Chapter 5

572 44 7
                                    

Maulan noong araw na iyon dahil sa banta ng bagyo. Kabado ako habang pauwi. Nag-undertime lang ako. Natitiyak ko kasing nasa sakahan na naman si Lolo. Nag-aalala ako sa kaniya. Baka mag-isa niyang inaani ang Japanese sweetcorn. Kapag ganitong may parating na bagyo ay abala ang mga magsasaka rito kaya wala kaming maaasahang tulong, hindi gaya sa normal na araw ng anihan.

Hindi ko mapigil ang magmaktol. Bakit kasi hindi pa rin umuuwi si Papa. Halos isang buwan na. Katwiran niya ay pandagdag na lang niya sa perang ipapadala sa amin ang gagamitin niya sa pamasahe.

"Salamat po!" sabi ko sabay abot ng pamasahe sa driver nang sinakyan kong traysikel.

Tumakbo na ako patungo sa bahay namin at sinagasa ang ulan. Nakatanaw ako sa bukirin ni Lolo at halos maiiyak na. Grabe ang hirap niya sa pagsasaka at pagtatanim tapos masisira lang lahat sa bagyo. Pero kung may isang bagay man akong hindi pwedeng sisihin iyon ay ang paniningil ng kalikasan. Hindi ko alam kung kanino ba ito galit at buwan-buwan na lang yatang nag-aamok.

"Ma! Ma!" sigaw ko pagpasok ng bakuran namin.

"Ace?" Dumungaw si Mama mula sa kuwarto. "Sandali, bibigyan kita ng tuwalya. Bakit ka ba nagpapaulan?"

"Huwag na, Ma! Nasa bukid ba si Lolo? Pupuntahan ko po siya!" Hindi na ako naghintay na pumayag o tumutol si Mama. Hinagis ko ang bag patungo sa sofa na kawayan at kumaripas nang takbo.

Masakit sa balat at mata ang patak ng ulan na may kasamang pabugso-bugsong hangin. Nadatnan ko si Lolo sa bukid na nag-aani ng sweetcorn.

"Lo!"

Umunat siya. "Ano'ng ginagawa mo rito, bata ka?" pagalit niyang sita sa akin. Basang-basa na siya pati ang sombrerong suot niya.

"Tutulungan ko po kayo!" Nagsimula na akong pitasin ang bunga ng sweetcorn na pinakamalapit sa akin.

Tinanaw ko ang kabilang dulo. Mas mabilis yata kung doon ako magsisimula at sasalubungin ko si Lolo. Patakbo kong tinawid ang masukal na gitna ng maisan. Denepensa ko ang mga braso ko para hindi tamaan ang aking mukha.
Makati kasi sa balat ang gaspang ng mga dahon ng mais.

Halos kalahati na rin ang naani namin ni Lolo nang lumakas pa ang ulan at bugso ng hangin. Nilapitan ko si Lolo na naghahakot ng mga ani namin patungo sa kamalig gamit ang malaking kaing na gawa sa hinabing himulmol ng kawayan.

"Lo, sumilong po muna kayo. Ako na ang maghahakot niyan mamaya," sabi ko sa kaniya. May hika si Lolo, baka mamaya sumpungin siya kapag sobrang nalamigan.

"Ayos lang, Apo. Kailangan natin itong matapos bago dumilim." Umunat siya at saglit na natigilan habang nakatanaw sa may bukana ng bukid. "Sino ang mga iyan?" tanong niyang naningkit ang mga mata.

Sinundan ko ang itinuturo ng paningin ni Lolo at muntik nang masamid sa aking laway paglunok ko. Kahit binalot nang manipis na hamog ang paligid, sigurado ako sa tindig ng dalawang lalaking naglalakad patungo sa aming direksiyon.

Sina Mayor Yanixx at Engineer Irlan! Pero bakit sila nandito? Nakatunganga ako sa kanila. Palipat-lipat ang tingin. Sila ba talaga ito? Paanong napadpad silang dalawa rito?

"Mang Paul," binati ni Mayor ng mahinang tapik sa balikat si Lolo. Si Engineer naman ay idinaan kami sa bruskong tango. 

"Mayor?" gulantang na bulalas ni Lolo.

"Napadaan lang kami, pinuntahan ko ang mga residenteng kailangang ilikas."

Tumango-tango si Lolo. Alam kong bumulusok na naman papunta sa mga ulap ang paghanga niya sa kasipagan ni Mayor.

Kumindat sa akin si Mayor at hinubad ang suot niyang itim na baseball cap. Nilipat niya iyon sa ulo ko at tinapik nang mahina ang visor niyon. Lahat ng laman-loob ko ay nagkarera. Baga, atay, bituka, lalo na ang puso ko na tinutulak ng tibok ang aking mga tadyang.

ISLA SEÑORITA : LUHA AT BARYAWhere stories live. Discover now