Chapter 34

399 35 9
                                    

Hindi ko napaghandaan ang marahas na paglundag ng puso ko nang masumpungan ko si Yanixx. Nakaabang siya sa labas ng comfort room. Saglit na naghinang ang mga mata namin at halo-halong emosyon ang naaninag ko  sa kaniyang titig. Guilt ba iyon? Labis-labis na pag-aalala? Anino ng takot? Ayaw kong isiping inuusig siya ng konsensya niya dahil ibig sabihin lang n'on nagkasala siya.

Ako na ang unang bumitaw sa titigan namin ngunit panakaw ko pa rin siyang sinusulyapan. Bumaba ang paningin niya sa batang babaeng nakakapit sa kanan kong kamay at binigyan niya ito ng maamong ngiti.

"Sorry, I took an urgent call outside." Muli siyang bumaling sa akin.

Tumango lang ako. Kanina ang dami kong gustong itanong sa kaniya pero ngayon maski isa ay hindi ko na mahagilap. Ang hangad ko na lang ay malaman kung ano ang nangyari sa batang nakatingala sa aming dalawa. Bakit ito may mga pasa? Hindi ko ma-imagine na sinaktan ito ni Monique.

Inakay kami ni Yanixx pabalik sa aming table. Masiglang lumapit agad sa amin ang waitress para sa aming order. Hinayaan ko na ang lalaki na um-order para sa aming tatlo. Siya naman ang nakakaalam kung ano'ng gustong kainin ng bata at ako naman ay nawalan na ng ganang magtanghalian. Kung ano'ng ihahain sa amin ay titikman ko lang out of respect sa kaniya.

Tumikhim siya. "Did you tell Tita Ace your name?" tanong niya sa bata na nakaupo sa aking tabi.

Marahan itong umiling at tumingin sa akin. "My name is Sofhia Belle Almendras." Nagpakilala ang bata.

Tila may bikig na bumara sa aking lalamunan. Almendras? Dala na nito ang apelyido ni Yanixx?

"She's my daughter, Ace. Dumating ngayon ang DNA test na ni-request ko sa isang laboratory sa Manila." Maingat na nagsalita si Yanixx at hinawakan ang kamay kong nasa ibabaw ng mesa. Isang hudyat iyon na hindi niya ako papayagang umalis doon basta-basta.

"So, may anak ka nga kay Monique?" nagdaramdam kong sikmat.

"No, her mother is Belle Murillo, Monique's bestfriend. I told you once I hooked up with a girl from my college days. That's Belle. Sophie is three years older than Vince."

Seven years ago? Ibig sabihin wala pa ako sa buhay niya. Kahit hindi ako dapat maghimagsik pero hindi pa rin handa ang sistema ko sa posibilidad ng mga karelasyon niya noon. Hindi siya katulad ni Irlan na open book sa publiko ang love life. Ngayon na unti-unting lumutang ang private affairs niya, mistula iyong bomba na hindi ko malaman kung paano iiwasan ang pagsabog.

Huminga ako nang malalim. "Hindi ko gagawing malaking issue ang tungkol dito. Sinabi ko na sa iyo, gusto kong magsimula tayo sa tama at baka isa ito sa part na kailangan nating i-consider."

Umaliwalas ang kaniyang mukha at nahawi ang panic sa mga mata niya. "Thank you, Ace."

"Pero may concern lang ako, Yanixx." Sinulyapan ko muna si Sophie bago nagpatuloy. "May nakita akong pasa sa katawan ng bata. Palagay ko ay sinasaktan siya."

Kumunot ang mga kilay niya at tumingin kay Sophie. "Is it true? Somebody is hurting you?"

Atubiling tumango ang bata. "Because I did not listen. Because I can't remember what I suppose to tell Daddy that's why Mommy Monique spang me."

Pati puso ko ay kinurot sa sinabi ng bata. Tumingin ako kay Yanixx at halos masakal sa uri ng kirot na noon ko lang nakita sa mga mata niya. Siguro may sapat siyang rason para magalit kay Monique pero bilang ama ni Sophie hindi niya maaring itanggi na malaki ang pagkukulang niya sa bata. Bago siya magalit sa iba, sarili muna niya ang dapat niyang komprontahin.

Panandaliang naghari ang katahimikan habang isa-isang dumating ang mga pagkaing in-order niya para sa amin. Ako na ang nagkusang alalayan ang bata at naglagay ng pagkain sa pinggan nito. Nagrequest din ako ng high chair para sa bata para hindi ito mahirapan habang kumakain.

ISLA SEÑORITA : LUHA AT BARYAWhere stories live. Discover now