LIII

61 17 14
                                    

AYUDISHIRA

Ang nakakasilaw na liwanag ng araw na nagmumula sa malawak na kalawakan, na may ilang panandaliang mga ulap sa walang katapusang asul na kalangitan, ay nagbibigay init sa aking balingkitang katawan. Ngayong araw, napakaganda ng panahon, at kitang-kita ang matayog na paaralan ng Akademya de Minika sa 'di kalayuan.

Pagkalabas namin ng Haeream Silvam, dito kami dumeretso sa loob ng Amphitheatrum Flavium. Ang Amphitheatrum Flavium ay hugis oblong na istadyum, na may haba na limangdaang metro, may lapad na dalawang daang metro, at may taas na isangdaang metro. Ito'y humawak ng limampung libong manonood.

Ngayon ay nandito kami nakatayo kasama ang lahat ng mga kaklase ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin namin dito o bakit kami nandito, pero pakiramdam ko may hindi magandang mangyayari.

"Makinig ang lahat! Ngayon ay nandito tayo sa makasaysayang Amphitheatrum Flavium upang subukin ang lahat ng inyong natutunang kaalaman ukol sa pakikiglaban at ang pisikal niyong pangangatawan. Kaya maghanda ang lahat para sa Huling Pagsubok."

Pagkatapos magsalita ni Guro Sari, biglang nagtaas ng kamay si Simon na may seryosong ekspresyon sa kanyang mukha. Lahat ng atensyon ay napunta sa kanya 'di dahil sa pagtaas nito ng kamay, kung hindi sa seryoso nitong ekspresyon. Sumenyas ang guro na maaari na siyang magtanong.

"Diba sinabi niyo dati na kapag umabot kami ng anim na buwan ng pagpapalakas ng katawan, doon mo ipagagawa sa amin ang huling pagsubok at kung sino ang makapasa sa huling pagsubok siya lang ang makakatapak sa ikalawang baitang o Secondo Anno. Pero ngayon ay dalawang buwan pa lang ang lumipas, ibig sabihin ay hindi pa kami maaaring sumabak sa huling pagsubok."

Tumango-tango ito pagkatapos pakinggan ang sinabi ni Simon. Ngumiti siya bago nagsalita, "tama ang sinabi mo, Simon. Dalawang buwan pa lang ang lumipas, at dapat ay umabot muna kayo ng anim na buwan bago kayo sumabak sa huling pagsubok. Kung natatandaan niyo ay umabot tayo ng isang araw sa loob ng Haeream Silvam, at ang isang araw na iyon ay may malaking papel sa ating huling pagsubok."

Sabay kaming tumango sa tinuran ni Guro Sari. Tama. Isang araw ang ginugol namin sa loob ng Haeream Silvam, pero may koneksyon ba ito sa huli naming pagsubok at kung bakit ito napaaga ng apat na buwan?!

"Alam niyo rin na mahiwaga ang gubat na iyon?" muli kaming tumango sa tanong nito bilang pagsagot ng oo. "Alam niyo ba na iba ang takbo ng oras sa loob ng gubat ng Haeream Silvam, ibig sabihin ang isang araw sa loob ng Haeream Silvam ay katumbas ng apat na buwan sa totoong mundo."

Hindi ko napigilan ang sarili na mapasinghap sa gulat. Napaawang ang aking labi at bahagyang nanlaki ang mga mata. Hindi ko inasahan na iyon ang sasabihin ng aming guro. Gulat ang tanging makikitang ekspresyon sa aking mukha. Karamihan sa amin ay hindi makapaniwala sa narinig katulad ko, ang iba naman ay parang inasahan na ganun ang kanyang sasabihin, katulad ni Hayanaré na tahimik na nakikinig sa tabi ko kasama si Busa.

Ang isang araw ay katumbas ng apat na buwan?! Hindi kapani-paniwala! Parang ayaw kong paniwalaan ang sinabi ni Guro Sari, pero may bahagi sa loob ko na nagsasabi na paniwalaan ang kanyang sinabi.

Bakit hindi ko naisip na posibli ang pangyayaring iyon? Marahil naging okupado isip ko sa paghahanap ng mga watawat. Ang takbo ng oras sa loob ng gubat ay iba sa takbo ng oras sa labas. Mahirap isipin na ang Haeream Silvam ay may kakayahang sumalungat sa likas na daloy ng oras. Ang astig! Totoong mahiwaga ang taglay na ganda ng Haeream Silvam.

Maiging pinagmasdan ni Guro Sari ang bawat isa sa amin na tila nasisiyahan siya sa nakikita. Sa ekspresyon ng mukha niya, marahil ay inasahan na niyang ganito ang aming magiging reaksyon. Nakakagulat pa rin talaga ang sinabi ni Guro sa amin, pero ang tanong na bumabagabag sa isipan ko ay ano ang magiging huling pagsubok?

ENCHORODIANWhere stories live. Discover now