Kabanata 45

9.6K 215 19
                                    

Kabanata 45, Don't Tell

Kapag alam mong hindi maibabalik ang nararamdaman mo, itinatago natin ito dahil para sa atin ay sapat na ang tamang silay. Tamang tingin mula sa malayo, tamang pantasya na mayroon kayong tsansa.

Minsan naman ay makukulangan tayo roon. Hindi sapat ang tingin, hindi sapat ang imahinasyon mong magkasama kayo, kaya minsan gumagawa tayo ng paraan.

Kapag nasa pelikula ka o kapag nasa libro, alam mo kung ano ang mangyayari. Magkakabanggaan, mahuhulog ang libro, magkakatinginan kayo. Doon magsisimula ang lahat. Ang umpisa ng kasiyahan ng dalawang bida.

Pero alam nating wala tayo roon. Walang magsasabi kung kailan papasok ang ulan, walang magsasabi kung dapat ka bang tumingin sa kanan o sa kaliwa. Umaktong masaya o malungkot— at iyon ang nakakatakot. Wala tayong alam.

Wala tayong ideya kung ang lalaki bang nakasalamuha natin sa jeep, nakasabay natin sa elevator, nakatabi natin sa opisina, kaklase noong highschool, na ba ang makakatuluyan natin.

Kaya tayo tumataya. Kaya tayo nagtitiwala, nagbibigay ng tsansa— na baka nga sila na.

Kailangan nating gumalaw. Dahil kung hindi'y walang mangyayari.

Pero ang iba'y natatakot... Paano kung mali? Paano kung hindi sila? Paano kung masaktan tayo? Mapahiya?

Hindi.

Doon papasok ang ideyang natuto ka. Nalaman mo kung ano ang dapat gawin. Alam mong may bitbit kang aral pag hindi man nagtagumpay ang iyong aksyon. Alam mong sa susunod mas iingatan mo na ang darating sa iyo, at kung wala man at nanatiling ang taong iyon—

Siguro'y dapat lang na pagtuonan mo ng pansin ang iyong sarili. Magbigay ka ng oras upang maging masaya. Mag-isip na kaya mong magpatuloy kahit hindi na siya.

Kahit wala na. Kahit hindi na maibabalik. Parang ako.

"Mamaya pa siya pwedeng bisitahin sa ICU." Ani Cyprian kinabukasan.

Nakaupo kami sa nakaraan naming pwinestuhan.

Tapos na kaming kumain ng umagahan at wala akong maayos na tulog gawa ng pag-aalala.

"Bawal din ang maramihan, dalawahan o isahan lang." Segunda niya.

Tumango ako. Bahagyang nanlalamig ang aking sikmura sa ideyang pagkatapos noon ay aalis na ako.

Wala akong pinagsabihan. Hindi ko sinabi kay Cyprian na aalis ako. Sa akin lang. Hindi naman nila kailangan pang malaman.

"Saglit lang." Paalam niya ilang sandali. Hawak niya ang kanyang cellphone. "May pupuntahan lang ako."

Tumango ako at hinayaan siyang tumayo. Nagmamadali itong naglakad at naiwan ako muling mag-isa.

Binagsak ko ang aking tingin sa sahig habang pilit na iwinawaglit ang kirot sa aking buong katawan.

Parang kada-hakbang ko'y kay bigat. Wala na rin ako halos ganang kumain, at parang hindi ko na kaya pang matulog nang matiwasay.

Gusto ko na lamang mamahinga. Ayaw ko nang makihalubilo pa.

"Ivana?" Marahang umangat ang aking paningin ng may tumawag sa aking pangalan.

"Ivana right?" Tanong ng babaeng nakasuot ng blue na dress kung saan kita ang hiwa ng kanyang dibdib.

May suot itong kwintas at may ilang dalawang lalaking naka-suit sa kanyang likod.

Agad ko itong nakilala. Iyong bagong asawa ng kanilang ama. Hindi ko alam ang kanyang pangalan...

Pleasure Of Destruction | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon