Chapter 42

1.1K 69 15
                                    

Pinagbigyan ni Toby ang pakiusap kong doon na lang siya matulog sa resort house. Hindi kasi talaga ako panatag na umuwi siyang mag-isa kahit may sasakyan pa siya. Pagkatapos kong magbihis sa kuwarto ko ay nagtungo kaming dalawa sa silid ni Juno at naghalungkat ako ng damit-pambahay ni Juno na pwedeng suotin ni Toby. Nakahanap ako ng cotton shirt at jogging pants. Binigay ko sa kanya ang bihisan at lumabas muna ako para makapagpalit siya. Sa sala na ako naghintay sa kanya.

Naupo ako sa couch at marahang hinaplos ang bahagi ng balat ko na dumaan ng surgery. Dama ko ang pangingilo lalo na tuwing sumasayad doon ang tubig kapag naliligo ako. Pero hindi naman iyon kumikirot. Mabilis daw ang proseso ng paghilom sabi ng doctor noong payagan akong lumabas na ng hospital. Kailangan lang ingatan na huwag munang magkasugat, pati na ang part sa akin puwit kung saan kinuha ang laman at balat na ginamit sa skin graft.

Lumabas si Toby ng silid ni Juno. Medyo maluwag sa kanya ang suot na shirt at pants pero pwede na. Parang wala rin naman siyang pakialam. Umaapaw rin kasi ang kumpiyansa niya sa sarili porket guwapo. Tutungo na sana kami ng kusina nang mahagip ko ng tingin ang pagpanhik ni Warren sa sala. Nakabuntot dito si Benjie.

"Nasaan si Hidalgo?" banas niyang tanong at umikot ang paningin sa buong looban ng bahay.

"Wala siya rito, Sir." Tumingin sa akin si Toby. Tila may ipinahihiwatig pero hindi ko maintindihan.

"Nasa trabaho pa siya. Bakit?" busangot kong sagot. Ang pag-alis siguro ni Chanley ang ipinunta niya rito.

Bahagyang kumunot ang mga kilay niya nang dumako sa gawi ng pinto patungong kusina ang kanyang mga mata. Pero agad din naman niyang ibinaling muli sa aming dalawa ni Toby.

"Tinawagan mo na ba? Hindi ko siya makontak. Itanong mo sa kanya kung inutusan niya ang police na iyon para sunduin ka."

Saglit na umurong ang inis ko sa kanya. Hindi ang tungkol kay Chanley ang rason ng pagsugod niya rito?

"Hindi ko pa natawagan," kumalma ang tono ko. Nawala sa isip ko ang nangyari kanina sa school lalo na pagkatapos kong malaman ang ginawa ng kasambahay. "Si Chanley nga pala-"

"Alam ko nang umalis siya. Nakausap ko siya kaninang tanghali. Wala akong inutos sa kanya tungkol sa pictures ni Sammer. Pero hindi ka naman maniniwala sa akin kaya hindi na ako magpapagod pang magpaliwanag."

"Sir, babalik na po ako sa gate." Nagpaalam si Benjie.

Tumango si Warren. "Tiyakin mong naka-lock ang gate. Masyado kayong pabaya rito. Ano'ng gagawin ninyo kung biglang may papasok? Nakatiwang-wang lang iyang gate n'yo." Nasabon pa si Benjie.

Nagkamot ito ng batok at tumalikod paalis. Ngunit hindi na ito nakalabas ng pinto. Sinalubong ito ng nakatutok na baril ni SPO4 Francis Dumlao at isa pang police na noon ko lang nakita. Tigagal kong pinigil ang hininga.

"Guess it's too late, bwesit!" Nagmura si Warren at bumunot ng baril. Itinutok niya sa dalawang police na humakbang papalapit sa amin. Iniharang niya ang sarili sa amin.
Mabilis akong kinabig ni Toby at itinago sa likuran. Mula sa kusina ay lumabas si Nanay Emma, maputlang-maputla at may police ring kasama na nakatutok ang baril sa likuran ng matandang babae. Ilang saglit pa ay lumitaw rin palabas ng balcony si Mayet na naiiyak, may escort ding isa pang police.

Gimbal akong sumiksik sa likod ni Toby. Nagsimulang umuga ang mga tuhod ko at ang mga kamay ko ay nanginig sa hindi birong takot na kumalat sa aking sistema.

"Ibaba mo iyan, Mr. Dela Torre. Hangga't maari ayaw kong magkaputukan tayo rito, ang kailangan ko lang ay si Nazarita at ang listahang hawak mo." Nagsalita si Francis.

"Kukunin mo siya? Ano'ng akala mo sa kanya, kuting sa daan na pwedeng basta mo na lang damputin? Sino'ng boss mo?" matigas na angil ni Warren.

Tumawa ang police, mistulang demonyo na umalingawngaw ang halakhak sa buong sala ng bahay.
Siya ba ang kalaban na matagal nang sinubaybayan ni Juno? Si SPO4 Francis Dumlao? Kinuyom ko ang mga kamao na nakatuon sa likod ni Toby. Nasa tabi lang pala ni Juno ang traydor. Malamang siya rin ang kumuha sa mga magulang ko at kay Bonbon. Sila rin ba ang nagpasunog sa bahay namin?

"Kilala mo, Mr. Dela Torre. Kilalang-kilala mo ang boss ko."

"Ang kapatid ko?" gigil na bagsak ni Warren.

Kapatid ni Warren? Iyong lagi niyang kinakausap at hinihingan ng update tungkol sa mga magulang ko? Nalilitong sumilip ako pero ang tinamaan lang ng mga mata ko ay ang malapad niyang likod.

"Kabilin-bilinan sa amin ni Sir na huwag kang sasaktan at ayaw kong sumuway ng orders mula sa nakatataas sa akin. Pero kung magmamatigas ka, mapipilitan akong-"

"I expected a much better performance than this, Francis." Humambalos sa sahig ang police na katabi ni Benjie kasunod ang bangis ng boses ni Juno.

Si Juno? Dumating si Juno! Tinangka kong tumakbo papunta sa kanya pero nahablot ako ni Toby at niyakap.

"Dito ka lang muna," pagalit nitong saway sa akin. Gusto ko mang magprotista at pumiksi pero mahigpit ang pagkakahayakap niya sa akin.

Nabaling na kay Juno lahat ng mga baril ng mga police na naroon. Ang hawak na dalawang 45 caliber pistol ng lalaki ay nakaumang kay Francis at sa direksiyon ng police na nakabakod kay Mayet.

"Surrender now, Francis. This place is surrounded." Nagpulasan papasok sa loob ang mga tauhan ni Juno, armado ng matataas na kalibre ng baril at kumalat ang mga ito sa buong sala kanya-kanyang tutok ng target.

Nilamon ng panic at pagkatuliro sa mga mata ni Francis, ang mga kasamahan nito ay hindi na rin malaman ang gagawin at kung kanino itutuon ang baril. Si Mayet ay pigil-pigil ang hagulgol. Silang dalawa

"Kahapon ko pa sinabi sa iyo na sumuko na, bibigyan kita ng pagkakataon o gusto mong maging kauna-unahang sample ng mga tiwaling police  na itutumba ko rito sa isla."

"Juno!" tumili ako. Hindi ko kayang makita iyon. Hindi ko kakayaning makita na papatay siya ng tao sa harap ko kahit na nagkasala pa ito sa batas.

Dumulas papunta sa akin ang matalim na mga mata ni Juno. Saglit na humupa ang galit doon pero hindi ko nakitang bibigay siya kung hihingin kong huwag niyang patayin sina Francis at ang mga kasama nitong police. Doon na ako umiyak. Kailangan niyang tuparin ang tungkulin niya at iyon ang masakit na bahagi ng kanyang pagkatao na dapat kong matanggap.

Tinakpan ko ang tainga at mariing pumikit nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril. Sumubsob ako sa balikat ni Toby. Hunihikbi. Pagkatapos ng mga putok ay pumalit ang namimilipit na ungol ni Francis at ng iba pa nitong kasama. Nakahandusay ang mga ito sa sahig, saklot ang duguang tuhod.

"Men, clear them away!" malakas ang timbreng utos ni Juno sa mga tauhan.

Kumilos ang police na nakaposte sa paligid nila. Kinompiska ang mga baril at pinagtutulungang makalakadkad palabas ang grupo ni Francis. Pumiksi ako sa pagkakayakap ni Toby at hindi na nagpaawat pa. Dinaluhong ko ng yakap si Juno.

"Sorry, you had to witness this kind of cruelty from me," pahayag niyang hinagkan ako sa noo. "It's over, your parents and Bonbon are safe. Nasa estasyon pa sila para sa stress debriefing na ibibigay ko mamaya."

Wala akong masabi. Halo-halo ang nararamdaman ko kaya humagulgol na lamang ako. Nasulyapan ko si Mayet na dinaluhan ni Nanay Emma. Nagyakap ang dalawa.

"You see, this is your brother's doing. Not mine." Binalingan ni Juno si Warren.

"Ibibigay ko sa iyo ang listahan na iniwan sa akin ni Weljun. Hindi mo ako masisi kung pinagdudahan kita. Ikaw ang paboritong estudyante ng kapatid ko noong nag-aaral ka pa sa PNPA. Bukam-bibig ka niya sa mga kaibigan niya. Bilib na bilib siya sa iyo. Ano sa tingin mo ang iisipin ko pagkatapos kong malaman na protector siya ng drugs dito sa isla? There is a one point possibility na hindi ka niya kasabwat." Lumapit si Warren sa amin at isinuko kay Juno ang bitbit niyang baril. "Thank you for this by the way, hindi ko man nagamit para protektahan si Nash."

Kinuha ni Juno ang baril. Nagpalipat-lipat ang mga mata ko sa kanilang dalawa. Lihim na dumalangin na sana ay tapos na nga ang lahat at magkasundo na sila. May katuwiran si Warren na hindi ko pwedeng salungatin, pero hawak ni Juno ang katotohanan at iyon ang magpapalaya sa amin sa bangungot na ito.

"Hahayaan kitang kausapin ang kapatid mo bago ako gagawa ng hakbang para iparating sa Crame ang listahan. Let him know that he is not exempted from the execution of the law and I will see him soon."

Tumango si Warren at bumaba sa akin ang malungkot niyang titig. "Huwag sanang masira ang natitirang tiwala mo sa akin kung mayroon pa. Kaligtasan at kabutihan mo lang ang iniisip ko kaya nagawa ko lahat ng iyon, Nash. Mahal lang talaga kita."

Hindi ako kumibo at bumitaw ng titig sa kanya. Ibinaon ko ang mukha sa dibdib ni Juno. Humigpit ang paggapos ng mga bisig niya sa akin.

ISLA SEÑORITA: KANDUNGAN NI EVA✔Onde histórias criam vida. Descubra agora