Chapter 11

1.4K 88 2
                                    

Hindi ko alam kung ano'ng klaseng assurance ang gusto niya pero siguro naman nahahalata niyang may pagtingin din ako sa kanya. Ayaw ko lang munang aminin at sabihin dahil gusto kong makasiguro. Pakiramdam ko kasi ang bilis ng lahat. Hindi ko pa siya lubusang kilala. Kahit handa na akong magtiwala pero kailangan ko pa ring ingatan ang puso ko.

"Can I ask a goodbye kiss?" Todo pa-cute si Juno kahit hindi talaga siya pwedeng maging cute. Ang dating tuloy ay maangas siyang tingnan.

"Hindi pa kita boyfriend tapos hahalik ka na naman?" angal kong sinimangutan siya.

Humalakhak siya at para naman akong kiniliti. Binuksan ko ang pinto ng sasakyan at bababa na sana nang hawakan niya ang kamay ko at doon na humalik. Ramdam ko ang pamumula ng aking mga pisngi. Parang ang corney ko naman. Hindi na ba ako maka-get over sa blushing syndrome na iyan? Dapat kasi sanay na ako sa kanya at sa damdaming idinulot niya sa akin.

"See you tomorrow, Nash." Kumindat siya at binitawan na ako.

Tumango lang ako at nag-iwan ng pinong ngiti. Tatlo sa mga kapitbahay ko na ilang milya ang layo ng bahay mula sa amin ang huminto at nakatanaw sa akin mula sa kabilang gilid ng kalsada. Baka nagtaka na ang mga ito dahil napapadalas na ang pagpunta ni Juno rito.

Pumasok ako ng bakuran at doon na tinanaw ang pag-alis ng pick-up. Sumalubong sa akin sina Bonbon at Apple. Si Vanilla naman ay sumilip lang sa pintuan.

"Bakit hindi po bumaba si Kuya?" tanong ni Bonbon na inakay ko papasok ng bahay at nakayapos sa aking baywang. Nakabuntot sa amin si Apple na kumikislot dahil gustong magpahaplos.

"Kailangan pa kasi niyang bumalik ng opisina. May trabaho siyang iniwan doon," sagot ko na parang alam na alam ko ang tungkol sa trabaho ni Juno kahit hindi naman.

"Ah," tumango-tango naman si Bonbon. "Ate, napisa na 'yong mga itlog ng inahin ni Papa. Eleven ang sisiw niya, parang edad ko."

"Aba, lalong dadami ang manok ninyo ni Papa niyan. Marami tayong maihahanda sa birthday mo."

"Iyon din ang sabi ni Mama!" masayang sagot ng bata.

Nilapag ko muna sa sofa ang bag at mga libro. Nagtuloy kami ni Bonbon sa kusina. Magkatulong sina Papa at Mama na nagluluto. Nagtitimpla si Papa ng piniritong dilis na may maraming  kamates at sibuyas habang si Mama ay nagtatalop ng papaya para sa pickles. Nagmano ako sa mga magulang ko at sinilip ang laman ng nakasalang na kaserola.

"Ginataang monggo!" Halos mapatili ako sa tuwa. "Ang bango-bango!" Kung pwede lang ubusin ang masarap na amoy, baka ginawa ko na.

"Tingnan mo iyang ate mo, ang takaw pero hindi naman lumalaki." Panunudyo ni Papa sa akin.

"Papa!" Kunyari nagtatampong inirapan ko siya.

Pero pinagtawanan lang nila akong tatlo. Hindi na bale na basta busog ako mamaya sa hapunan. Wala namang pakialam si Juno kung hindi ako katangkaran. Napangiti na lang ako sa naiisip.

"Tikman mo nga, Bon, kung tama na ang lasa." Pinatikman ni Papa kay Bonbon ang dilis.

"Tama na po, Papa. Masarap po."

"Gusto mo pa?"

"Opo!"

"Ano ba kayong dalawa, ulam natin iyan sa hapunan! Baka maubos n'yo sa katitikim," sita ni Mama.

Natatawang iniwan ko sila roon at nagtungo ako sa aking silid. Nagbihis ako ng pambahay. Cotton shorts at sleeveless na blouse. Nilaro ko pa muna sa kama si Vanilla na sumunod sa akin doon.

Nabundat nga ako sa hapunan namin. Napatambay tuloy ako sa sala para magpababa ng kinakain. Sina Papa at Mama ay nanonood ng balita sa tv na walang ibang laman kundi ang kasagsagan ng giyera kontra druga. Sa linggong ito, daan-daan yata ang namamatay. Grabe ang halaga ng buhay ay katumbas lang pala ng isang pakete ng shabu kung tutuusin.

ISLA SEÑORITA: KANDUNGAN NI EVA✔Where stories live. Discover now