Kabanata 17

160 48 1
                                    

Kabanata 17

Pagtitipon

Pilipinas, 1893

Nasa harapan ko ngayon ang repleksiyon ng binatang nagpapagulo sa isip ko.

Sa pamamagitan ng uling na pinatalim ay ginuhit ko siya sa aking talaguhitan.

Bawat sulok ay detalyado, para bang kabisadong-kabisado ko ang bawat bahagi ng mukha niya't memoryado. Mula sa magkabilaang panga niyang tumitiim hanggang sa mga itim niyang mukhang nakakaakit. Sa makapal na kilay niyang laging nakakunot pababa sa ilong niyang matangos; animo'y isang banyaga. Sa malalalim niyang biloy na sa kaunting paggalaw pa lang ng labi. Sa pantay niya't mapuputing ngipin na kahit sino ay mahahawa sa ngiting iyon.

Isa siyang perpektong nilalang na inukit ng mahusay na iskulptor. Binigyang-pansin ng mahabang panahon ang nililok na binata.

Ako'y napangiti sa ngiting iginawad nang iginuhit kong mukha ng misteryosong binata. Hinaplos ko ang pisngi niya na para bang nasa harapan ko siya, dito ko lang naman iyon magagawa dahil tiyak na sa tuwing nagkikita kami ay natutuliro ang isip ko kapag magkaharap na kami.

Ilang sandali pa ay nakarinig ako ng tatlong katok mula sa pinto ng silid ko. Agad kong tinaob ang ginuhit ko sa isiping may makakita no'n ay pamumulahan talaga ako sa pisngi.

"Ikaw pala, ina," bungad ko sa pagpasok niya.

Unang sumilay ang ulo niya at saka pumasok nang tuluyan. Mahal na mahal ko ang ina ko subalit may mga pagkakataon talaga na nagtatanim ako ng sama ng loob sa kaniya sapagka't palaging nakukuha ni ama ang desisyon niya. Kaya kapag nag-aaway kami ni ama, sa kaniya siya kumakampi--- tama man o mali.

Hindi naman sa lahat ng oras ay tama mangaral ang mga magulang. Minsan, sa sobrang pagmamahal at pag-aalala nila sa'tin ay hindi na nagiging maganda ang resulta nang ipinapakita nila. Nakakasakal, nawawalan ng laya at kahit gusto mong ibigay ang iyong opinyon ay mas pinapanigan nila ang gusto nilang mangyari dahil nabulag sila ng sobrang pagmamahal na nagiging sarado na ang isip nila. Para bang pinuputulan ka na nila ng pakpak.

Mabuti ang intensyon, pero hindi maganda ang proseso at diyan ako lumaki.

"Anak, nariyan na ang mga Corpuz. Halika na sa baba," sapo-sapo niya ang likod ko.

Nagpintig ang tenga ko ngunit nanatili akong kalmado. Nararamdaman ko na naman ang pagkulo ng dugo at matinding kaba sa dibdib ko. Nariyan na naman sila sa baba at batid kong pag-uusapan na naman nila ang tungkol sa kasal.

"Rosa, kung maaari sana'y maging malumanay ka sa harap ng pamilya nila. Ayaw ko na maulit pa ang naging sagutan ninyo ng ama mo. Wala akong magawa pero nasasaktan akong nakikita kayong nag-aalitan, anak."

Huminga akong malalim upang panatilihing kontrolado ang sarili. Tumango ako at pinangunahan na ang pagbaba sa hagdanan.

Naratnan ko sa baba ang pamilya Corpuz sa sala naka-upo. Ngayon ay hindi na silang dalawa lamang kundi kasama na nila ang...

Hindi maaari. Siya ba ang pakakasalan ko?!

"Ayos ka lang ba?" ani ina.

Napa-estatwa ako ng ilang segundo sa kinatatayuan ko kaya't nagtaka na si ina. Sinara ko ang buka kong bibig at pinagpatuloy ang pagbaba sa hagdan.

"Magandang tanghali ho, Don at Doña Corpuz," pagbati ko sa kanila nang makalapit ako. Pinakatitigan ko ang binatang katabi nila. "At sa'yo, ginoo."

Nagtama ang mga mata namin sumandali. Parang may nabago sa mga titig niya sa'kin. Sa tuwing nagkikita kami ay kusang ngumingiti ang mga mata niya kasabay nang pagningning nito ngunit ngayon, ang nakikita ko ay isang pundidong kulisap na matamlay. Para bang hindi niya ako kilala.

Her Karmic FateWhere stories live. Discover now