Chapter 18

559 50 3
                                    

Matalim na taginting ng mga baryang hinulog ko sa loob ng lumang banga ang sukli ng pagod ko sa araw na iyon. Limang daang peso mula sa balot at pinoy na inilako ko kanina. Buti na lang at maagang naubos. Pasado alas siyete pa lang ng gabi. Muli kong itinulak ang banga sa loob ng cabinet at isinara ang pinto.

Iginala ko ang paningin sa tahimik na looban ng kusina. May pagkain sa hapag at natatakpan ng food cover. Kinalkal ko ang ecobag na naglalaman ng groceries na binili ko bago umuwi, habang pasulyap-sulyap sa may pinto. Nakatulog siguro si Mama. Si Lolo ay nasa labas pa at nagliligpit ng mga binhi ng mani na pinatutuyo para maipunla. Si Papa naman ay mamayang alas otso pa ang uwi. Nakapasok siya bilang guwardiya sa isang bangko sa lungsod.

Dalawang linggo na mula nang makabalik ako rito sa isla. Pagtitinda ng balot sa hapon ang pinagkakaabalahan ko. Gusto kong magkaroon ng sariling income at makaipon bago ang pagbubukas ng klase. Wala akong problema sa school kasi sa state university naman ako mag-aaral. No tuition fee. Projects at allowance lang ang kailangan kong isipin.

Siniglahan ko ang kilos at pakanta-kantang nilatag ang laman ng bag sa pabilog na mesang gawa sa matibay na kahoy. May oras pa para gumawa ng munchkins na ititinda ko bukas kasama ng balot.

Biscuits na choco flavor, gatas, nips, at desiccated coconut. Itinabi ko muna ang canned goods at noodles. Saglit na naman akong natigilan nang maalala ko si Vince. Nagpunta ako kanina roon sa bahay ni Mayor Yanixx pero saglit ko lang nakasama ang anak ko kasi sinundo na naman ni Honey Leth at binisita nila si Mayor. Huminga ako ng malalim pero hindi pa rin niyon napaatras ang kirot na humagupit sa puso ko.

Kahit sabihin ko pang wala akong karapatang masaktan, hindi ko naman mapigilan. Mahal na mahal ko pa rin si Mayor. Walang nagbago sa nararamdaman ko para sa kaniya. Malamang, sa aming dalawa'y ako lang ang hindi nakausad.

"Ace, dumating ka na pala." Sumilip si Mama mula sa pintuan ng kusina.

"Opo, Ma." Lumapit ako sa kanya at nagmano.

"Kumain ka na ba? Nagprito ako ng isda." Nakaturo ang paningin niya sa hapag kung saan naroon ang mga pagkain.

"Kakain po ako pagkatapos kong gumawa ng munchkins, busog pa naman po ako. Nag-snacks po ako kanina ng kamote cue." Binalikan ko ang gagawing munchkin at sinimulan ang trabaho habang nanonood sa akin si Mama.

"Naubos ba ang tinda mong balot?" pagkuwa'y tanong niya sa akin.

"Opo, maagang naubos kaya nakadaan pa ako ng department store." Sinulyapan ko siya habang abala ang mga kamay sa paghulma ng munchkins. Bawat isang piraso ibinulid ko sa dessicated coconut.

"Hindi ka ba dumaan kay Vince?"

"Dumaan po ako."

"Kumusta ang bata? Baka pwede nating hiramin kahit isang araw lang."

"Bukas susubukan ko po." Pumeke ako nang ngiti. Hindi ko masabi kay Mama na laging nasa bahay ni Mayor si Honey Leth at halos tumatayo nang nanay ng anak ko.

"Pero kung hindi mo mahiram, kami na lang ng Lolo mo ang dadalaw roon."

Saglit na natigil ang mga kamay ko sa paghulma ng munchkins. Gusto kong pigilan si Mama pero hindi ako sigurado kung matinong dahilan ang selos na nararamdaman ko. Bilang ina ni Vince, ang presensya ni Honey Leth sa buhay ng anak ko ay isang banta. Pero maiintindihan ba iyon ng aking pamilya kung ako naman ang responsable sa masalimuot na sitwasyong kinasasadlakan namin ng aking mag-ama?

Huminga ako nang malalim dahil sa biglang pagsikip ng aking dibdib at paglabo ng paningin ko dahil sa luha.
Lihim kong ipinagpasalamat na hindi na ako ginambala ni Mama. Pumihit siya paalis. Pagtawid niya ng pintuan ay saka ko lamang pinayagang pumatak ang mga likidong nakakoldon sa sulok ng aking mga mata.

ISLA SEÑORITA : LUHA AT BARYANơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ