Chapter 7

1.5K 78 9
                                    

Naramdaman siguro ni Juno na hindi ako komportable sa pagbuntot niya sa akin kaya dumistansiya siya. Sensible naman pala siya kahit papaano. Tiyak ayaw rin niyang ma-tsismis kaming dalawa. Hepe siya at mabilis ang pagkalat ng popularity niya rito sa lungsod dahil na rin sa sunod-sunod nilang operasyon. Magtataka ang mga tao kung makita siyang bubuntot-buntot sa akin.

Pero naroon pa rin siya sa boy's section at nakatanaw habang tumingin-tingin ako ng shorts at t-shirts para kay Bonbon. Malawak ang bahaging iyon ng palapag para sa mga gamit ng bata at hinati sa dalawa. Napansin ko ang mga nagsho-shopping na tila biglang de metro na ang kilos. Umagaw na kasi ng atensiyon ang presensya ni Juno at malamang ay iniisip ng mga tao na nagmamanman doon ang lalaki.

Sinilip ko ang cellphone ko at tiningnan ang notes para sa nilista kong bilhin. Nakapili na ako ng shorts na pambahay. May mga t-shirts na rin. Limang pares na lang muna. Lumipat ako sa pantalon at polo shirt. Kumuha ako ng dalawang pants at dalawa ring polo shirts. Tumingin din ako sa mga sapatos at tsinelas. Tig-iisang pares lang muna ang binili ko.

Pagdating ko sa counter lagpas tatlong libo ang lahat. Kinulang ang binigay ni Papa. Buti na lang may naitago akong isang libo mula sa allowance ko. Papalitan ko na lang iyon doon sa ipon ko. Hinugot ko na ang pera sa wallet ko nang mag-abot si Juno ng apat na lilibuhing papel sa cashier.

"Take this for her bill." Bahagya lang siyang sumulyap sa akin.

Umawang ang bibig ko. Pati ang cashier ay nakatunganga rin muna sa kanya. Ano ba itong pakulo niya? Swerte ko na lang dahil ako lang ang customer sa counter na iyon. Kung nagkataong may ibang tao, baka higit pa sa bumabagyong tsismis ang abutin namin.

Kabadong kinuha ng cashier ang pera at binigay sa kanya ang sukli. Siya na rin ang tumanggap sa mga pinamili kong nasa loob ng eco bags. Halos lumipad na ako sa bilis ng mga hakbang paalis sa second floor ng mall. Damang-dama ko ang humahabol na tanaw ng cashier at ng ibang mga shoppers na nadadaanan namin. Parang narinig ko pa na may tumawag aa akin pero hindi ko na pinansin.

"Ano iyon? Bakit ikaw ang nagbayad? May pera ako rito!" gigil kong sita sa kanya pagkaakyat namin sa rooftop parking at naipasok niya sa backseat ang mga eco bags.

Hindi siya sumagot at tila ba natutuwang pinagmamasdan lang ako. Bumukol ang dila niya sa kaliwang pisngi dahil sa pagpipigil ng ngiti. Wala akong mahihita sa kanya, baka manigas na lang ako rito.  Kinapa ko na lang ang pitaka ko at kumuha ng pera sa loob.

"Hindi ako kumontra roon kanina dahil ayaw kong magtalo tayo at umagaw ng atensiyon sa mga tao." Ibinigay ko sa kanya ang tatlong libo at limang daan. "Kunin mo na!"

Hinawakan niya ang kamay ko at hinatak ako. "Gusto mo nang kagat sa leeg?" Nahulog sa leeg ko ang lumalagkit niyang titig. "Dare me, Nash. You'll see, better shut your little mouth up."

Pumiksi ako at umatras, sakal ng sarili kong kamay ang aking leeg. Ano raw? Kakagatin niya ako? Bampira ba siya? Nakuyom ko sa loob ng palad ang perang hawak.

"Do you think you can deny me to those people around you? Umaakto ka roon sa ibaba na wala kang kasama. It's not so nice." Humakbang siya papalapit.

Nakulta ang utak ko at kulang na lang ay hambalusin ko siya ng bitbig kong bag. Ano bang problema niya? Akala ko pa naman ay naiintindihan niyang umiiwas lang akong pag-usapan kami ng mga tao.

"Nash! Nazarita!"

Parehas kaming nahinto at natilihan ako nang matanaw si Toby na lumitaw sa bukana ng hagdanan pababa ng elevator. Nagmamadaling lumapit sa amin ang lalaki at may pagtataka ang mga matang nagpapalipat-lipat sa aming dalawa ni Juno.

"Sir," pagkuwa'y binati nito ang hepe.

Tumango si Juno. Pero napansin ko ang lalong pagdilim ng mukha niya at ang pagtigas ng gumagalaw niyang mga panga. Halatang iritado.

ISLA SEÑORITA: KANDUNGAN NI EVA✔Where stories live. Discover now