Chapter 12

54.1K 1.4K 355
                                    

Matagal akong nanatili sa loob ng kwarto. Kung hindi pa ako kukulitin ni Manang Yeta na kumain na ng tanghalian ay hindi pa ako mapipilitang bumaba sa dining area. Ngunit bago iyon ay sinubukan ko munang takpan ng makeup ang matinding pamumugto ng aking mga mata pero napabuga na lang ako ng marahas na hangin nang mapagtantong kahit anong pagtago ay mahahalata pa rin ito.

“Ano ka ba namang bata ka? Hindi nyo na nga kinain ang niluto ko kagabi, hindi ka rin nag-almusal tapos ngayon hindi ka pa rin kakain?” panenermon niya habang inilalatag sa harapan ko ang napakaraming ulam.

Siya na rin ang nagsandok ng kanin at talagang pinuno pa niya ang aking pinggan. Hinawakan ko ang braso niya para pagilan.

“Manang, tama na po. Kaunti lang po ang kakainin ko. Busog pa po ako,” pagsisinungaling ko, dahilan para umingos siya at panlisikan ako ng tingin.

“Ija, paano ka mabubusog kung kagabi ka pa hindi kumakain? Hindi mo mabibilog ang ulo ko, Chantria. Anong akala mo sa ’kin, pinanganak kahapon?”

Natutop ko ang aking bibig at napalunok nang matindi sa takot. Pinandilatan niya ako ng mga mata at muling nagpatuloy sa pag-aasikaso sa akin. Hindi pa rin siya natigil sa panenermon.

“Kumain kang mabuti. Ayaw kong mapagalitan na naman ako ng asawa mo dahil nalipasan ka na naman ng gutom. Siguro’y iniisip n’on na pinapabayaan kita,” litanya niya habang nagsasalin naman ng juice sa baso.

Salubong ang kilay kong nagtaas ng tingin kay Manang Yeta, naguguluhan at nagtataka sa huling sinabi niya. “P-Po? Tumawag si Aziel sa inyo?”

Sumulyap siya saglit sa akin bago tumango. “Oo, galit na galit nga sa akin noong sinabi kong hindi ka pa lumalabas ng kwarto at hindi ka pa rin kumakain. Ang sabi pa’y huwag ko raw sasabihin sa iyo na kinumusta ka niya sa akin. . .” Tumigil siya sa pagsasalita at nakapamewang na hinarap ako. “Chantria, aminin mo nga, nag-away ba kayong mag-asawa?”

Kung alam mo lang, Manang Yeta.

Akmang ibubuka ko pa lamang ang aking bibig para sumagot nang maunahan niya ulit ako at bantaan. “Huwag na huwag mong itatanggi. Ayan pa ang namumugto mong mga mata bilang ebidensya.”

Natawa ako sa paghihisterikal niya. Tumayo ako at marahang lumapit sa kaniya. Hinawakan ko ang kaniyang parehong kamay para patigilin siya sa panenermon. Baka mamaya’y atakihin pa siya ng highblood at maging kasalanan ko pa. Kung ano ang ikinalamig ng ulo niya kahapon ay siya namang ikinainit nito ngayon.

“Manang Yeta, kumalma ka. Okay lang po kami ni Aziel.” Nagawa ko pang ngumiti nang malawak at natural sa kaniya kumbisihin siya. “Nagkaroon lang po kami ng kaunting pagtatalo at hindi pagkakasunduan. Pareho lang po kaming nagpapalamig ng ulo pero hayaan nyo po’t pag-uwi na pag-uwi ni Aziel ay mag-uusap na ulit kaming dalawa,” pangungumbisi ko pa.

“G-Gan’on ba?” Dahan-dahan siyang tumango. Naniningkit ang mga mata niya sa akin at naroon pa rin ang pagdududa. “Ang batang iyon! Hindi dapat siya umaalis nang may pagtatalo pa kayong dalawa. Dapat ayusin muna ninyo iyon. Mas mahalaga ang pagsasama nyong mag-asawa kaysa sa trabaho.” Umiling-iling siya na tila ba dismayado sa mga pinaggagawa namin sa buhay.

“Hayaan mo’t pagsasabihan ko rin iyang si Aziel. Baka mamaya’y masiyado nang abala sa trabaho at napapabayaan ka na rin. Hindi tama iyon.”

Napapikit ako nang suklayin niya ang aking buhok gamit kaniyang mga daliri. Tipid akong tumango at hindi na dinugtungan pa ang sinasabi niya.

Sa totoo lamang ay malaya naman akong sabihin kay Manang Yeta ang totoong estado ng pagsasama namin ni Aziel. Hindi na siya iba sa mga Navarro at parang anak na rin kung ituring niya ang asawa ko.

Mistreated Wife (Wretchedness #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon