Chapter 44

282 24 3
                                    

NANINIWALA akong ligtas si Yanixx kahit itinuturo ng mga ebidensiyang wala na siya. Buhay siya. Iyon lang ang kakapitan ko para hindi masira ang utak ko. May mga anak kami na naghihintay. Sina Vince at Sophie ay naghihintay sa pag-uwi ng kanilang ama. Hindi ganoon si Yanixx. Hindi siya ang tipong basta na lang nang-iiwan. Kahit may malalim pang dahilan gaya nang ginawa ko noon, hindi siya bumitiw, hindi niya ako iniwan.

"Hindi niya gagawin iyon, hindi niya kami iiwan...mahal niya kami...mahal kami ni Yanixx...mahal niya kami," sambit ko habang mahigpit na magkasalikop sa aking kandungan ang mga kamay. Nanlalabo na sa masaganang luha ang mga mata ko.

Lumingon sa akin si Engr. Irlan at kinabig ako pahilig sa kaniyang dibdib.

"He's alright, I know him. Nasa NBI siya noon, he knew how to handle dangers," alo niya sa akin.

"Tama ako hindi ba? Ligtas siya, okay lang siya. Baka nagtatago lang siya ngayon kasi may humahabol sa kaniya. Ganoon siguro. Nagtatago lang siya." Wala nang patid ang pagtulo ng mga luha ko habang lulan kami ng sasakyan ni Capt. Juno Hidalgo. Sa likod namin ay ang patrol car sakay ang mga kapolisan ng Fuego Amore.

Mula sa rear view mirror ay sinulyapan kami ng kapitan. Hinintay ko rin sana na sabihin niyang ligtas si Mayor pero tahimik lang siya at ang isa pang police na nagmamaneho. Nagtitinginan sila na para bang may ibig ipahiwatig.

Nakarating kami sa liblib na lugar at huminto sa mismong bangin kung saan nahulog ang sasakyan ni Yanixx. Malalim iyon at matarik. Delikado ang makipot na daan pababa pero hindi ako nagpapigil. Hawak ni Engineer ang kamay ko. Nang sinapit namin ang distansiya kung saan natatanaw ko na ang kalansay ng SUV ay napahagulgol na lang ako. Kung hindi nakalabas si Yanixx, hindi siya mabubuhay sa hitsura pa lang ng sasakyang nagkalasug-lasog na yata ang mga parte. Pati bubong humiwalay at nakatimbuwang.

"Capt., may komunidad ba sa ibaba? May natatanaw akong mga sakahan," tanong ni Engr. Irlan.

"Mayroon, may barrio sa ibaba. Pero malabo na pupunta roon si Mayor."

Bakit malabo? Gusto kong isigaw. Kung iyon na lang ang choice niya para makaligtas, bakit hindi niya gagawin?

Nakakoldon ng dilaw na ribbon ang buong lugar at may warning sign na nilagay ang kapolisan. Hindi na kami pinayagan ni Capt. Hidalgo na tumuloy pa sa ibaba. Matalas ang mga bato at madulas na rin ang mga damong nakalatag sa daanan.

Hinayaan lang ako ni Engineer na umiyak, hinahaplos niya ang likod ko. Bakas din sa mukha at mga mata niya ang hinagpis. Sumisilip ang likidong hindi niya pinakakawalan dahil kinakausap siya ng kapitan pero hindi ko na maintindihan ang paksa nila. Abala ang sistema ko sa nakababaliw na sakit at takot. Sa pagkumbinsi sa utak ko na buhay si Yanixx. Ayaw kong tanggapin ang posibilidad na wala na nga siya. Ayaw ko.

"Doon muna tayo sa headquarters para sa update ng investigation," sabi ni Engineer sa akin at pinasakay akong muli sa sasakyan ni Capt. Hidalgo.

Kasalukuyang binibigyan ng kapitan ng instruction ang mga police na sumama sa amin mula sa Fuego Amore.

"I will be sending some of my men to your house to watch over the kids. Baka sila naman ang pagbalingan ng kaaway. The two of you can stay in the safe house for the meantime while we are waiting for the results of the investigation, if that is not of so much trouble." Lumingon sa amin ang kapitan matapos nitong tapikin sa balikat ang driver.

Tumango ako, wala pa ring ampat ang pagbukal ng mga luha. Kinalikot ko ang cellphone at nag-text kay Nico pero walang signal sa bahaging iyon. Kaya pala hindi ko na makontak kanina si Yanixx.

"May signal na sa sunod na barangay," sabi ni Engineer na abala rin sa cellphone niya. "Capt., may iba bang target ang sindikato maliban kay Yanixx?" tanong niya na nagpaangat ng paningin ko.

ISLA SEÑORITA : LUHA AT BARYAWhere stories live. Discover now