Chapter 5

1.5K 82 5
                                    

Alam kong hindi kami mayaman. Kung ano lang ang mayroon kami iyon lang ang maibibigay ko kay Bonbon, bukod sa pag-aalaga at pagmamahal. Sana hindi pa huli ang lahat at maramdaman ng bata na masarap pa rin mabuhay sa kabila ng mga hirap at pagsubok na pinagdaanan niya sa murang edad.

"Pagtiyagaan mo muna ito ha? Bukas sasaglit ako sa mall at ibibili kita ng mga damit," sabi ko habang tinutupi ang manggas ng pajama na ipinasuot ko kay Bonbon. Ternong Mickey Mouse iyon. Maluwag sa kanya at mahaba ang pantalon.

"Matutulog ka na ba, Ate?" tanong niyang nakaupo sa kama at nakamasid sa ginagawa ko.

"Magre-review pa ako. May exam kasi kami bukas." Pagkatapos ko sa manggas, ang pantalon naman ang nililis ko para hindi niya matapakan. "Ano'ng pinag-usapan n'yo ni Papa kanina habang nasa kusina kami ni Mama?"

Umaliwalas agad ang mukha niya sa pananabik. "Isasama raw niya ako bukas sa sakahan ng sweet corn, titingnan daw namin kung maari nang anihin. Kukuha rin daw kami nang mailalaga para sa snacks," masaya niyang kuwento. "Masarap 'yong sweet corn lalo 'pag may cheese."

"Bibili ako bukas ng cheese powder," sabi kong natatawa.

Mabilis na nakagaanan ng loob nina Papa at Mama si Bonbon. Kanina sa hapunan ay hindi na sila matigil sa kuwentuhan. Nakikinig lang ako at tagatawa sa mga biro ni Papa. Hindi ko pa alam kung may mga kamag-anak si Bonbon sa ibang lungsod dito o kaya ay sa main land. May posibilidad din kasi na naglayas siya. Hintayin ko na lang sakaling may maghahanap sa kanya.

"Ayan, tapos na. Matulog ka na para tumaba ka at tumangkad. Apir muna tayo, dali!"

Masiglang nakipag-apir sa akin ang bata. "Goodnight po, Ate!"

"Goodnight, Bon!" Iniwan kong bukas lang ang ilaw at lumabas ng silid. Narinig ko pa ang hagikgik ni Mama na nilalambing ni Papa habang papunta ako sa kuwarto ko. Napangiti na lang ako.

Pasado alas-dose na ng hatinggabi ako nakatulog. Pero maaga pa rin akong nagising kinabukasan at naalala na naman ang tagpo kahapon. Mabilis kong pinalis sa utak ko iyon at sinilip ko si Bonbon. Tulog pa ang bata. Tipid akong ngumiti habang pinagmamasdan siyang nahihimbing. Nagtungo ako ng kusina at tinulungan si Mama sa paghahanda ng agahan namin. Si Papa ay nasa labas at inasikaso ang mga manok. Dinig ko ang maingay na tahol ni Apple na pinipilit makipaglaro habang si Vanilla ay panay ang lingkis ng katawan at buntot sa aking binti.

"Alam mo bang hindi kami nakatulog ng maayos ni Papa mo?" sabi ni Mama na nagluluto ng gisadong ampalayang may itlog.

"Bakit po?" tanong ko. Naghihiwa ako ng patatas at carrots para ihalo naman sa ground pork.

"Panay ang silip niya kay Bonbon. Gusto niyang ilipat namin doon sa aming kuwarto," natatawang kuwento ni Mama.

"Sabik sa bata si Papa." Humagikgik ako.

"Sinabi mo pa. Ilang taong gulang na ba si Bonbon?"

"Eleven po, Ma."

"Gusto siyang pag-aralin ng Papa mo hanggang kolehiyo."

Tumango ako. Buti naman at ang mga magulang ko na mismo ang nag-alok. Iyon din sana ang gusto kong ipakiusap sa kanila.

"Police ang gusto niyang kunin paglaki niya, Ma."

At kumambiyo na naman ang utak ko papunta kay P/Capt. Juno Hidalgo. Talagang pinagod ko sa pag-aaral amg isip ko kagabi para lang makatulog ako.

"Ibibili ko nga pala mamaya ng damit si Bonbon, Ma. Gagamitin ko 'yong naipon ko." Kumuha ako ng malinis na pinggan at ibinigay kay Mama.

"Bakit hindi ka humingi sa Papa mo? Huwag mo nang galawin 'yong ipon mo." Sinandok niya ang luto nang ampalaya at nilipat sa pinggan.

Masigla akong tumango. "Sige po."

ISLA SEÑORITA: KANDUNGAN NI EVA✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon