49. CHAINS

906 102 47
                                    

TAISSA

Sobrang sakit ng ulo ko. Ang pakiramdam ko ay umiikot ang paligid. Matigas ang bagay na nilalapatan ng mukha ko. Ramdam ng balat ko ang lamig ng sahig na hinihigaan ko. Madilim ang paligid kaya unti-unti kong iminulat ang aking mga mata. Pagkamulat ko ay ganoon pa din ang nakikita ko. Muli kong ipinikit ito pagkatapos ay iminulat din kaagad. Ganoon pa din. Madilim pa din.

Wala talaga akong makita kaya natataranta na ako. Dumadagdag pa sa kaba ko ang masangsang na amoy ng paligid. Parang may kung anong nabulok.

Habang kung anu-ano ang pumapasok sa isip ko ay isa-isang bumabalik ang mga pangyayaring naranasan ko. Ang Monster Party. Ang pag-uwi namin sa bahay ni Shaina. Ang paghabol ng magnanakaw sa akin. At ang matigas na bagay na tumama sa ulo ko.

"Shaina." bulong ko sabay bangon mula sa pagkakahiga ko.

Napaaray ako habang tumatayo. Kinapa ko ang likod ng ulo ko na kanina pa kumikirot. Natuyo na ang dugong lumabas dito.

"Shaina?" inulit ko ang pagtawag sa pangalan ng kaibigan ko.

"Emery?" naglakad ako.

Habang lumalakad at kinakapa ang kadiliman ay may nabunggo ang paa ko kaya natalisod ako. Kinapa ko ang bahagi ng sahig kung saan nakapwesto ang natalisudan ko. Pagkakapa ko ay may nahawakan akong basa sa sahig. Inilapit ko ang kamay ko sa ilong ko at inamoy ito. Malangsa ang amoy nito. Sigurado akong dugo ito. Napaurong ako dahil sa isang realisasyon. Natalisod ako sa isang katawan ng tao. Bangkay ng tao.

Umurong ako palayo sa kinaroroonan ng bangkay. Habang lumalayo ako ay may malamig na kamay na humawak na humawak sa aking braso. Lumayo kaagad ako dito. Matinding kaba ang nadarama ko sa mga oras na ito dahil sa katotohanang dito sa lugar na ito ako lalagutan ng hininga. Napawi ang kaba ko nang may nagsalitang pamilyar na boses.

"Tais? Ikaw ba yan?" boses ito ni Shaina.

Laking pasasalamat ko sa Panginoon nang marinig ang boses niya. Ang kaibigan ko.

"Oo ako ito! Sha nasaan ka?" sabik na wika ko habang kinakapa ang kadiliman.

"Nandito ako. Sundan mo lang ang boses ko." sabi niya kaya iyon ang ginawa ko.

Sinundan ko lang ang boses niya hanggang sa mahawakan ko ang mga kamay niya. Agad ko siyang niyakap ng mahigpit.

"Okay ka lang ba?" tanong ko habang tumutulo ang aking luha.

"Okay lang ako. Ikaw?" tugon niya.

"Medyo masakit lang ang ulo ko." wika ko.

Kinapa ko ang mukha niya. Umiiyak din siya dahil nabasa niya ng kaniyang luha ang kamay ko.

"Huwag ka ng umiyak, makakaalis tayo dito." sabi ko habang inililibot ang aking paningin. Naghahanap ako ng pwedeng maging lagusan.

"Nag-aalala lang ako kay Emery Tais." mahinang sabi ni Shaina.

"Si Emery?" pagkabigla ko.

"Oo, andito siya." sabi niya.

Inalalayan niya ako patungo sa kinalalagyan ni Emery. Nakaupo siya at nakasandal ang katawan nito sa may dingding.

GROWLING HEARTSWhere stories live. Discover now