Chapter 3

696 42 5
                                    

Ibinuhos ko sa lababo ang natirang tubig sa baso at hinugasan iyon. Katatapos ko lang painumin ng gamot sa lagnat si Mama. Buti na lang umuwi ako agad pagkatapos kong makuha ang report card ko. Pupunta ako ngayon sa munisipyo para mag-apply sa summer job na sinabi ni Mayor.

"Ace, nadala mo ba ang birth certificate mo? Baka kailangan iyan doon," sabi ni Mama mula sa kuwarto namin.

Ibinalik ko sa tray ang malinis na baso. "Dala ko po, Ma." Siniguro ko nang magdala ng iilang importanteng papel para sa requirements.

"Magdala ka rin ng biscuits, baka magutom ka roon. Tubig, huwag mong kalimutan," paalala ni Mama.

"Opo," tango ko naman at sinipat ang suot kong itim na pantalon at pulang hanging blouse na may print 'this day is great.' Regalo iyon sa akin ni Lolo noong 16th birthday ko.

Kumuha ako ng biscuits sa loob ng baldeng itim at nilagyan ng tubig ang thumbler ko. Ipinasok ko ang mga iyon sa sling bag. Sinuri ko muna ang pulang rubber shoes na nabili ko lang ng isang daan sa ukay-ukay noong pista sa lungsod. Mukhang maayos pa naman ang punit sa talampakan na idinikit ko ng shoes glue. Isinuot ko na iyon at isinabit ang bag sa aking balikat.

"Ma, aalis na po ako!" Sinilip ko si Mama sa kuwarto. Nagtutupi siya ng mga tuyong damit na nilabhan ko kahapon.

"Ingat ka," tumingin siya sa gawi ko. Halata ang pagod sa mga mata niya.

Kapag nakapasok ako sa summer job at maka-sweldo talagang papatingnan ko siya sa doctor. Ngayon kasi ay hindi ko siya mapilit dahil kapos na kapos kami. Magkano kaya ang magiging sahod ko kungsakali? Sabi ni Mama, hindi magandang magbilang ng sisiw na hindi pa napipisa ang itlog. Pero mabuti nang may planong nakahanda.

Naglakad ako hanggang sa main road at nag-abang doon ng traysikel. Walong kilometro ang layo ng barangay namin sa poblacion. Traysikel at motor na single ang pangunahing transportasyon. Fifteen pesos ang pamasahe sa traysikel at twenty pesos naman sa motor. Kinuha ko ang pitaka ko at naghanda ng barya para pamasahe.

Pinara ko agad ang parating na traysikel. May dalawang sakay na iyon sa loob kaya sa backride na ako pumuwesto. May bahagi sa mainroad na iyon na accident prone area. Mabagal lang naman ang takbo namin pero biglang sumabog ang isa sa mga gulong ng sidecar at umekis ang traysikel papunta sa kabilang lane. Tumili ako dahil sasalpok sa amin ang puting Ford Ranger. Pumikit na lang ako at kumapit nang husto sa maliit na kabilyang hawakan sa itaas. Halos mabingi ako sa malakas na busina ng sasakyan.

Napunta kami sa bakuran ng water refilling station at doon tuluyang dumapa ang gulong ng traysikel. Buti na lang hindi namin tinamaan ang gabundok na mga galon ng tubig. Ang Ford ay humambalang sa gitna ng daan. Halos magmarka sa kalsadang semento ang mga gulong niyon dahil sa pagkakadiin ng preno.

"Ayos lang ba ang lahat? May nasaktan ba?" Nag-aalalang usisa ng driver sa aming mga pasahero.

"O-okay lang po ako." Atubili kong tango. Hindi ko maigalaw ang mga binti at tuhod kong nanginginig. Pati ang dalawang pasahero sa loob ng sidecar ay hindi makakilos.

Umusad ang Ford papunta sa tabi at bumaba ang driver. Lalo akong natilihan. Si Engineer Irlan? Malalaki ang hakbang niya habang papalapit sa amin.

"May nasaktan ba sa inyo? Dalhin natin ng hospital," sa akin naglanding ang mga mata niya at nakita kong pumiksi ang kanan niyang kilay.

"Maayos kami, Sir. Pasensya na, sumabog ang isa sa mga gulong ko." Nagpaliwanag ang driver ng traysikel.

Tumango lang si Engineer, hindi bumitaw ang titig sa akin. "Okay ka lang ba?" tanong niyang hindi ko inasahan.

"Okay lang po ako," mahina kong sagot at pinilit kong makababa mula sa backride ng motor. "Kuya, heto po ang bayad ko."

Umibis na rin ang dalawa pang pasahero at nagbayad din ng pamasahe.

ISLA SEÑORITA : LUHA AT BARYAWhere stories live. Discover now