tubig para lang makatawid sa lalamunan ko. Si Irlan ay nakamasid lang, nasa mukha ang sobrang pag-alala, hindi siya kumain, bagamat umiinom ng wine na inalok ni Capt. Hidalgo sa kaniya.

Pagkatapos kumain ay lumabas ako ng bahay. Nasasakal kasi ako sa matinding kaba habang naghihintay update mula sa mga police na pumunta sa bahay para sa bomba. Sumunod sa akin si Irlan. Bitbit niya ang cellphone na binigay ko kanina kay Capt. Hidalgo. Tapos na ba i-wiretap iyon?

ISLA SEÑORITA : LUHA AT BARYATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon