Chapter 6

650 48 13
                                    

Bata lang ako kung tutuusin sa edad kong ito. Pero tuwing tinitingnan ko si Mayor Yanixx at kapag nakatitig din siya sa akin pakiramdam ko magkasing-edad lang kami. 'Yong patago niyang ngiti, mga palihim niyang kindat ay para bang nagsasabi sa akin na walang masama kung papangarapin ko siya.

Gaya ngayon.

Kahit abala siya sa pagpirma sa mga dokumento sa ibabaw ng kaniyang desk nakukuha pa rin niyang sulyapan ako. May nakakubling ngiti sa kaniyang mga mata na kumikiliti sa aking sikmura at talampakan. Siguro sobra na kung hihilingin ko ring maramdaman niya ang nararamdaman ko ngayon. Malamang natutuwa lang siya sa akin. Wala kasi siyang kapatid na babae.

Pinukol ko nang tingin ang labas mula sa floor to ceiling window. Maulan pa rin pero hindi na tulad kahapon ang bugso ng hangin. Akala ko kanina hindi ako makapasok sa trabaho pero tumila saglit ang ulan pagsapit ng alas siyete.

"Ace, one shot of espresso, please?" Nagsalita si Mayor.

Napaunat ako at masiglang tumayo at lumapit sa kinaroroonan ng coffee machine.

Inaantok siguro si Mayor.
Halos alas dose na rin kasi silang umalis ni Engineer kagabi. Tiniyak muna nilang hindi lalakas ang hangin. Kung nagkataon na mas lumakas pa ay ililikas na nila kami alang-alang sa aming kaligtasan.

"Pakisabi kay Mang Paul maraming salamat sa sweetcorn."

"Sasabihin ko po." Bahagya ko siyang nilingon at binigyan ng tipid na ngiti.

Pinabaunan sila ni Lolo ng apat na sakong sweetcorn pag-alis nila. Bukod sa hapunan, marami silang nakain ni Engineer sa nilagang sweetcorn. Parang naging pulutan pa nila iyon kasi ininom nila ang natirang lambanog ni Lolo.

"At sa lambanog na rin," tonong nagbibiro siya.

"Nag-alala po si Lolo, baka raw masira ang sikmura mo kasi hindi ka sanay sa ganoong inumin."

"I'm doing fine, but I don't know about Irlan. Mahina ang sikmura n'on, though I'm pretty sure he can handle his alcohol intake."

Tumango ako at hindi na lamang nagkomento. Binitbit ko ang mug at dinala sa kaniya.

"Nag-alala ka rin ba sa akin?" mahina niyang tanong matapos kong ilapag ang mug.

Napatitig ako sa kaniya. Naglalaro ang seksing ngiti sa kaniyang mga mata at ang sulok ng labi niya ay nagbabadya na ring umangat para ngumisi.

"Launch ng livelihood program ng LGU para sa taga-Isla Verde, gusto mong sumama sa akin? Nakapunta ka na ba roon?" Napansin niya sigurong hindi na ako humihinga kaya iniba niya ang usapan.

"Minsan lang po, noong may research kami sa school tungkol sa flora at fauna na matatagpuan sa lugar na iyon."

Tumango siya. Dinampot ang mug at humigop ng kape.

"Habang tumatagal lalong sumasarap ang timpla mo sa kape ko. Baka hahanap-hanapin ko 'to kapag natapos na ang summer job mo rito."

Binobola ba niya ako?

"Sinusunod ko lang naman po kung ano'ng itinuro ni Ma'am Fretchie."

May dumating na mga bisita kasama si Engineer Irlan. Agad akong tumabi at bumalik sa aking puwesto. Binati ko pa ng tango si Engineer. Gumanti siya pero mukha na namang wala sa mood. Kunot ang mga kilay niya at medyo nakabusangot pa.

"Kape, Ace!" banayad na utos ni Mayor.

Agad akong tumalima. Naghanda ng tatlong mug at muling itinuon ang aking atensiyon sa coffee machine. Lumapit sa akin si Engineer Irlan.

"Two shots ang sa akin. Cappuccino roon sa dalawa kong kasama," sabi niya.

"Sige po. Kumusta na nga po pala ang paso mo?"

ISLA SEÑORITA : LUHA AT BARYAWhere stories live. Discover now