Chapter 2

806 49 10
                                    

Naghugas ako ng mani para ilaga. May sariwa rin na nilagay ko sa food bowl at itinabi ko muna. Binitbit ko ang palayok, laman ang mani at isinalang iyon sa apoy. Dinig ko ang ingay ng musika sa labas. Disco music ang pinapatugtog nila. Sapat lang ang lakas niyon para umuga pati ang kubo namin. Hindi naman siguro matatawag na public disturbance ang celebration kasi alam naman ng mga kapitbahay na moving-up namin ngayong araw.

"Ace, puntahan mo na sila. Ako na ang magbabantay niyan," sabi ni Mama na kahit bakas ang pagod sa mga mata dahil sa lagnat ay masigla akong dinaluhan doon sa kusina.

"Okay lang po ba kayo, Ma? Ayos lang naman ako rito. Magpahinga na lang kayo, baka lumala pa ang lagnat ninyo."

"Wala ito, sanay na ako sa sinat. Sige na, nakakahiya naman kina Mayor. Puntahan mo na sila." Itinulak pa ako ni Mama palabas.

Sinipat ko muna ang sarili ko. Hindi pa ako nakapagbihis at may bahagi ng bestida ko ang basa pa rin. Sumaglit muna ako sa kuwarto at nagpalit. Maluwag na t-shirt at asul na pantalon ko sa P.E. Sinuklay ko sa daliri ang mahaba kong buhok na nakalugay lang. Likas na makintab iyon at tuwid. Mabilisan kong sinuri ang mukha ko sa maliit na salaming nakasabit sa dingding na pawid. Napangiwi ko. May uling sa tuktok ng ilong ko. Kanina siguro iyon nang kunin ko ang palayok. Inabot ko ang wipes sa may altar at humugot ng isa. Kinuskos ko ang dumi.

"Ace?" Hinawi ni Mama ang manipis na kurtina sa may pintuan at sinilip ako.

"Ma, nandiyan na po!" Tinupi ko lang muna ang wipes na ginamit ko at iniwan sa mesitang nasa ilalim ng altar.

Sumalubong sa akin paglabas ko ng kubo ang malutong na tawanan nina Nicolo at Keth. Mukhang nag-aasaran na naman ang mag-uncle. Nakahain na sa mesa ang mga pagkaing dala nila at nakaupo ang dalawa sa mga silyang nasa malapit. Agad bumaling ang mga ito sa akin at nag-uunahang umahon sa kanilang upuan, pati sa paglapit sa akin ay nagkakarera pa yata. Pero gaya nang madalas mangyari, si Nicolo ang nagparaya at hinayaan si Keth na akayin ako.

"Dito ka na, Ace." Si Nicolo ang nag-urong ng silya para sa akin.

"Salamat," bahagya akong ngumiti at pinukol ng tanaw si Engineer Irlan na nakatayo sa labas ng sasakyan at nakasandal sa pinto niyon habang naninigarilyo. Nakatingin din ito sa akin. Malamang galit pa rin ito dahil sa nangyari kanina sa daan. Ibinuga nito paitaas ang usok at iniwas ko naman ang mga mata ko.

"Ace," binigyan ako ni Keth ng can ng malamig na softdrink.

Tinanggap ko iyon. Si Nico naman ay nagbukas nang malaking bag ng potato  chips at itinulak palapit sa akin. Sumenyas na kumuha ako. Minsan lang ako nakatitikim ng mga ganoong pagkain dahil gipit kami.  Kumuha ako agad at isinubo. Lasang french fries. Binuksan ko ang lata ng inumin at pasimpleng hinagilap ng aking paningin si Mayor.

Natagpuan ko siya sa kamalig namin sa gilid. Kausap niya si lolo na nagpapaliwanag yata tungkol sa mga pananim namin sa bukid. Mababa lang iyong bubong ng kamalig at nakatayo sa makipot na bukana si Mayor. Seryoso siyang nakikinig kay Lolo habang nagsasalita. Ang dalawang kamay niya ay nakatuon sa pasamanong kawayan sa itaas ng kanyang ulo. Bumakat sa suot niyang shirt ang matikas niyang tindig at matigas na hulma ng kanyang mga masels.

Hindi ko napaghandaan ang biglang pagsulyap niya sa gawi namin. Nagtama ang aming mga mata. Literal kong nadama ang pag-arangkada ng puso ko. Napansin kong bahagyang umangat ang sulok ng labi ni Mayor na lalong nagpatulis sa perpektong kurba niyon. Steady pa lang ang matingkad na liwanag ng portable disco light pero tila may bahaghari ng bulalakaw na nagrereflect sa mga mata niya.

May sinabi siya kay Lolo bago niya ito tapikin sa balikat saka siya naglakad papalapit sa kinaroroonan namin. Parang sinilihan ako sa puwit. Bigla akong hindi mapakali lalo na nang bitbitin niya ang bakanteng silya at nilipat sa tabi ko.

ISLA SEÑORITA : LUHA AT BARYAKde žijí příběhy. Začni objevovat