Kabanata 2

20.6K 513 138
                                    

Kabanata 2, Utang

Dalawang oras pagkatapos umalis noong lalaki. Ala una na. Hindi ko man lang nakuha ang kanyang pangalan... pero maayos na rin iyon. Hindi na rin naman kami magkikita pa ulit.

Pinahinga ko ang aking sarili bago napagpasiyahang tumayo. Dahan-dahan lamang ang aking kilos para hindi na muling dumugo ang aking sugat.

Dumiretso ako sa kanyang cabinet at kumuha roon ng damit. Isa iyong jersey na kulay dilaw. Sa baba ng kanyang mga nakasampay na damit ay namataan ko ang aking bra at panty.

Sumabog muli ang aking pisngi at agad iyong kinuha. Sinuot ko ang aking bra bago hinubad ang boxers at sinuot ang aking pang-ibaba. Pagkatapos ay bumaling na ako sa jersey na may nakalagay na 'Star Margarine'.

Siguro'y pinagawa niya lamang ito sa tabi-tabi. Walang pagdadalawang isip ko iyon sinuot kahit hirap akong kumilos.

Panay ang aking untag tuwing kumikirot ang aking balikat. Nagpahinga ako nang ilang segundo hanggang sa bahagyang mawala ang sakit.

Kumuha rin ako ng isa pang shorts bago iyon isinuot. Dahil masyadong mahaba ang jersey niya'y natakpan iyon kaya nagmukha akong walang salawal.

Pagkatapos ay pumunta ako sa banyo para labhan ang shorts na ginamit ko kanina. Tanging Safeguard lamang ang naroon kaya iyon ang aking ginamit.

Sandali lamang iyon at agad ko ring binanlawan. Pagkatapos ay tahimik akong dumiretso sa tinapay na binigay niya kanina. Kumuha ako ng dalawa bago bumuntong hininga. Hindi ko naman pwedeng dalhin iyon lahat dahil baka kailanganin niya rin ito.

Kinagatan ko ang tinapay bago tinahak ang daan ng pinto. Sinalubong ako nang matinding init ng araw. Pinaliit ko ang aking mga mata bago sinarado ang pinto.

Ilang hakbang pa lamang ang aking nagagawa'y ramdam ko nang muling sumakit ang aking sugat!

Mabilis akong napatigil at tahimik iyong ininda. Hindi ako pwedeng bumalik! Hindi ko naman iniisip kung ano ang mangyayari sa akin. Pero sa tingin ko'y sobra-sobra na ang ginawa noong lalaking iyon. Mas mahihirapan lamang siyang gumalaw-galaw kung naroon ako.

Dahil sa ideyang iyon, nabuhayan ang aking loob para muling tumakas.

Nagsimula akong muling maglakad hanggang sa may dalawang lalaking sumalubong sa aking gawi.

Mga wala itong pang-itaas at mga moreno. "Bago ka rito miss ganda?" Ngisi ng lalaking naka-cap. Hindi ito sobrang ka-gwapuhan at kung tutuusin ay mukha siyang parating gagawa ng gulo.

Agad akong napaatras at akmang lilihis ng daan pero sumingit naman ang isa niya pang kasama.

"Ang ganda mo naman, tara! Sama ka sa amin." Ani lalaking semi-kalbo at mabilis akong umiling.

"Tignan mo 'to, Ron." Ani lalaking pumwesto pala sa aking likod. Bumaling iyong Ron sa kanya at lumapit sa kasama.

Mabilis naman akong umiwas at paatras na naglakad pero marahas na hinuli noong lalaking nagsalita ang aking braso at walang pakundangan akong pinihit para mapatalikod!

Matinding sakit ang naramdaman ko sa aking balikat sanhi para mapaigtad ako. Nabitawan ko rin ang dalawang tinapay at agad akong nanlumo!

Pleasure Of Destruction | R-18Where stories live. Discover now