Kabanata 32

111 22 0
                                    

Kabanata 32

Close your heart, open your mind.

Sabi nga nila, masakit mawalan ng taong minamahal. 'Yung tipong hindi ka na patutulugin ng ilang gabi dahil sa pagdadalamhati ng iyong durog na puso. Pero wala na raw mas sasakit pa sa mawalan ng kaibigan. Kaibigang naging katuwang mo sa lahat. Tinuring mong kapatid, kadugo... pamilya ika nga.

Lubos kang malulungkot kapag ang taong nawala sa'yo ay ang taong mahal mo pero kayang durugin ang puso mo ng pinong-pino sa oras na mawalan ka ng kaibigan.

Iyon 'yung sabi nila.

Kasi noong mga oras na nawalan na ako ng kaibigan, hindi ako nakaramdam ng konsensiya o lungkot. Para bang sa mga oras na 'to ay tinuro sa'kin ng langit ang direksiyon sa tadhana ko.

Na dapat mawala na siya para wala na ngang hahadlang sa pagmamahalan namin.

Umiiyak ako. Tumutulo ang luha ko hindi dahil sa paghihinagpis kundi dahil sa nagsasabog na kaligayahan. Ngunit hindi na niya kailangan pang malaman ang pagpapanggap ko sa nararamdamang nagsisisi sa nangyari kahit hindi naman talaga.

Ngunit magagawa mo bang sumaya kung ang taong mahal mo ay lumuluha para sa ibang tao?

"LEONORA!"

Dahan-dahan akong napapahakbang paatras sa bukana ng bangin habang si Dominador ay patuloy na nagluluksa.

Buong pag-aakala ng langit at lupa na nagluluksa ako sa pagkawala ni Leonora ngunit patuloy na nagdadalamhati ang puso ko dahil kapalit naman ng kaligayahan ko ay ang kalungkutan ng taong minamahal ko.

Mula sa dakong ito, nakikita ko ang matinding pagluha ni Dominador habang nakatitig sa malamig na katawan ni Leonora mula sa ibaba ng bangin. Sa isang hiling ay hindi man lang niya ako matapunan nang tingin.

Lumuluhod siya sa harap ng langit habang nagsusumigaw sa pangalan ng isang dalaga. Habang kumukulog ang kalangitan at mabibili ang bawat patak ng ulan ay may tatlong pusong sawi sa matinding hidwaan.

Magagawa ko bang sumaya? May karapatan ba akong lumigaya kung sa bawat pag-angat ng labi ko ay siyang pagbaha ng luha sa mukha niya.

"ROSA!" tinig iyon mula sa likod ko.

"Ama," wala sa sariling untag ko.

Napaliligiran si ama ng kaniyang mga tauhan, kasama na roon ang isang lalaking muntik pa akong masumpungan... o talagang nakita niya nga ako?

Sinasabi ko na nga ba.

Unti-unting napapalingon si Dominador sa dako namin habang pugto pa rin ang mapupungay niyang mata. Sa pagkakataong iyon ay tuluyan ko na siyang hindi nakilala dahil nilunod na siya ng pagmamahal kay Leonora. Nang titigan niya ako ay tuluyan na akong nawalan ng puwang sa puso niya.

Palipat-lipat ang tingin ko kay ama at kay Dominador. Nangangapa ako sa magiging hakbang nila. Nakakapaso ang bawat talim na titig ni ama sa'kin at parang sa mga pagkakataong iyon ay magagawa niya akong paslangin bagay na hindi niya sana gawin.

"Pagbabayaran mo'to," mariing giit ni Dominador. Sa bawat pintig ay may namumuong poot at galit.

Nang marinig ko iyon ay tuluyang nagbagsakan ang mga luha ko sa halo-halong pait at sakit na nadarama. Naghalo na rin ang lamig ng patak ng ulan sa init ng likidong bumabadya mula sa mga mata ko. Halos maikunot ko na ang mukha ko sa pisikal na sakit ng dibdib ko.

"A-ano'ng sinabi mo---"

"Rosa, bakit?" putol niya sa sasabihin ko.

Umugong ang katahimikan. Maging si ama ay natutop at hindi magawang makapagsalita. Lahat kami ay nakaantabay sa pagbuka ng labi niya at kasunod na panang tatarak sa dibdib ko.

Her Karmic FateWhere stories live. Discover now