Chapter 9

1.4K 95 26
                                    

Kinse minutos na lang bago mag-alas singko nang sapitin namin ni Toby ang police station. May apat na police ang nakaguwardiya sa lobby. Isa sa mga iyon ang sumama sa amin sa loob ng tanggapan ng mga bisita matapos kaming dumaan sa front desk. Paalis na sana ang babaeng police na tagatanggap ng communication letters at invitation, buti na lang at inabutan pa namin.

"Tatawag na lang kami para sa confirmation ng attendance ni hepe," sabi ng lady officer pagkatapos pirmahan ang received copy ng invitation.

"Thank you po, Ma'am. Tutuloy na po kami." Ngumiti ako at nagpaalam na kami ni Toby.

Malikot ang mga mata ko habang palabas kami ng gusali, nagbabakasakali akong mahagilap ko si Juno kahit na ramdam kong wala naman siya roon. Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Kapag nakikita ko siya'y parang lagi akong kinakapos ng hininga pero gusto ko pa rin siyang makita.

"Babalik na ako ng school," paalam ni Toby pagsapit namin sa paradahan ng motor. "Lumilipad na naman ang isip mo. Siguradong hindi ako iyan dahil magkasama naman tayo," pahabol niyang komento na bahagyang natawa para magmukhang biro ang sinabi.

Ngumuso ako. Sinusubukan ba niyang basahin ang nasa utak ko? Pero hindi ko naman magawang tumanggi dahil totoo namang okupado talaga ng ibang lalaki ang isip ko.

"Pwede kitang ihatid pabalik sa school," alok ko sa kanya bilang pasasalamat sa pagsama niya sa akin doon.

"Hindi na. Okay na ako mula rito. Pero sa Linggo dadalaw ako sa inyo." Bigla siyang sumeryoso.

"Pupunta ka sa amin sa Linggo?" Umangat ang mga kilay ko.

"Wala namang magagalit, 'di ba?"

"Teka," inalis ko muna ang bara sa lalamunan. "Aakyat ka ba ng ligaw sa amin?"

"Sa iyo, Oo. Sa mga magulang mo magpapaalam lang akong liligawan kita."

Umawang na lang ang bibig ko. Totoo nga ang tsismis sa akin ni Maricel. Kaya lang, may kutob akong crush si Toby ng kaklase kong iyon. Sabagay, wala naman akong balak na sagutin siya. Hindi pa ako sigurado kung handa na akong pumasok sa ganoong uri ng relasyon.

"May gusto ka bang pasalubong sa Linggo?" tanong ng lalaki.

"Lechon?"

Saglit na natameme si Toby at bahagyang namutla habang ako ay tumatawa.

"Joke lang, ano ka ba? Bakit kailangan mong magdala ng pasalubong?" Umangkas na ako sa motor at pinaandar iyon. "Okay lang kahit wala."

Napakamot siya sa ulo at natawa na rin saka hinawakan ang kanan kong kamay na nasa manibela. Tumitig siya sa mga mata ko at nababasa ko roon ang sensiridad.

"Thank you, Nash. Matagal na dapat ito pero binakuran ka ni Weljun noon, hindi ako makalapit."

Tumango lang ako. Ayaw ko nang palawigin pa ang usapan na may kinalaman kay Weljun, paulit-ulit lang akong nakararamdam ng lungkot. Baka 'pag nagtagal ay masisi ko na ang sarili ko sa ginawang pagpapakamatay ng lalaki. Ako lang din ang mahihirapan kung may ganoong negatibong emosyon ang uusbong sa aking puso.

Pumara ng traysikel si Toby at halos magkasabay lang kaming umalis doon. Bumili muna ako ng pusit sa palengke bago ako tumuloy pauwi. Mabagal lang ang takbo ng motor ko pero ang tibok ng puso ko ay wagas kung umarangkada nang matanaw ko ang pick-up na naka-park sa labas ng bakuran namin. Gaya ng madalas kong maranasan ay gumagahol na naman ang hangin sa aking baga.

Nasa bahay namin si Juno?

Habang papalapit ay dinig ko ang malutong na tawa ni Bonbon. Pagliko ko ay nakita ko ang bata na nagtatapon ng bola papunta sa basketball ring na kaninang umaga ay wala pa roon sa bakuran. Mukhang katatayo lang niyon. Halatang bagong pintura ang haliging tubo na kulay pula at ang board ay gawa sa fiber glass. Pula rin ang pintura ng ring at net.

ISLA SEÑORITA: KANDUNGAN NI EVA✔Donde viven las historias. Descúbrelo ahora