CHAPTER 29

47 8 24
                                        

WARNING: sensitive theme

JESS

Isang kandila ang hindi mauubos, hindi matutunaw. Dapat bang maging masaya? Hindi. Dapat bang ipagdiwang dahil ang kandilang ito ay mananatiling buo at hindi na mauupos? Hindi.

Sabi nila dapat araw-araw tayong handa. Ngunit parang napaka-imposible naman na paghandaan iyon kung sa pang araw-araw pa lang ng buhay binabalot na tayo ng maraming problema't mga hamon na minsan hindi natin alam kung kaya pa nating malutasan ang mga pasan.

Kung sa pagsikat pa lang ng araw gusto mo na itong mapuksa para takasan ang masakit na reyalidad. Paano magiging handa kung sa bawat pagbangon ay para na tayong kinikitil.

Ganito ba talaga ang takbo ng buhay? Hindi ba pwedeng maging masaya nalang? Hindi ba pwedeng manatili nalang. Baka pwede namang manatili na walang pait dahil kung mananatili lang naman na puro sakit, mas pipiliin ng iba na huwag nalang sigurong mamalagi sa nakakapagod na lupa. Kaya siguro may iba na umaalis na, umaalis na buo na ang desisyon na takasan ang malupit na tahanan.

Totoo kaya na ang buhay ay regalo ng Poong Maykapal? Kung gayon bakit parang sa bawat paglangoy sa dagat ng buhay unti-unting nagiging suhol sa kapalaran ang tinatawag na regalo. Suhol na kailangan mong itaya para abutin ang tuktok ng tagumpay pero ang kapalit nito'y sakit na minsa'y walang humpay.

Tinuruan tayo ng mga magulang, guro at nakakatanda sa atin na kailangang magsumikap upang may magandang hinaharap ang naghihintay sa atin. Tinuruang magsunog ng kilay para may marating sa buhay. Datapwat tila wala man lang nagpaalala kung paano magpahinga kapag mabigat na. Walang naglakas loob magpayo na kailangan rin nating ipakita kapag nahihirapan na. Iparamdam sa iba na napapagod na. Magpaakay sa iba kapag hindi na kaya. Na dapat huwag ikahiya kapag gusto mo ng sumuko at kailangang abutin ang ibang kamay para sa kahit kapiranggot na tulong... para makahinga kapag nalulunod na sa mapoot na mundo.

Akala kasi ng iba na kapag sumusuko ay nag-iinarte lang. Kapag nahihirapan ay parang nagrereklamo agad. Na kapag hindi nila napansin ang mga pagsasakripisyo mo ay matatawag ka pang walang utang na loob.

Na para bang kapag pinarurusahan mo ang sarili ay doon lang nila masasabing determinado ka sa buhay. Kailangan duguan ka para ipamukha sakanila na pinag-iigihan mo na makamit ang mga kinang sa buhay. Kailangang isantabi ang mga kasiyahan para lang malaman nila na seryoso ka...

Ang pagkawasak ba ng ating mga sarili ay ang pagkabuo ng magandang imahe ng sariling bersiyon sa isipan ng mga taong nakapaligid at nagmamasid sa mga kilos natin?

Hindi nakapagtataka na kinasanayan na natin ito.

Sa bawat nanunubig na mga mata ay pilit na tinutuyo upang hindi mabanaag ng iba.

Nanginginig na mga kamay sa pagod ay pipigain hanggang sa mamanhid. Pagkawasak ng damdamin ay hindi isasalamin sa mga matang hindi kayang magsinungaling.

Na sa bawat pagkamusta sa atin ng mga mahal natin sa buhay, kahit pa nais  sabihin ang tunay na bigat ay pipiliing sarilinin ang pasan.

Titiisin hanggang sa hindi na makayanan...

Ikukubli sa mapagkunwaring ngiti at halakhak para lunurin ang sariling pasan... kahit pansamantala.

At isang kandila nga ang tuluyang namaalam ang liwanag...

Ang pinakahuling usok ng kandila ay tuluyang kumawala sa mabagsik na mundo sa pag-asang baka sakaling sa kabilang dimensyon ay mahanap ang kapayapaan.

Mahanap ang sayang walang kapalit na kasukmalan na ka'y hirap salisihin sa malupit na kalupaan. Kapayapaang hindi madaling makamit dito...

The Parallel Red StringsWhere stories live. Discover now