Chapter 8

592 41 2
                                    

HINATID ako nina Mayor Yanixx at Engr. Irlan pauwi. Sinamahan pa ako ni Mayor sa loob ng bahay. Lalo tuloy akong kinuyog ng nerbiyos. Paano kung mahalata nina Mama at Lolo na may kakaiba sa akin? Natitiis ko naman ang kirot sa katawan ko pero hindi ako sigurado kung kaya kong idaan sa bonggang pagkukunwari ang sundot ng konsensya. Hindi kasi ako sanay na nagsisinungaling kay Mama.

"Maupo ka, Mayor." Binigyan ni Mama si Mayor ng pastic na upuan.

Nadatnan namin silang dalawa ni Lolo sa maliit na sala loob ng kubo. Halata sa mga mata ni Mama at hapis na mukha ang kawalan ng tulog. Si Lolo naman ay tiyak hinihintay rin ang pag-uwi ko. Kung ganitong oras kasi madalas naroon siya sa bukid.

"Thank you, Aling Jove, Manong Paul. Hindi kami nakauwi ni Ace kahapon dahil lumaki ang mga alon at hindi makabiyahe ang mga bangka. May kasama ring hangin ang ulan, mapanganib kung nagpumilit kami." Nagpaliwanag si Mayor.

Tumango si Mama at tumingin sa akin. Pero kusang umilap ang mga mata ko at hindi ko siya matingnan ng deretso.

"Akala ko nga may parating na bagyo dahil sa bugso ng hangin," sabat ni Lolo. "Mabuti na ring doon kayo nagpalipas ng gabi. Mahirap makipagsagupa sa alon ng dagat."

Napalunok ako. Hindi pa rin ako tinantanan ni Mama ng titig at napapansin ko nang nagdududa siya. Gusto ko na lang bumulalas doon ng iyak at lumuhod sa harap niya para humingi ng tawad.

"Anak, okay ka lang ba? May sakit ka ba?" pagkuwa'y tanong niya sa akin.

Lalong sumikip ang dibdib ko. "N-napapagod lang po ako, Ma. Pwede na po ba akong pumasok sa kuwarto? Gusto ko po sanang magpahinga."

Parang cue na rin siguro ang sinabi ko kasi tumayo na agad si Mayor at nagpaalam.

"I have to go," at tumingin ito sa akin. "Huwag ka na munang pumasok ng opisina, Ace. Magpahinga ka lang."

Tumango ako at huminga ng malalim.

"Salamat sa paghatid sa kanya, Mayor. Mag-iingat kayo," sabi ni Mama habang si Lolo ay sinamahan palabas ng kubo si Mayor Yanixx.

"Ace," papasok na ako sa silid nang tawagin ni Mama. "Kumain ka muna. May kilawin na dilis diyan. Naglako kanina si Aling Asun, sariwang-sariwa pa kaya bumili si Tatay."

"Busog pa po ako, Ma. Kumain ako bago kami umalis ni Mayor kanina. Pero mamaya kakainin ko po iyang itinabi ninyo, sigurado kasing masarap iyan." Hindi ko na halos napigilan nag garalgal sa aking tono.

Kumaripas na ako sa loob ng kuwarto at nagbihis ng malambot na cotton pajama at manipis na t-shirt. Parang sinusunog sa hapdi at kirot ang pagkababae ko. Ang mga tuhod ko ay nanginginig at hindi na yata ako tatantanan ng kaba. Hindi ko na maipaliwanag. Gusto ko na lang munang matulog ng mahimbing at kalimutan ang nangyari.

Imbis na bumuti ang pakiramdam ko pagkagising, lalo akong nanlata. Natilihan nang masilip kong sa siwang ng bintanang madilim na sa labas. Dinig ko ang mga kaluskos ni Mama sa kusina.

Lumabas ako ng kuwarto. Nagluluto siya at naamoy ko ang singaw ng pakbet sa loob ng kawali. Sa hapag namin ay may nakahain nang tinulang isda at adobong kangkong. Dati, kumukulo agad ang sikmura ko sa mga iyon pero ngayon wala akong ganang kumain. Ang maga sa pagitan ng mga hita ko ay lumala. Naiihi ako pero pinipigilan ko lang. Kalbaryong malaki sa akin ang sobrang hapdi.

"Oh, gising ka na pala! Halika na rito at nang makakain." Kinambatan ako ni Mama.

Tumango ako. "Si Lolo po?"

"Nasa labas, nagliligpit ng mga pinatutuyong mani."

"Tawagin ko lang po. Magbabanyo na rin muna ako." Tinungo ko ang pintuan.

ISLA SEÑORITA : LUHA AT BARYAWhere stories live. Discover now