Chapter 35

419 31 6
                                    

Sa labas ng campus ko na hinintay si Yanixx. Sinamahan ako roon ni Engineer. Nagmistula siyang bodyguard ko habang iilan sa mga ka-eskuwela ko ay nakamasid sa amin o mas tamang sabihin na nakamasid sa kaniya, puro kasi mga babae.

Ibinaling ko ang paningin sa mga kariton ng streetfoods na nakahilera sa ligtas na bahagi ng sidewalk. Nakagawian na mag-abang doon tuwing dismissal sa hapon ng mga nagtitinda ng tempura, fishballs, kwik-kwik, flavor of the road ice cream at seasonal fruits. Bigla ko tuloy na-miss ang magtinda ng balot.

"Should we grab a bite while waiting?" pukaw ni Irlan na napansin ang kanina ko pa patanaw-tanaw sa mga estudyanteng kumpulan kung bumili sa kanilang mga suki.

Umiling ako."Busog pa ako-" at nakangusong sinipat ang oras sa suot kong relos.

"Nagugutom ako, samahan mo na lang akong kumain. Matagal na ring hindi ako nakatikim ng street food dito sa atin."

No choice ako kundi pagbigyan siya. Magkaagapay kaming naglakad patungo sa kariton ni Ate Yuly, ang suki ko sa tempura at squid roll. Pumila kami at hindi na pinansin ang nag-uusyusong mga mata ng ibang mamimiling estudyante.

"Uy, Ace, ikaw pala iyan!" bulalas ni Ate Yuly. "Bibili ka?"

"Ano'ng gusto mo?" tanong ko kay Engineer.

"Alin ba ang masarap diyan?"

"Squid roll, masarap iyan."

"Sige, iyan na." Naglabas siya ng buong five hundred peso bill.

Dahil tatlo lang naman ang laman ng isang order, limang order na ang binili ko. Siguro naman sapat na iyon sa kaniya. Mga ganoon karami lang din naman ang kayang ubusin ni Yanixx sa munchkin na gawa ko.

"May gusto ka pa bang pag-usapan? Kanina ko pa napapansin na halos bumubukol na iyang cute mong lalamunan sa gusto mong sabihin." May kalakip na seksing tawa ang biro niya habang kumakain at pinanonood ko lang siya.

Ang totoo'y kanina pa ako natutuksong magtanong sa kaniya kung may alam siya tungkol sa anak ni Yanixx sa ibang babae. Pero kung kailan ibubuka ko na sana ang bibig ay saka naman lumitaw sa tinatanaw kong eskina ang paparating na sasakyan.

Kinagat ko na lang ang labi at humugot ng buntong-hininga. Hindi rin siguro magandang padalos-dalos akong magtanong. Baka malagyan pa nang kulay.

Pumarada sa tapat namin ang sasakyan ni Yanixx. Bumaba siya at nakipagpalitan ng high-five kay Irlan. Sumulyap siya sa akin. May bahid pa rin ng guilt at pag-alala sa likod nang malagkit niyang titig.

Nauna na akong sumampa sa loob ng sasakyan at hinayaan ko munang mag-usap saglit ang magpinsan. Kulang tatlong minuto lang namang nagpalitan ang dalawa at pumasok na rin kaagad sa driver's seat si Yanixx, si Irlan naman ay nagtungo sa sasakyan nito sa gawing likuran namin.

Mabagal ang takbo namin habang binabagtas ang national road. Bago ang unang intersection ay bumusina sa amin si Engineer at nag-overtake. Feeling ko pagod na pagod ang utak ko at sumidhi pa iyon dahil sa katahimikan, imbis na marelax ako.

"Nasa bahay na si Sophie." Biglang nagsalita si Yanixx at sumulyap sa akin.

Tumango ako at inayos ang suot kong seatbelt. "Anong reaction ni Vince nang makita si Sophie?"

"I think he is excited. Nang umalis ako naglalaro sila ni Sophie."

"Mabuti naman." Medyo mababaw pakinggan ang sagot ko. Ayaw kong magpanggap na may gamot ako sa bagong krisis na sumubok ngayon sa tiwala at tatag ng pagsasama namin. Hindi ko pa nahimay ang damdamin ko ngunit hindi naman sumagi sa isip ko ang maghanap ng gulo at dagdagan ang problema.

ISLA SEÑORITA : LUHA AT BARYAWhere stories live. Discover now