Siguro nga baka sa kabilang dimensyon ay mayroong ganoong klase ng kapayapaan... Sana.

Nakagigimbal na hangin ang sumalubong sa umaga namin ni Grey.

Hindi ko mawari na tila ba'y sa tuwing humahalimuyak ang mga damdamin naming dalawa ay siyang pilit na dinudungisan ng kapalaran ang mahalimuyak na bulaklak na yakap at pinararating na tutol sila sa pagmamahalan naming dalawa. Ang pagibig ay hindi nararapat, iyan ang parang ipinamumukha sa amin kaya hindi pwedeng magsaya.

Ang buong katawan ng nobyo ko na nakayakap sa akin ay nanginginig at tumatangis na parang bata. Hinigpitan ko ang yakap sakanya para aluhin siya. Nadudurog ako sa bawat paghagulgol niya.

Hindi maaari ito. Masyado pang maaga. Maraming bumabagabag sa isipan ko ngayon at halu-halo ang emosyong nag-uunahan. Maging ako ay hindi makapaniwala.

Tuluyan nang umagos ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Ang sakit na nakadikit sa puso ko ay walang-wala sa kung anong sakit ang maaaring maidulot sa mga magulang at sa mga taong nagmamahal sa kandilang naparam.

Humigpit ang pagkapit ni Grey sa katawan ko na para bang nauubusan na siya ng lakas at kailangan niya ng matibay na sandalan. Pinatatag ko ang loob ko at pinilit na hindi panghinaan sa harap ng mahal ko.

Ngunit hindi ko mapigilang  damayan si Grey sa pag-iyak na mapagtantong ang binabalak kong kausapin at kamustahin ang lalaki ay hindi na kailanman mangyayari pa. Hindi ko na makakausap ang mabuting puso ni Peter. Naligaw man siya ng landas sa maikling panahon pero ang kabaitan niya ay hindi maikakaila.

Ngayon ko naintindihan kung bakit nilunod niya ang sarili sa mga bisyo. Tinuon ang atensyon sa ibang bagay upang pansamantalang takasan ang mapait niyang reyalidad na araw-gabi siyang sinasakal.

Ang masayahing estudyante noon ay may ikinukubli palang pait sa loob. Dinadaan sa kalokohan ang mga sakit na hindi maibahagi. Tinapalan ang basag na dibdib sa mga ngiti't halakhak. Sinubukang hanapin ang kalinga na hindi matagpuan sa tunay na pamilya.

Hindi ako makapaniwala na wala na siya. Wala na nga ang mabuting lalaki na may mala-anghel na boses.

Sa bawat pag-tangis ni Grey ay siyang pag-alala ko noong mga panahong nakakasama ko ang nobyo ng kaibigan kong si Yhana. Hindi man malalim ang pinagsamahan namin pero sapat na sa akin na naramdaman ko kung gaano kabusilak ang pagmamahal niya kay Yhana.

Nahusgahan ko man siya dahil nalulong siya sa bisyo pero ngayon alam ko na ang lugar ko. Alam ko na ang lugar ko. Wala akong karapatang gumawa ng sariling konklusyon dahil hindi ko nadama ang tunay na hinagpis niya... Kung bakit pinili niyang tapusin na ang sariling liwanag ng kandila.

Hinihiling ko na sana kung nasaan man siya ay maaari pa siyang kumanta ng marikit kagaya ng pagpakawala niya ng mga malalamyos na melodiya noong nasa lanai kami.

Sana patuloy siyang lumikha ng musika na may kapayapaan sa puso...

Hanggang sa paglalim ng gabi ay hindi ako nilubayan ng mga bumabagabag sa utak ko. Para na akong matutuliro sa pag-iisip.

Dumagdag pa ang mga salitang binitawan ni Grey kanina bago siya sinundo nila tita.

"Kasalanan ko..."

"I did my best to make him feel that he was not alone."

"Wala akong kwentang kaibigan."

"Jess, Peter is gone now."

"Why Peter? I told you I'm here for you!"

"I'm sorry,  Peter."

"I was not there, I'm so sorry."

Tuluyan akong lumuha ng ilog ng umalingawngaw ang mga hinagpis na pangungusap ni Grey sa utak ko. Sirang plaka na paulit-ulit ang pag-ikot sa isipan ko ang mga litanya ng nobyo ko na puno ng kadiliman ang tinig.

Sinisisi niya ang kaniyang sarili... pero sa palagay ko, ako dapat ang sisihin.

Napahagulgol ako sa sakit ng dibdib. Niyakap ko ang mga tuhod at sinubsob ang basa kong mukha doon. Marahas kong sinandal ang likod sa headboard ng higaan ko.

"I-im so-so sorry." Paghingi ko ng paumanhin sa hangin.

Kasalanan ko ba? Kung sinagot ko siguro ang mga tawag ni Grey ng gabing iyon... sana hindi niya iniwanan si Peter na mag-isa.

Sana hindi naramdaman ni Peter na mag-isa lang siya. Kung sana lang nanatili si Grey upang damayan si Peter sa pinagdaraanan. Kung sinagot ko lang sana ang mga text at tawag niya hindi na siya pumarito para iwan ang kaibigan niya sa gitna ng dilim.

Mas hinigpitan ko ang yakap sa mga tuhod habang nakasubsob at ilog na dumadaloy ang mga luha sa mga mata kong puno ng pagsisisi.

Buhay pa kaya siya ngayon kung sana lang ay pinaalam kong tumatawag si Peter ng gabing iyon. Naging makasarili ba ako at hindi ko man lang inisip na baka kailangan na kailangan ni Peter ng karamay ng mga oras na iyon.

Iba siguro ang takbo ng kapalaran niya kung sinagot ko ang tawag niya.

Hindi sana siya sumuko ng maaga kung hindi lang ako naging makasarili.

Sa bawat pagdaloy ng malakas na agos ng luha ay siyang panunumbat ko sa sarili.

Kinaumagahan ay para parin akong pinagsakluban ng langit at lupa. Nakatulog ako sa labis na pag-iyak kaya parang mabibiyak ang ulo pagkagising ko kanina.

Bumaba ako ng bahay na hinang-hina. Naabutan ko ang malawak na bahay na balot ng katahimikan. Sanay naman ako sa ganito pero bakit parang iba ngayon.

Ang mga bulaklak sa flower vase ay natuyot na. Wala ng buhay ang mga iyon at unti-unti nang naglagas.

Nalungkot ako ng damputin ang mga bulaklak at itinapon ko na iyon para tanggalin na ang tubig sa flower vase. Saglit ko lang iyong hinugasan at itinabi na muna ang vase sapagkat wala naman akong bagong bulaklak na mailalagay doon.

Binuksan ko ang pinto at bahagyang sumilip sa labas. Dumaplis ang mata ko sa isang puwesto na naging paborito ko dahil noon ay may paper bag lagi sa parte na iyon. Pero ngayon wala na.

Blanko at tahimik na.

Bukod sa mga mensahe na galing kay Mommy at Dad na kinakamusta ang lagay ko ay wala ng ibang nagpadala sa akin ng mensahe maliban sa mga group chat na may kaugnayan sa pag-aaral ko.

Nalupyak ang pisngi ko na parang wala man lang sa akin ang nakakaalala.

Iwinasiwas ko ang mga pag-iisip. Ipinikit ko ang mga mata at hiniling na sa muli kong pagmulat ay makalimutan ko na ang mga pangamba.

***

Follow/Vote

Hindi kailanman masama ang humingi ng tulong sa iba lalo na sa mga mahal natin sa buhay.

Talk to someone.

Seek to professionals.

Seek guidance.

And pray to God.

Magiging maayos ang lahat, kapit lang ah!! :)

The Parallel Red StringsWhere stories live. Discover now