Chapter 4

638 44 14
                                    

Alas-singko pa lang ng umaga ay gising na ako. Inayos ko ang kumot ni Mama na katabi ko sa nakalatag na higaan namin sa sahig at sinalat ang kanyang noo. May sinat pa rin siya. Lumabas ako ng kuwarto at tiningnan ang tulugan ni Lolo. Wala na siya roon. Madalas, kahit madilim pa ay pumupunta na si Lolo sa bukid. Gusto kasi niyang masulit ang trabaho sa umaga bago makaakyat ang araw, lalo pa at masakit na sa balat ang init kahit alas-otso pa lang ng umaga.

Nagsaing ako at sa kabilang kalan ay nagluto ng pakbet para sa agahan. Nakahanda na iyon kagabi pa. Ini-ref ko lang. Nilabas ko rin ang natirang frozen na bisugo mula sa freezer at ibinabad sa tubig sa maliit na planggana. Pi-prituhin ko iyon para sa tanghalian nina Mama at Lolo.

Luto na ang sinaing at ang pakbet nang magising si Mama at lumabas ng silid namin. Kasalukuyan kong binubudburan ng asin ang isda habang nagpapakulo ng mantika sa kawaling nakasalang sa apoy.

"Ako na ang tatapos niyan, maligo ka na," apura niya sa akin.

"Opo," maliksi kong tango at sumaglit sa may lababo. Naghugas ako ng mga kamay.

Kinuha ko sa loob ng kuwarto ang tuwalya. Hiwalay sa kubo namin ang palikuran na may kaugnay na banyo. Pumasok ako at sinilip ang drum kung may tubig. Deep well ang source ng tubig namin. Wala na sa kalahati ang tubig sa drum. Dinampot ko ang balde at dinala sa poso. Naghakot muna ako ng tubig at pinuno ang drum.

Dapat alas-siyete ng umaga ay naroon na ako sa munisipyo. Binilisan kong maligo. Naghahain na si Mama sa hapag nang matapos ako at nagbihis na agad sa loob ng silid. Light brown na pantalon ang isinuot ko. Hindi naman iyon masikip sa akin pero masyadong hapit sa pang-upo ko pababa sa aking mga hita at binti. Tenernuhan ko ng powder blue fitting blouse.

"Ace, magbabaon ka ba ng tanghalian?" tanong ni Mama pagdulog ko sa mesa.

"Mas tipid po, Ma, kung magbaon ako." Naupo ako sa silya at nagsandok ng kanin, nilagay ko sa aking pinggan.

"Kapag sumahod ka na, bumili ka ng bagong sapatos. Luma na iyang isinuot mo, baka matanggal ang talampakan niyan at maiwan sa daan habang naglalakad ka."

Humagikgik ako dahil sa sinabi ni Mama. "Shoes glue is the key, Ma."

Tumawa rin si Mama habang nagtitimpla ng tsokolate sa dalawang tasa. Pagkatapos kong kumain ay nilagyan ko ng kanin ang lunchbox ko at pinatungan ng piniritong isda. Itinabi ko iyon sa thumbler ko at nagtoothbrush na ako.

"Ma, mag-iiwan ako ng note rito sa mesa. Huwag n'yo po kalimutang uminom ng gamot mamaya!" bilin ko kay Mama habang nagsusulat ako ng note.

"Oo na," sagot ni Mama mula sa loob ng silid.

Sinipat ko pa sa compact mirror ang mukha ko at sinuri ang laman ng bag ko para tiyaking wala akong makalimutan. Dinala ko pa rin ang credentials ko.

"Aalis na po ako, Ma!" Nagpaalam na ako kay Mama.

Lumabas siya ng kuwarto namin at pinagmano ako. "Mag-ingat ka."

Tumango ako. Hindi ko sinabi sa kanya ang aksidente kahapon. Mag-alala lang kasi siya at hindi iyon makatutulong sa mahina niyang kalusugan.

Mahamog ang paligid habang naglalakad ako patungong mainroad. Tanaw ko ang bukirin ni Lolo. Ang malawak na palayan at taniman ng Japanese sweetcorn. Sa susunod na buwan ay aanihin na iyon. Sana magiging maayos ang klima at walang bagyong darating kung hindi mapipilitan na naman kaming anihin iyon ng mas maaga kahit kulang pa sa edad 'yong mais.

May traysikel agad pagdating ko ng mainroad. Pinara ko iyon. May bakante pa sa loob ng sidecar. Konsehal ng barangay namin ang kasama kong pasahero. Si Ma'am Lota. Isa siyang retired teacher.  Mukhang mamalengke siya ng maaga. Nagpalitan kami ng ngiti.

ISLA SEÑORITA : LUHA AT BARYAWhere stories live. Discover now