Chapter 1

1.6K 70 18
                                    

Katatapos lamang ng moving-up exercises namin. Nagkakasiyahan pa ang lahat sa malawak na ground ng eskwelahan. Abala ang iba sa picture taking. Samantalang ang iba ay excited sa ball mamayang gabi. Pero ako ay nagkukumahog nang umuwi. May lagnat kasi si Mama at hindi ko naman pwedeng i-asa kay lolo ang pag-aalaga sa kanya dahil pagod ito sa pagtatrabaho sa bukid.

"Saan ka pupunta, Ace? Uuwi ka na ba? Hindi ka a-attend sa ball?" tanong ng kaklase kong si Ana Rose na nagre-retouch ng make-up niya sa loob ng classroom namin.

"May sakit kasi si Mama," sagot kong isinalpak sa loob ng bag ang medals ko at ang black shoes na may takong na suot ko kanina.

Mag-isa kong tinanggap kanina ang award. Ako ang nakakuha sa gantimpala bilang with highest honor sa aming batch. Inasahan ko sana si Papa na dadalo pero hindi siya nakauwi dahil hindi pa sumahod sa construction na pinasukan niya.

"Sayang naman, Ace. Once in a lifetime lang 'to," pangguguyo pa ng kaklase ko.

"Mayroon pa naman siguro sa senior high."

"Iba naman iyon."

Ngumiti lang ako at kumaripas na palabas. Naiiwan ang tanaw ko sa maingay at masiglang ground sa ibaba ng stage. Napapangiti sa masayang tanawin ng tagumpay. Lakad-takbo ang ginawa ko pagdating ko ng kalsada. Mga isa't kalahating kilometro pa kasi ang lalakarin ko bago marating ang barangay namin.

"Ace!"

"Graciela!"

Dagli akong nahinto nang marinig ang tawag ng dalawa kong kaklaseng humahabol sa akin. Hinintay ko sila.

"Uuwi ka na? May ball pa tayo," humahangos na pahayag ni Nicolo.

"Hindi ka ba pupunta?" tanong ni Keth na naghahabol din ng hininga.

Mag-uncle silang dalawa at parehong pasok sa honor roll. Dati silang nag-aaral sa private school sa mainland pero nilipat dito dahil nasangkot sa rambol ng fraternity na muntikan na nilang ikapahamak.

Para silang kape at gatas. Mestizo at maputi si Nicolo. Moreno naman si Keth. Common denominator nila ang hakutin ang paghanga ng karamihan sa mga estudyanteng babae sa school namin.

"Hindi ako pupunta," walang ligoy kong sagot.

Saglit silang nagkatinginan.

"Dahil ba sa akin?" May guilt sa tono ni Keth. Kinukulit kasi ako nito para maging date sa ball.

"Hindi, ah!" agap kong tanggi. "May sakit kasi ang Mama ko at kailangan kong alagaan." Sinulyapan ko si Nicolo. Isa pa 'to. May pa-card pang nalalaman. Malamang hindi alam ni Keth na niyaya rin ako ni Nicolo sa ball.

Pumihit na ako paalis at wala silang nagawa kundi habulin na lang ako nang tanaw. Alam nilang pareho na hindi nila ako mapipilit. Nakatawid ako ng concrete bridge at sinapit ang bahagi ng kalsadang hindi natutuyo ang tubig kahit gaano pa kainit. May butas kasi ang tubo ng tubig na dumadaan doon.

Binagtas ko ang makipot na daan sa gilid para umiwas na mahulog sa naglalawang putik sa gitna ng daan. Bahagya akong nataranta nang matanaw ang sasakyang parating. Hindi man lang yata nagpepreno ang driver niyon. Sumabog ang tubig na tinamaan ng mga mabibigat na gulong at sinapol ako nang tilamsik.

Napasinghap ako. Sa sobrang inis ay hindi na ako nakapag-isip nang matino. Nadampot ko ang unang batong nakikita sa aking paanan at ibinalibag ng buong pwersa sa sasakyang humagibis palayo. Inabot ang back windshield at tinamaan. Natutop ko ang nakaawang na bibig.

Lagot!

Huminto ang sasakyan at bumaba ang driver. Nanlaki ang mga mata ko at daig ko pa ang asong bahag ang buntot na tumakbo. Pero hindi rin ako nakalayo. Ni hindi ako nakahanap ng pagtataguan. Hinabol ako ng sasakyan at humambalang iyon sa kalsada. Bumaba ang mga sakay. Napalunok ako. Si Mayor Yanixx Almendras at ang pamangkin niyang kasing-edad lang niya. Si Engineer Irlan Almendras. Lagot na talaga ako.

ISLA SEÑORITA : LUHA AT BARYAKde žijí příběhy. Začni objevovat