Chapter 26

1.1K 59 17
                                    

Ilang araw lang akong nanatili sa hospital hindi dahil magaling na ang mga paso ko kundi dahil iginiit ni Warren na hindi ako ligtas doon. Hindi ko naman siya makontra. Sa nangyari sa amin ng pamilya ko at sa bahay namin na natupok ng apoy, hindi ko na kailangang itanong pa na may banta nga sa buhay namin. Pero ayaw pa gumana ng utak ko para isa-isang himayin ang mga tanong ko.

"Babalik ako bukas," sabi ng nurse matapos linisin at palitan ang benda ng paso ko sa leeg, balikat at braso.

Tumango ako. "Salamat po."

Nagtamo ako ng third degree burn dahil sa sunog. Sabi ng doctor ay mga ilang linggo pa ang itatagal bago maghihilom ang mga paso ko pero pwede naman akong out-patient kaya pinahintulutan ang request ni Warren.

Lumabas ang nurse at naiwan akong mag-isa sa kuwarto. Bahay ni Warren ang pinagdalhan niya sa akin. May distansiya iyon mula sa poblacion. Mga anim na kilometro siguro. Malaki ang bahay, bungalow type at kompleto sa modernong mga kagamitan. May gate at may malawak na bakuran.

Ang alam ko ay may dalawang kapatid si Warren. Siguradong may mga asawa na kasi siya naman ang bunso. Ang nakita ko pa lang na nandito ay may edad na lalaking nagbukas kanina ng gate, si Mang Kokoy at ang dalawang katulong na babaeng maaring ilang taong gulang lamang ang tanda sa akin, sina Nitchee at Chanley.

Sinulyapan ko ang sarili mula sa malaking salamin sa tapat namin at natuon ang paningin ko sa benda sa aking leeg. Tila may pumilipit na namang mga kadenang tinik sa puso ko nang maalala si Juno. Tiyak hindi na niya magugustuhan ngayon ang leeg ko. Kahit gumaling pa ang paso, maiiwang kulubot ang balat ko dahil sa peklat. Wala akong pera para magpa-surgery at ibalik sa dating kinis ang balat ko.

Ikinurap ko ang mga mata para mapigil ang tuluyang pagbalong ng mga luha. Iniwas ko ang tingin mula sa salamin. Wala na akong pakialam pa. Bakit ko ba naiisip na gugustuhin pa akong makita ng lalaking iyon? Kahit anino nga niya ay hindi na nagpaparamdam sa akin. Ang dapat na inaalala ko ngayon ay ang mga magulang ko. Wala pa rin akong balita sa kanila.

"Nash?" Bumaling ako kay Warren na pumasok ng pintuan, bitbit ang aluminum tray na may laman na snacks.

"May balita na ba sa paghahanap sa mga magulang ko at kay Bonbon?" tanong ko sa kanya.

Nilapag niya sa mesita ang tray. "Wala pa rin."

"Baka kung ano na ang nangyari sa kanila," ungot kong pinilipit ang aking mga kamay. "Kung pwede lang sana akong  lumabas para hanapin sina Papa at Mama."

"May kutob akong buhay pa sila. Hindi sila basta papatayin ng mga tauhan ni Juno."

"Paano ka ba nakatitiyak na hawak sila ni Juno? Hindi pa nga sila nahahanap, 'di ba?" Hindi ko namamalayang banaag na sa tono ko ang pagnanais na depensahan pa rin ang lalaking mahal ko.

"Ganoon mo ba siya kamahal para ipagtanggol mo siya ng ganyan kahit alam mo na ang totoo?" Naging mariin ang tono ni Warren.

Umiyak na lang ako. Kaysa magsinungaling kay Warren, mas madaling aminin ang tunay kong nararamdaman kahit matinding pagkadurog ang dulot nito sa akin.

"Mahal ko si Juno. Mahal na mahal at mahal ko pa rin siya hanggang ngayon. Hirap akong maniwala na siya ang may pakana sa lahat ng nangyari. Ayaw pa rin iyon tanggapin ng puso ko kahit na sinasabi ng utak kong kailangan ko nang tanggapin. Ganoon ko lang siya kabilis minahal pero bakit hirap na hirap ako ngayong huwag na siyang mahalin?"

Dismayadong tumitig sa akin ang lalaki at marahang umiling. "Babalitaan kita tungkol sa mga magulang mo kapag nakausap ko na ang kapatid ko. Kumain ka na. Tawagin mo na lang ako kung may kailangan ka pa." Tumalikod na siya at lumabas ng silid.

ISLA SEÑORITA: KANDUNGAN NI EVA✔Where stories live. Discover now