XXXIX

75 22 7
                                    

KABANATA XXXIX: ZERENA AT HAYABUSA

(TRIVIA: Centrifugal Force (puwersang sentrifugal) is an apparent force that is felt by an object moving in a curved path that acts outwardly away from the center of rotation.
s: Merriam-Webster)

***

TAGAPAGSALAYSAY

Naging mainit ang atmospera dahil sa nabubuong tensyon mula sa magkabilang panig. Matalim na tinitigan ni Hayabusa at Zerena ang diablong nakatayo sa kanilang harapan, habang kalmado namang tinignan ni Zeron ang laban na malapit ng maganap. Maya-maya pa'y napangisi siya nang mapansin ang biglaang pagkawala ni Zerena.

'Nag-umpisa na ang totoong laban', nakangiting wika ni Zeron sa kanyang isipan at tahimik na lumapit sa walang malay na si Shira.

Biglang lumitaw si Zerena sa harapan ng diablo at agad niya itong inatake. Walang kahirap-hirap na naiwasan ni Azazel ang ataking ginawa ni Zerena kahit malaki at mabigat ang katawan nito. Ngunit ang hindi nito alam, kanina pa inasahan ni Hayabusa ang pag-ilag na gagawin niya, kaya pinakinabangan nito ang pag-ilag ni Azazel upang sekreto itong atakihin ng hindi nito napapansin.

Kahit hindi nakita ni Azazel ang papalapit na si Hayabusa, pero agad naman nitong naramdaman ang presensya ni Hayabusa sa kanyang likuran, kaya agad niyang iniwasan ang kamao nito na direkta sanang tatama sa kanyang mukha. Mabilis niyang iniwasan ang ataki ni Hayabusa, pero hindi niya nakita ang pagtalon ni Zerena sa ere patungo sa kinaroroonan niya. Maliksing pinaikot nito ang katawan sa ere at kumuha ng buwelo upang bigyan ng malakas na sipa si Azazel subalit nasalag naman nito.

Dahil sa puwersang sentrifugal, ang puwersa na natuon sa kanyang paa nung pinaikot niya ang katawan sa ere ay nakadagdag sa bigat at lakas ng kanyang sipa, kaya malakas na nahulog si Azazel pababa na naging dahilan ng pagkabiyak ng sahig. Ngunit tila hindi ito nasaktan sa ataking iyon. Pero nang sinubukan nitong tumayo ay nagulat siya ng hindi nito maigalaw ang katawan. Agad niyang ipinaling ang tingin sa kanyang mga paa at nakitang nakapulupot rito ang kadena na gawa sa tubig. Sinubukan nitong kumawala subalit bawat galaw na ginagawa niya ay unti-unti siyang nanghihina at nauubusan ng lakas.

Maya-maya pa ay napansin ni Azazel ang papalapit na atake ni Hayabusa sa kanya. Gusto man niyang umilag pero hindi siya makaalis sa kanyang kinaroroonan. Direktang tumama ang ataki ni Hayabusa sa kanyang sikmura na agad naman nitong kinadaing sa sakit na naramdaman.

Pagkaraan ng ilang segundo, mataas na tumalon si Zerena na ipinagtaka ni Azazel. Bigla siyang nakakita ng nakakasilaw na liwanag mula sa kung saan tumalon si Zerena. Napaso ang katawan ni Azazel nang deretsong tumama sa kanya ang liwanag na agad nitong kinadaing sa sakit. Malakas ang taglay niyang kapangyarihan, ngunit may kahinaan din naman siya at iyon ang banal na mahika.

Nang nawala ang liwanag ay humupa din ang sakit na nararamdaman niya, ngunit lingid sa kanyang kaalaman ay mag-uumpisa pa lamang ang kanyang kalbaryo.

Biglang nagsiliparan ang mga punyal na gawa sa tubig at isa-isang tumama't bumaon sa kalamnan ng diablo. Malakas siyang napahiyaw sa matinding sakit na naramdaman mula sa ataking iyon. Lumipas ang ilang sandali at muling lumabas mula sa ibabaw ang nakakapasong liwanag na deretsong tumama kanya. Dumoble ang sakit na nararamdaman nang muling napaso ang buo nitong katawan mula sa banal na liwanag.

Tiniis ni Azazel ang sakit na nararamdaman at kinalma ang sarili. Huminga siya ng malalim at sinubukan ang kanyang naisip na ideya. Buong lakas na pinakawalan ang malakas na itim na mahika mula sa kanyang katawan. Ang kulay itim nitong dugo na nagkalat sa paligid ay naging usok at pumunta patungo sa kanya. Bumalot ang usok na ito sa buo niyang katawan, hinihilom ang bawat sugat na natanggap mula sa walang tigil na pag-ataki nina Hayabusa at Zerena. Pagkaraan ng ilang sandali ay biglang nawasak ang kadenang gumagapos sa kanya na pumipigil ritong kumilos. Mabilis itong gumalaw at lumayo nang muli na naman nitong nakita ang nakakapasong liwanag.

"Ngayon, ako naman ang magpapahirap sa inyong dalawa!" bawat salitang binitawan nito ay may diin at bigat. Halata ang galit at inis sa tono ng pananalita ni Azazel. "Pagsisihan niyo ang ginawa niyo sa akin!"

Hindi inasahan ni Hayabusa na mawawasak nito ang kadenang ginawa niya. Ngayon'y may alam na itong paraan paano pakawalan ang sarili sa kadenang tubig. Ginawa niya ang kadenang iyon upang gapusin at paralisahin si Azazel at pigilan itong gumamit ng buo nitong lakas.

Sa nasaksihan niyang senaryo ay napagtanto nito na hindi ganun kalakas ang orasyon na ginamit niya laban sa itim na mahika. Malalim na nag-isip si Hayabusa ng mga atake na puwedeng makapinsala kay Azazel. Agad na pumasok ang ideya sa kanyang isipan. Agad siyang pumunta patungo sa kinaroroonan ng Prinsesa at inilahad ang naisip na plano.

Nagtatakang tinitigan ni Azazel ang dalawang babae habang gumagawa ito ng plano. Alam niya na ang plano na binabalangkas nito para sa kanya. Kaya nag-isip din siya ng plano upang sumanib muli kay Shira, ngunit nang ibinaling nito ang tingin kay Shira, agad niyang niwaglit sa isipan ang planong naisip dahil sa dalawang malakas na lalaki na nagbabantay rito. Alam ni Azazel sa kanyang sarili na malakas siya, at naisip nito na kung lalabanan niya ang dalawang nagbabantay kay Shira, sigurado na matatalo lamang siya.

Wala na siyang ibang pagpipilian kung hindi labanan ang dalawang babae. Sinuri niya ang bawat kilos ng dalawang babae, sinusubukan kung maaari niya itong saniban. Una nitong tinitigan ang babae na kulay ginto ang buhok, pero nababalutan ito ng banal na mahika kaya ang pagsanib rito ay hindi maaari. Tinuon niya naman ang tingin sa babaeng may maitim na buhok, naisip niya na maaari siyang sumanib rito ngunit sa tingin nito ay mahihirapan siya bago magtagumpay sa plano. Kaya embes na ituon ang sarili sa pagsanib sa kanyang mga kalaban, itinuon niya na lang ang sarili kung paano matatalo ang dalawang babae. Alam niyang mahihirapan siyang tulunin ang dalawang kababaihan, ngunit hindi nito hahayaan ang sarili na matalo at mapahiya sa kanyang panginoon na alam niyang nanonood sa kanyang laban.

Sabay nilang ibinaling ang tingin sa kalaban at malalim na napahugot ng hininga, pagkatapos pag-usapan ni Hayabusa at Zerena ang planong binuo kung paano mapapatumba at matatalo si Azazel. Hindi nila alam kung magtatagumpay sila sa kanilang plano dahil alam nila malakas ang kanilang kaharap. Ngunit wala na silang ibang pagpipilian kung hindi ang lumaban ng buong lakas at tapang. Gagawin nila ang lahat upang maipaghiganti ang kanilang kaibigan na si Shira, na parehas nilang alam na nagdusa mula sa kamay ni Azazel.

Lumuhod si Hayabusa at agad na hinawakan ang sahig. Huminga muna siya ng malalim bago ipinikit ang kanyang mga mata. Agad nitong pinadaloy ang kapangyarihan mula sa kanyang katawan patungo sa buong sahig.

"Kapangyarihan ng kalikasan,
Ipahiram sakin ang iyong kalakasan.
Baguhin ang kayarian,
Sumunod sa agos ng aking kapangyarihan.
Puksain ang kasamaan,
Kadilima'y pigilan.
NATURALIS OCEANUS!"

Nagitla si Azazel ng biglang nag-iba ang kayarian ng sahig. Bigla siyang natumba nang biglaang gumalaw ang sahig na kinatatayuan niya na tila naging karagatan na walang tigil sa pag-alon. Kahit ilang beses nitong pinilit na tumayo, ilang beses din siyang natutumba.

Ang orasyong binaybay si Hayabusa ay may kakayahang pigilan na makatayo ang kahit anong nilalang. Kaya din nitong pawalang-bisa ang kakayahan ni Azazel na gumamit ng mahika.

Ipinikit ni Zerena ang kanyang mga mata at itinuon ang pansin sa kanyang gagawin. Huminga ng malalim at ipinukos ang sarili sa plano nilang pinagplanuhan. Naramdaman ni Zerena ang unti-unting pagkapunit ng kanyang damit sa likurang bahagi. Unti-unting tumubo ang kanyang dalawang malaki, makintab, maputi at nagliliwanag na mga pakpak. Agad siyang lumipad sa himpapawid nang biglang gumalaw ang sahig na kinatatayuan niya, maliban sa lugar kung nasaan si Shira. Malaya siyang lumipad na tila isang anghel sa kalangitan.

"Azazel, ang kasalanang ginawa mo ang siyang magiging katapusan mo. Ako ang magbibigay parusa sa iyong kalapastangan."

Itinaas ni Zerena ang kanyang kanang kamay sa ere. Biglang lumiwanag ang kanyang palad at lumabas ang nakakasilaw na bola ng liwanag. Lumipas ang maikling sandali at ang bola ng liwanag sa kanyang palad ay unti-unting naging espada na nagtataglay ng banal na kapangyarihan.

Ito ang sandata ng liwanag o 'Luceré Sirdo', na ipinagkaloob sa kanya ng kanyang Ina. Ang espadang ito ay may kakayahan na sugpuin ang kahit anong kasamaan. Ito rin ay may kapangyarihan na saktan o sugatan kahit ang mga kaluluwa na matagal ng namayapa. Ang Luceré Sirdo ay tinuturing na sagradong sandata na nagmula sa sinaunang panahon.

"Azazel, ito na ang katapusan mo!"

ENCHORODIANWhere stories live. Discover now