22

123 24 10
                                    

KABANATA 22: PRAECANTATOR

SHIRA

"Anong uri ng mga hayop 'yan?" takang tanong ko kay Busa.

Nakaharap sa amin ang mga malalaking aso na parang gusto kaming sunggaban. Nabubulok ang katawan nito at lumalabas ang ilang mga buto sa katawan. Mapula ang mga mata nito, nakalabas ang matulis na ngipin, at may mahabang mga kuko.

Kunot-noo na nabaling ang tingin ko sa kakaibang marka na nakaguhit sa mga noo nito. Na tila nagbabaga kapag naaabot ng liwanag ng aking mahika.

"Iyan ay mga Lupus, mga ligaw na hayop na karaniwang makikita sa masusukal at madilim na bahagi ng gubat. Ngunit ang nasa harapan natin ngayon na mga Lupus ay matagal ng namatay dahil sa nabubulok nitong mga katawan," sandali siyang tumigil sa pagsasalita saka pinaling ang tingin sa akin. "Sa tingin ko ginamitan ito ng Libban kaya gumagalaw ito na parang buhay kahit mga patay na."

Halata na marami siyang alam tungkol sa lahat ng bagay. Hindi lang siya malakas na veneficus, isa rin siyang matalinong indibidwal. Hindi ako nagkamali na kinaibigan ko siya.

Narinig ko na dati sa mga kwento ang tungkol sa lupus na matatagpuan lang sa masusukal na gubat. Hinuhuli ito ng mga mangangaso at binibenta ang balat bilang damit. Pero ang Libban, ngayon ko lang nalaman na may ganoong mahika na kayang pagalawin ang mga patay. Isa ba itong itim na mahika?

"May alam ka ba kung ano ang libban, Busa?" interesado kong tanong saka tumingin sa kanya.

"Ang mahikang Libban o kadalasang tinatawanag na Mahika ng Buhay ay may kakayahang buhayin ang mga nilalang na matagal ng namatay. Hindi talaga nito totoong binubuhay ang mga patay katulad nating buhay na may laman. Parang binigyan lang nito ng kakayahang gumalaw muli ang mga namatay at ibalik ang alaala nito nang nabubuhay pa. Isa itong mapanganib na itim na mahika."

Napatango-tango ako pagkatapos pakinggan ang paliwanag ni Busa. Marami akong natutunan sa kanya ngayon. Isa palang itim na mahika ang Libban. Nakakatakot isipin na may nilalang na kayang gumagamit ng pinagbabawal ng mahika.

Agad napabaling ang aking tingin sa mga lupus nang umalingawngaw sa loob ng kweba ang malakas nitong mga ululong. Bahagya akong napaatras nang unti-unting lumapit sa gawi namin ang mga lupus. Kaya bago pa kami nito atakihin, mabilis akong gumawa ng pananggalang upang protektahan ang aming mga sarili.

Itinapat ko ang palad sa mga lupus, malalim na humugot ng paghinga at saka bumaybay ng inkantasyon. "Deus Protectus!"

Lumabas sa kamay ko ang pulang usok at unti-unting pumalibot sa amin, tumibay at naging pananggalang.

Isa-isang umatake ang mga lupus gamit ng matutulis nitong mga kuko, sinubukang wasakin ang aking proteksyon. Subalit, kahit konti ay hindi nagasgasan ang pananggalang at nanatiling matatag at hindi nagpapatinag.

"Hindi ko alam na kaya mo palang gumamit ng inciant, Shira. Ibig sabihin ay isa kang Praecantator." Napalingon ako kay Busa saka ngumiti rito.

"Noong isang araw ko lang natutunan gumamit ng inciant kaya limitado lang ang alam ko sa ganitong uri ng mahika," tugon ko rito.

"Bakit hindi mo naisipang gamitin ang kaalaman mo sa inciant para protektahan ang sarili laban kina Inda at Noel kanina?" nagulat ako sa uri ng tanong ni Busa sa akin na tila nagdududa.

Mukhang hindi pa kami lubusang magkaibigan. Maraming bagay pa ang dapat naming alamin tungkol sa isa't-isa.

"Dahil pangsuporta lang na inciant ang alam ko," sabi ko at umiwas ng tingin rito. Ito pala ang pakiramdam na pinagduduhan. Malalim akong napabuntong-hininga at pinagpatuloy ang pagsasalita. "Alam mo, Busa, ang pagiging Praecantator ay may kahinaan din. Kailangan pa naming bumigkas ng inkantasyon bago makagamit ng mahika. Hindi ko nagamit ang kapangyarihan na ito dahil sa sobrang bilis nila at saka dalawa silang kalaban ko. Katulad ng sinabi ko kanina, kahapon ko lang natutunan ang inciant. Maraming bagay pa ang matutunan ko," dugtong ko pa.

"Kaya pala hindi mo nagamit ang iyong inciant upang protektahan ang iyong sarili laban sa kanilang dalawa," tumatango niyang turan.

"Marahil alam na nila na isa akong Praecantator kaya hindi nila kinailangan pang gawin--"

Biglang yumanig ang lupa dahilan upang mawalan ako ng balanse. Nakita ko ang pagtakbuhan ng mga lupus na tila may kinakatakutan na nilalang. Namuo ang butil ng pawis sa aking noo nang mas lalong lumakas ang pagyanig ng kuweba.

Napatingala ako sa ibabaw ng kuweba nang marinig ang pagkabitak nito. Lumakas ang kalabog ng aking dibdib habang unti-unting lumalaki ang bitak ng kuweba.

Kinakabahan ako sa posibling mangyari sa aming tatlo. Hindi ko alam kung bakit yumayanig ang kuweba. Kagagawan ba ito ng goylem?

"Anong nangyayari?" nagtatakang tanong ni Hayanaré.

"Kahit ako ay wala ding alam sa nangyayari!" saad naman ni Busa.

Kumawala ang malakas na sigaw sa labi ko nang tuluyang mawasak ang kuweba. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang goylem sa ibabaw na nakatingin sa amin.

"Goylem!" malakas kong bulalas saka tumayo sa pagkakatumba.

Nahugot ko ang paghinga nang biglang tumalon ang goylem ng napakataas. Bumulusok pababa ang goylem patungo sa amin. Sa sandaling tumama ang malakas na suntok nito, agad na nawasak ang aking pananggalang na tila isang salamin.

Tila tumigil ang oras sa sandaling iyon. Naestatwa ako sa kinatatayuan at hindi makapaniwala. Hindi ko inasahan na mawawasak ng ganun kadali ang pananggalang sa isang atake lang.

Naramdaman ko ang mainit sa palad na humawak sa braso ko. Pinaling ko ang tingin sa taong ito nakita si Busa. Mabilis niya akong hinila papalayo sa gumuhong kuweba.

"Shira, hindi ngayon ang panahon upang matulala! May mas malaki tayong suliranin ngayon at hindi ko alam kung masusulusyonan namin ito!" malakas na bulyaw ni Busa sa akin saka tumingin ng diretso sa mga mata ko. Sa klasi ng tingin na binibigay niya, parang sinasabi niyang kailangan kong maghanda sa dahil may posibilidad na maaari kaming mamatay rito.

Pagkatapos ay agad niya akong hinawakan sa magkabilang balikat at malakas akong niyugyog. Tila nakalog ang utak ko sa ginawa niya dahilan upang magising ako sa reyalidad.

"Kailangan nating labanan ang goylem. Hindi ito titigil sa pag-atake sa atin kapag hindi ito nawasak." Malalim akong bumuntong-hininga at saka tumango sa kanya. Tipid siyang ngumiti sa akin at sabay naming hinarap ang goylem ng buong tapang at magkahawak ang kamay. Agad kong kinondisyon at hinanda ang sarili sa isang madugong laban na ngayon ko lang mararanasan.

***

Marvin Wrighttee | M.W.

ENCHORODIANDonde viven las historias. Descúbrelo ahora