25

117 30 18
                                    

KABANATA 25: GULAT AT PAGKASINDAK

HAYABUSA

Dinidikta ng katutubong simbuyo ko na may hindi magandang mangyayari. Napakunot ang noo ko nang hindi ko makita si Naré sa kinaroroonan niya kanina. Nakakapagtaka dahil bigla na lang siyang naglaho sa tabi ko ng hindi ko napapansin.

Pagkaraan ng ilang sandali, nakarinig ako ng mga sunod-sunod na pagsinghap sa harapan namin. Binaling ko ang tingin rito at nagulantang ako nang biglang lumitaw sa harap ng mga taong ito si Naré. Napansin ko na parang may kakaiba sa kanya, hindi maganda ang palagay ko rito.

Tinitigan ni Naré ang bawat isa sa kanila na nanlilisik ang mga mata. Maya-maya pa bigla na lang nanghihinang napaluhod silang lahat at isa-isang sumuka ng dugo.

"Naré, huwag!" pigil ko rito ngunit hindi ako niya pinansin na tila wala itong narinig.

Nasaksihan ko na naman muli ang kanyang Tortus---ang mahika ng pagpapahirap. Ang mahika na ito ay hindi ko gustong makita sa ngayon, hindi sa harapan ni Shira.

Pagkatapos itong pahirapan, biglang lumabas na itim na usok sa kanyang katawan. Inipon nito ang usok sa kanyang kamao at malakas na sinuntok ang lupa na naging dahilan ng pagkayanig ng kinatatayuan namin. Unti-unting nabiyak ang lupa at sa hindi inaasahang pangyayari, biglang sumabog ang kinatatayuan nila. Tumilapon silang lahat dahil sa naging pagsabog, maliban sa isang babae na nakaligtas mula sa pagsabog na iyon.

Makikita ang galit sa ekspresyon ng mukha ni Naré. Isang ekspresyon na hindi ko nais makita ng kahit na sino. Sa sandaling magalit siya, may posibilidad na mawalan siya ng kontrol sa kanyang mahika.

Pakiramdam ko may mababawian ng buhay rito. Sana ay walang mapahamak na kahit na sino, pero mukhang imposibli yatang walang may masasaktan.

Simulang naglabasan ang mga itim na marka sa leeg at mga braso ni Naré. May masamang mangyayari talaga kapag nagkakaganito siya, at iyon ang hindi ko nais masaksihan, o makita ng kahit na sino rito.

Kapag nasa ganito siyang kalagayan ay dapat maipalabas niya ang kanyang galit, dahil kung hindi ay may lalabas sa kanya na hindi nanaising makita nino man. Kahit ako ay hindi siya mapipigilan sa ganyang kalagayan, pero susubukan kong mapakalma siya sa abot ng aking makakaya upang walang may mamatay rito.

"Naré, kumalma ka lang! Huwag mong idaan sa galit ang lahat ng nararamdaman mo! Huminahin ka, pakiusap!" sigaw ko rito ngunit tila isa itong bingi at hindi nakaririnig ng sigaw ko.

"Anong nangyayari sa kapatid mo, Busa? Bakit tila nag-iiba na siya? May kakaibang itim na marka ang lumalabas sa kanyang leeg at mga braso. Naramdaman ko din ang biglang pagbigat at paglakas ng kanyang m-mahika Ano ba talaga ang nangyayari sa kanya?" kinakabahang tanong ni Shira.

Pinaghalong takot at pangamba ang maririnig sa tono ng boses ni Shira. Alam kong natatakot na siya kay Naré, kahit ako rin ay natatakot na sa kanya. Sino ba naman ang hindi matatakot kay Naré sa sitwasyon namin ngayon, kahit ako maiihi sa takot kapag nagkakaganito siya.

"Noong unang panahon, ang ninuno namin ay isinumpa ni Zetur, ang pinakamakapangyarihang itim na veneficus sa kasaysayan ng mahika. Isinumpa niya na kung sino ang magiging panganay na lalaki na anak ng panganay na lalaki ay magkakaroon ng sumpa na walang mahika ang makakalunas hanggang sa kanyang kamatayan.

Ang nasasaksihan mo ngayon ay maliit lamang na bahagi ng sumpa na lumalabas kapag nagagalit siya. At kapag nangyari iyon, siya ay unti-unting mawawala sa tamang huwisyo at magbabalat anyo na hindi nanaisin makita ng kung sinuman. Babalik lamang siya sa normal kapag naipalabas niya ang kanyang galit o humupa na ito," paliwanag ko kay Shira saka malalim na napabuntong-hininga.

Naaawa ako sa kapatid ko. Sa lahat ng maaaring matanggap niya bakit ito pa? Bakit siya pa ang nakamana ng sumpa ng pamilya namin. Nakakalungkot lang isipin na malaki ang pinapasan niyang problema na kahit kailan ay hindi na mawawala hanggang sa kanyang huling hininga.

"Si Zetur? Ang hari ng kadiliman? Paano nangyari iyon?! Bakit isinumpa ni Zetur ang pamilya niyo? May nagawa ba kayong kasalanan kay Zetur na hindi niya nagustuhan?!" sunod-sunod na mga tanong ni Shira na alam ko na kahit isa ay hindi ko kayang bigyan ng sagot. Marahil hindi pa sa ngayon.

"Mahabang salaysay, Shira. Sa ngayon ay hindi ko masasagot ang mga katanungan mo, patawad," tugon ko rito at umiwas ng tingin ng tumitig siya sa akin.

"Naiintindihan ko, Busa. Pero sa ngayon ay kailangan nating pagtuonan ng pansin si Hayanaré, at kung paano natin siya mapipigilan o mapapakalma?" aniya sa kinakabahang boses.

"Subukan ko mang pigilan siya ngunit hindi ko kaya. Kapag nagkakaganiyan siya, nag-iiba ang katauhan niya . Nawawala ang Hayanaré na kasama ko palagi kapag kapag nagagalit siya. Patawad Shira, ngunit---"

"Aahh!!"

Agad kong ibinaling ang tingin kay Shira nang bigla na lang siyang sumigaw ng napakalakas. Nang napadako ang tingin ko sa kanya, nakita ko na nanlalaki ang kaniyang mga mata niya sa takot, at kita ang pagkasindak sa ekspresyon ng mukha niya. Tila naestatwa ito sa kanyang kinatatayuan at hindi makagalaw habang nakatitig sa harapan.

Dahan-dahan kong ibinaling ang tingin sa tinitignan nito at bigla akong natuod sa kinatatayuan. Tila binuhusan ako ng malamig na tubig dahil sa nakita. Hindi ko inaasahan na makikita ko muli ang ganitong senaryo. Tuluyan na talagang nawala sa sarili si Naré, tuluyan na siyang kinain ng kaniyang galit.

Sa pagkakataong ito, lahat ng nasa paligid niya ay masasaktan, kahit ako masasaktan niya kapag nagpatuloy pa ito. At ang tanging paraan lamang upang maligtas kami ni Shira ay lumayo at magtago mula sa kanya.

Dahan-dahan akong lumapit kay Shira ng buong pag-iingat upang hindi mapunta ang atensyon ni Naré sa amin, at akayin siya at hilahin papalayo rito. Pero bago ko pa iyon magawa, napatigil ako sa paglalakad patungo kay Shira nang may napansin ako na tila kakaiba sa paligid.

Agad kong iginala ang tingin sa buong gubat at nagulat ako nang nakita ko siyang nakatayo sa likuran namin ni Shira. Ngumiti siya ng matamis sa akin. At ang nilalang na ito'y kilalang-kilala ko, kilalang-kilala ko mula sa aking pagkabata hanggang sa kasalukuyan. Palagi kami nitong magkasama sa kahit saan. Hindi ko inasahan na nandito siya.

Nakakabigla! Pero paano?! Paano siya nakapunta rito?

Dahan-dahang humulma ang isang ngiti sa aking labi, isang matamis na ngiti. Nakahinga ako ng maluwag dahil alam ko ngayon na ligtas na kami mula sa tiyak na kapahamakan. Dumating na ang aming tagapagligtas.

***

Marvin Wrighttee | M.W.

ENCHORODIANWhere stories live. Discover now