Chapter 3

1.7K 85 7
                                    

Hindi na ako tinigilan ni Mama pagkaalis nina Juno at ng mga kasama nitong police. Nakurot pa ako sa singit habang kinakalkal ko ang mga gamit ni Sheena. Mas makulit pa siya sa akin at hindi ko maintindihan kung anong ipinaglalaban niya para ipilit na kaibigan ko ang hepe.

"Hindi ka talaga aamin?" tonong nagtatampo na si Mama na parang tutang bumuntot-buntot sa akin sa loob ng kuwarto ko.

"Ano po bang aaminin ko, Ma? Hindi ko nga kaibigan ang hepe, kanina ko lang siya nakilala kasi tinanong ko kung nasaan si Sheena," giit kong sinipat siya ng nabubugnot na sulyap.

"Tinanong mo lang tapos alam niya na agad kung saan ka nakatira?"

"Police po siya. Baka pinagtanong niya sa mga tagarito," paliwanag ko.

Mabuti na lang at mabilis na nakatulog ang bata pagkatapos kong padedehen ng gatas sa feeding bottle. Pero magigising pa yata ito dahil sa ingay namin ng Mama ko. Naupo ako sa kama at inayos ang unan na nilagay ko sa may tagiliran ni Sheena.

"Aniceta, tama na iyan. Matulog na tayo." Pumasok doon sa kuwarto si Papa na ikinatuwa ko at nang matigil na si Mama.

"Iyang anak mo, Vergel, marunong nang maglihim sa atin. Ang sa akin lang naman isipin niyang nag-aaral pa siya. Magtapos muna siya. Makapaghihintay iyang pagboboyfriend," nagtalak na si Mama.

"Ma, nagsasabi po ako ng totoo."

Napabuntong-hininga na lang ako. Kanina kaibigan, ngayon naman boyfriend. Advance mag-isip itong Mama ko, mas advance pa sa technology namin dito sa isla. Baka bukas itatanong na niya sa akin kung buntis ako.

"Bakit ayaw mong maniwala sa anak natin?" dinig kong tanong ni Papa habang palabas sila ni Mama ng silid ko.

"Isa ka pa!" sikmat ni Mama.

Pagkasara ng pinto ay nahiga na rin ako sa tabi ni Sheena. Ayaw ko sanang isipin ang nangyari kagabi, ang putukan, pero parang bangaw iyon sa utak ko na pumasada at ayaw akong patahimikin. Bumigat ang puso ko habang pinagmamasdan ang batang walang muwang na nahihimbing sa aking tabi. Para sa mga katulad ni Sheena na wala nang mga magulang dahil sa paniningil ng batas sa mga nagkasala, may gagawin ba ang pamahalaan? Nakatulog akong iyon ang laman ng isip.

Alas-kuwatro pa lang ng madaling araw kinabukasan ay gising na kami ni Sheena at nagkukulitan. Nagiging kalabaw na ako at gumagapang sa higaan habang nakasampa sa likod ko ang bata. Binalot ng matinis niyang hagikgik at hiyaw ang buong silid. Pero hungkag ang pakiramdam ko at namalayan ko na lang na pumatak na ang mga luha ko. Bahagya akong nataranta at mabilis na pinahid iyon sa likod ng aking kamay. Pero sunud-sunod na ang mga patak kasabay ang agos ng mga alaala ni Weljun.

Mabuting kaibigan sa akin ang lalaki. Ako ang nagkulang ng malasakit dahil hindi ko man lang sinubukang kumbinsihin siya na tigilan kung may illegal siyang ginagawa. Alam kong mayroon pero gaya ng iba ay hinayaan ko lang din. Ayaw kong makialam. Pumikit ako at nagbulagbulagan dahil umiiwas ako sa gulo.

Ngayon naiiwang mag-isa si Sheena. Hindi dapat ganito. Hindi isinilang ang bata para lang mawalan ng mga magulang. Hindi dapat. Ayaw kong mapawi ang tuwa at saya sa inosenteng mukha ni Sheena. Pero  wala akong magagawa para maiwasan ng bata ang masaktan balang araw. Wala akong magagawa.

"Meemee...Meemee?" Sumilip si Sheena sa akin at namimilog ang mga matang nakatitig sa akin.

Pilit akong ngumiti at tinuyo ang mga luha ko. "Alam ko bakit lumaki na naman ang mga matang iyan. Dede ulit?" Kiniliti ko sa tagiliran ang bata.

Tumili siya sa tuwa at humagikgik na humilata sa kama. Binandera ang mga paa at pagulong-gulong. Kinarga ko ang bata at lumabas kami ng kuwarto. Nadatnan ko sa sa kusina si Mama na naghihimay ng mga gulay. May nakasalang na ring sinaing sa stove.

ISLA SEÑORITA: KANDUNGAN NI EVA✔Where stories live. Discover now