Chapter 31

1.1K 65 6
                                    

Kinimkim ko lang ang inis ko kay Warren at piniling magkunwaring maayos. Kahit gusto ko siyang ratratin ng mga tanong pero naisip kong hindi iyon makatutulong kay Juno kaya nanahimik na lang ako. Ayaw kong magduda siya at baka hihigpitan niya lalo ang pagbakod sa akin at mawalan na ako ng pagkakataong makipagkita ng palihim kay Juno.

Hindi ko alam kung ano ang nangyayari habang nasa surgery ako. Nakatulog kasi ako dahil sa general anesthesia. Paggising ko ay nasa kuwarto na ulit ako. Tagumpay naman ang surgery na nagtagal ng mahigit isang oras. Nakabenda na naman ang leeg ko pababa sa aking balikat at ang donor area ko sa may buttocks. Gusto kong kumustahin din sana ang surgery ni Juno pero narito si Warren at wala yatang balak na pumunta ng eskwelahan. Hindi ako makapupuslit.

"Nag-leave ka ba?" tanong ko sa kanya at inabot ang orange na binalatan niya para sa akin. Medyo lango pa rin ako dahil sa anesthesia.

Ang dami kong kailangang i-consider pagdating sa kanya. Kailangan ko ng presence of mind lagi para hindi ko siya masumbatan sa mga paninira niya kay Juno. Lahat ng ginagawa niya para sa akin at gusto pa niyang gawin ay gusto ko nang tanggihan pero tiyak maglilikha iyon ng pagdududa sa isip niya. Hindi ko pa rin maintindihan kung paano niya naatim na sabihing siya ang nagligtas sa akin sa sunog. Naiinis man ako'y pilit ko na lang hinahamig ang sarili ko.

"Hindi kita pwedeng iwan habang nasa surgery ka," sabi niyang nagbukas ng bote ng mineral water. "Umalis ka ba rito sa room mo kahapon?" Nanunuri ang titig niya sa akin.

Naudlot ang pagsubo ko ng orange at bumara ang paghinga ko. Siguro may espiya siya kaya sinabi ni Juno kahapon na malalaman ni Warren ang pagpunta ko sa kabilang silid. Aamin ba ako o magsisinungaling? Hindi naman kasi siya deserving sa katotohanan, bakit ako magsasabi ng totoo kung lahat ng sinabi niya sa akin ay kasinungalingan?

"May tiningnan lang ako sa labas." Ayaw kong tumulad sa kanya pero kailangan kong protektahan si Juno. "Kailangan ko pa bang magpaliwanag?" Nilakipan ko ng iritasyon ang tono para ipaalam sa kanyang hindi ako natutuwa sa kanya.

"Si Juno? Nasa katabing kuwarto lang siya. Sa kanya ka ba nagpunta?" Halata sa gumagalaw niyang mga panga na nagtatagis siya ng mga bagang.

Umirap ako at isinubo ang orange kahit na hindi ko iyon malulunok ng maayos dahil sa kaba at inis na hindi ko mapakawalan. Kung makaasta siya para bang mas may karapatan siya sa akin kaysa kay Juno.

"Ano ba ang gusto mong marinig?" pasikmat kong pakli. "At bakit nga pala nandito sa hospital si Juno? Nadisgrasya ba siya?" Siya na ang inulan ko ng tanong.

Tinakpan niyang muli ang bote ng mineral water at nilapag iyon sa table malapit sa kanya. Lalong dumilim ang mukha niya. Bongga rin. Siya pa ang may ganang magalit. Hindi ko man lang makitaan ng senyales na nakokonsensya siya sa ginagawa niya.

"Mayroon kang hindi sinasabi sa akin," paratang kong nagpadikit na ng husto sa mga kilay niya. "Kung totoo lahat ng sinabi mo tungkol kay Juno hindi ka dapat mag-aalala kung magkikita kami, 'di ba? At naroon ka naman sa simbahan noong itinaboy niya ako."

"He is a danger to you but you still refused to believe me," sa kabila ng poot sa kanyang mga mata'y nanatili siyang kalmado kung magsalita. "Huwag mong gawing pananggalang sa akin ang pagmamahal mo sa kanya para hindi ako paniwalaan."

"Unfair lang kasi-"

"Nasaan ba ang mga magulang mo? 'Di ba hawak ng mga police? Ano ba si Juno? 'Di ba commander ng mga police? Tingin mo hindi niya kontrolado ang mga taong may hawak sa parents mo?" May halong sarcasm ang tono niya. "Kahit paulit-ulit niyang i-deny iyon, maliwanag pa sa sikat ng araw ang totoo. Kaya nila tinutugis ang sangkot sa drugs dito sa isla dahil sila din ang protectors at natatakot silang ikanta ng mga addict."

ISLA SEÑORITA: KANDUNGAN NI EVA✔Kde žijí příběhy. Začni objevovat